Academe

Pagtutol sa pagkitil sa Wikang Filipino

(AGOSTO 27)— “Patuloy na naninindigan ang Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD) na dapat panatilihin at palakasin ang wikang Filipino at panitikan bilang asignatura sa kurikulum ng mga kolehiyo at pamantasan. Ang desisyon ng Korte Suprema na pagtibayin ang Commission on Higher Education (CHED) Memo Blg. 20 Serye 2013 ay hindi lang pagkitil sa wika at panitikang Filipino kundi kataksilan sa mamamayan at sa bayan,” matapang na pahayag ni Prop. Michael Francis C. Andrada, PhD, direktor ng SWF-UPD, sa pormal na pagsisimula ng selebrasyon ng Buwan ng Wika sa UPD.

Ginunita ang Buwan ng Wika na may temang “Sulong 2019: Ang Dapat Mabatid ng mga Filipino.” Sinimulan noong Agosto 8 ang selebrasyon na ginanap sa Benitez Theater ng Kolehiyo ng Edukasyon (CEd).

Andrada

Sinabi ni Andrada na ang pagdiriwang ay “buwan ng pinapaslang na wikang pambansa. Simula sa taong ito, ‘Sulong’ ang magiging pangalan ng pangkahalatang pagdiriwang ng ‘Buwan ng Wika’ sa pamumuno ng SWF ng UPD. Hinihingi ng panahon na tumugon tayo sa mga hamong kinakaharap ng wikang Filipino, panitikan, kasaysayan, mamamayan at Bayan.”

Dagdag pa niya, hindi masamang pag-aralan ang mga asignatura tungkol sa gender and development o GAD at new media ngunit pinagbabangga umano ng ganitong hakbang ang dapat ay hindi magkabanggang interes.

Sa katunayan aniya, “Ang mga karapatang may kinalaman sa kasarian, sekswalidad at malayang pamamahayag ay lubos lamang mauunawaan at maipagtatanggol gamit ang sariling wika na ginagamit ng malawak na hanay ng mamamayan.”

Aniya ay dapat umanong mabatid ng mga Filipino kabilang ang mga nagpapatakbo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na “Ang wikang Filipino sa pangunahin ay wikang tagapagbigkis ng pilit na hinahating Bayan. Ang wikang Filipino, higit kailanman, ay kinakailangang pakilusin ang mamamayan laban sa paniniil patungo sa tunay na kalayaan.”

Rodriguez

Mga panayam. Nagkaroon din ng panayam tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino kaugnay ang iba’t ibang usapin.

Ayon kay dating SWF-UP direktor Rommel B. Rodriguez, “Sa pamamagitan ng Filipino, maisasakatuparan ang pagpapalago at pagpapayaman upang mabuo ang pambansang kultura. Napapalalim ang wikang Filipino sa pag-iisip ng mga mag-aaral para matukoy ang mga bagay at mga usaping makabuluhan at dapat paglaanan ng panahon.”

Samantala, tinalakay naman ni Prop. Carlo Gabriel S. Pangilinan ng UP Film Institute, ang paksang “Wikang Filipino at ang Dagok ng Adyendang Neoliberal.”

Pangilinan

Aniya, ang salarin diumano ng kakulangan ng pagsulong sa wika ay ang estado at “Hindi nagagamit ang wika sa larangan ng kultura. Hindi nagagamit ang wika sa larangan ng ekonomiya at lalo na sa usaping pampulitika sapagkat wala talagang interes ang pambansang estado na ito ay paunlarin.”

Tinuligsa rin ni Pangilinan ang higit na pagpapahalaga ng estado sa wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino.

Samantala, ang panayam ni Prop. Eulalio R. Guieb III, PhD ng Departamento ng Brodkasting sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, ay tungkol sa “Mga Wika ng Pananatili: Panimulang Reflexive ng Muni hinggil sa mga Kontraktuwal na Manggagawa sa Brodkast.”

Ayon kay Guieb, isa sa mga pinag-iisipan niya noon pa ay kung “Bakit sa kabila ng inhustisya sa brodkast ay patuloy na nananatili ang marami sa industriyang ito?” 

Pinili umano ni Guieb na pag-aralan ang kalagayan ng mga kawani ng DZUP 1602, ang opisyal na istasyon ng radyo ng UPD, na ang karamihan ay nasa kategoryang “non-UP contractual” ang estado ng trabaho.

Guieb

“Anong wika ang sasagot sa kumplikadong relasyon ng UP at ng kanyang mga anak na ngayon ay kanya ng mga manggagawa, subalit mga anak na hindi niya maituring na totoong taga-UP dahil sila nga ay non-UP?” ani Guieb.

Ayon kay Guieb, sa kanyang panimulang muni, “Sila ay nanatili. Iyon para sa akin ang tila mas angkop na wika ng kanilang kundisyon.”

Paglulunsad at iba pang mga aktibidad. Inilunsad din ang pitong bagong aklat na inilimbag ng SWF-UPD.

Ito ay ang mga “Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” na pinamatnugutan nina Rodriguez at Pangilinan (ang mga namuno rin sa naturang proyekto); “Wika at Pasismo: Politika ng Wika at Araling Wika s aPanahon ng Diktadura” ni Prop. Gonzalo A. Campoamor II, PhD; “Ang Bayabas sa Tagaytay at iba pang Kuwento mula sa Kabataan ng Paaralang Lumad” at Pangiyak: Kwento at Panawagan ng mga Bayani ng Mindanao” ng Save Our Schools (SOS) Network, at “Sino Siya?”, “Tiktak” at “Pagmulat” ng Save the Children.

Ang kopya ng mga bagong aklat ay inihandog sa University Library at sa UP College of Education Library.

Lumahok din ang ilang mga delegado mula sa Balara High School, Best Link College of the Philippines, Colegio de San Lorenzo, Colegio de Sto. Niño, Far Eastern University-NRMF, National Christian Life College Marikina, Mindanao State University, Girl Scouts of the Philippines Quezon City Council, Lagro High School, Lyceum of the Philippines University, Meycauayan College, National Teachers’ College, New Era University, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Parañaque Elementary School Central, Philippine Normal University, Polytechnic University of the Philippines (PUP) Manila, PUP Quezon City, Rizal Technological University, San Bartolome High School, Save our Schools Network, Save the Children, Southern Luzon State University, Tokyo University of Foreign Studies, Tri-College ng UPD at University of Santo Tomas.

Ilan din sa mga isinagawang aktibidad para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay ang “Journos 2019: Seminar-Palihan sa Pamamahayag” (Agosto 9-10 at 16-17) sa St. Augustine Academy of Pampanga, Floridablanca, Pampanga; “Susing Salita: Diskurso sa Wika, Kultura at Bayan” at “Talasalitaan: Hamon sa Hinaharap ng Wikang Filipino” na parehong ginanap noong Agosto 14 sa Benitez Theater, CEd; “Usapang G.E.-Wika 1” (Agosto 19) sa UP Los Baños, Laguna, at “Salinan: Palihan sa Pagsasalin” (Agosto 23) sa Cariño Hall, Ikatlong Palapag, SURP Building, UPD.

Ang dalawang huling aktibidad ay ang “Salunga: Pangkulturang Programa at Gawad Edgardo Maranan” sa Agosto 29 na gaganapin din sa Cariño Hall (1-5 n.h.) at ang “Pambansang Seminar sa Pagtuturo ng/sa Wikang Filipino at Panitikan sa Panahon ng Krisis” sa Agosto 31 sa Benitez Theater (8 n.u.-5 n.h.). —Haidee C. Pineda, mga kuha ni Leonardo A. Reyes