Extension

NSTP Diliman inilunsad ang Tanáw

Upang ipagdiwang at kilalanin ang bunga ng sama-samang pagsisikiap ng mga guro, tagapagtupad, manunulat, at mga katuwang ng National Service Training Program (NSTP) sa UP Diliman (UPD), pormal na inilunsad ang Tanáw, ang kauna-unahang opisyal na publikasyon ng Tanggapan ng NSTP Diliman.

Ang unang tomo, na inilunsad noong Oktubre 5 sa Palma Hall Lobby, ay naglalaman at naglalahad ng mahahalagang ambag at karanasan mula sa pagpapatupad ng NSTP para sa Akademikong Taon (AT) 2024-2025.

Ayon sa Tanggapan ng NSTP, higit sa isang koleysiyon ng mga materyales, ang Tanáw ay nagsisilbing sanggunian para sa patuloy na pagtalakay at higit na pagpapalalim ng pagkatuto at pakikilahok ng mga mag-aaral ng NSTP sa UPD.

Binigyang pugay ni Maria Vanessa Lusung-Oyzon, UPD bise tsanselor para sa gawaing akademiko, ang paglulunsad ng Tanáw. Aniya, ang aklat ay nagtatampok ng mga pagsisikap at ambag ng mga mag-aaral sa paglilingkod sa kanilang mga katuwang na komunidad at organisasyon. Kaniya ring pinuri ang mahalagang paggabay ng mga guro at tagapag-ugnay.

Lusung-Oyzon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

“Higit pa sa pagiging rekisito, literal na puso at pawis ang kanilang ibinuhos upang maghatid ng serbisyo sa mga nangangailangan nito. At marapat lamang na sabihing pinatototohanan nila ang sagisag ng pagiging isang tunay na Iskolar ng Bayan,” pahayag ni Lusung-Oyzon.

Samantala, binigyang-diin ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang halaga ng pagiging iskolar ng bayan. Aniya, hindi lamang ito akademikong kahusayan. Ito rin ay ang pagsasalin ng kaalaman tungo sa makabuluhang pagkilos at paglilingkod sa bayan.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Ayon kay Vistan, ang Tanáw ay nagsisilbing talâ ng mga konkretong ambag ng mga mag-aaral sa komunidad. Ito rin ay patunay na ang husay at dangal ay higit na nagkakaroon ng saysay kapag ginagamit para sa kapakanan ng iba.

“Mahalaga ring kilalanin na ang bawat tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap. Bunga ito ng oras at talento ng mga mag-aaral, ng mga guro at kawani na gumabay sa kanilang paglalakbay, at ng mga komunidad at katuwang na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan,” saad ni Vistan.

Tampok din sa paglulunsad ang presentasyon ni Micah Jeiel R. Perez, katuwang na propesor at kasalukuyang tagapag-ugnay ng NSTP sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP), at ni Sarah Grace L. Candelario, katuwang na propesor at tagapagugnay ng NSTP sa Kolehiyo ng Edukasyon, tungkol sa kani-kanilang proyekto sa NSTP.

Ibinahagi ni Perez ang proyektong Katapatan sa Paglilingkod, tungkol sa mga gawain ng mag-aaral ng KAPP para sa AT 2024-2025. Ilan sa mga ito ay ang social media campaign laban sa online disinformation at misinformation patungkol sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, voter’s education children’s rights para sa kapakanan ng mga first time voters na kababaihan, isyu patungkol sa mental health, at environmental protection and sustainability.

Ibinahagi naman ni Candelario ang proyektong Diwa ng Literacy Training Service para sa mga Guro ng Bayan noong AT 2024-2025. Ayon kay Candelario, sila ay nakatuon sa pagtuturo tungkol sa beginning learning na kanilang isinagawa sa mga karatig-komunidad ng UPD tulad ng Pook Aguinaldo Community Learning Hub, Area 17 Community Learning Hub, at Krus Na Ligas Community Learning Hub.

Ipinagkaloob ang mga kopya ng Tanáw sa Aklatan ng Unibersidad na tinanggap ng Tagapangasiwa ng Aklatan na si Elvira Lapuz, gayundin sa iba pang opisyal ng UPD.

Mga dumalo sa paglulunsad ng Tanáw. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
  • Share: