
Matutunghayan na ang Linggo ng Parangal 2025 (LnP 2025) mula Mayo 5 hanggang 9, kung saan bibigyang-pugay at kikilalanin ang mga nakamit na tagumpay ng mga kasapi ng komunidad ng UP Diliman (UPD).
Sa buong linggo, kikilalanin ang mga kasapi ng komunidad ng UPD na naghatid ng karangalan, nagpamalas ng kahusayan, at naghandog ng mga katangi-tanging ambag sa Unibersidad, komunidad, at sambayanang Pilipino. Pararangalan ang mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, programang pang-ekstensiyon, lingkod komunidad, at organisasyong pangmag-aaral ng UPD. Bibigyang-pugay rin ang internasyonal na komunidad ng Unibersidad.
Ayon sa tagapamahalang komite ng LnP 2025, ang tema ngayong taon ay Mga Puwersa ng Pagbabago kung saan itinatampok ang Unibersidad bilang pangunahing pampublikong institusyong pang-edukasyon na “nananatiling puwersa sa isang matiwasay at mapagkalingang pagbabago na nakasandig sa mga makatotohanang karanasan ng mga naninirahan sa mga komunidad nito gayundin sa mas malawak na lipunang Pilipino.”
Pormal na bubuksan ang LnP 2025 sa Mayo 5, Lunes, ika-4 n.h. sa Oblation Plaza.
Susundan ito ng Parangal sa Mag-aaral 2025 na gaganapin sa Mayo 6, Martes, ika-2 n.h., sa Teatro ng Unibersidad. Kikilalanin dito ang angking galing ng mga gradwado at di-gradwadong mag-aaral ng UPD.
Kabilang sa mga pararangalan ang mga university scholar o ang mga mag-aaral na nakakuha ng general weighted average noong ikalawang semestre ng Akademikong Taon (AT) 2023–2024 at unang semestre ng AT 2024–2025 na hindi bababa sa 1.45 para sa mga programang di-gradwado at hindi bababa sa 1.25 para sa mga programang gradwado.
Bibigyang-pagkilala rin ang mga nanguna sa mga bar at licensure examination, gayundin ang mga samahang mag-aaral at mga estudyanteng nagtagumpay sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa.
Ang Parangal sa Mag-aaral ay mapapanood din nang live sa mga Facebook page ng UPD (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at ng UPD Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (https://www.facebook.com/ovcsa.upd).
Sa Mayo 7, Miyerkoles, ika-5 n.h., gaganapin ang Chancellor’s International Reception 2025 sa Varsity Training Center. Pasasalamatan dito ang internasyonal na komunidad ng UPD maging ang mga kinatawan at institusyon mula sa mga bansang mayroong ugnayang pang-akademiko at pangkultural sa Unibersidad.
Idaraos ang Parangal sa mga Retirado 2025 sa Mayo 8, Huwebes, ika-8:30 n.u.; ang Parangal at Pagkilala sa mga Kawani 2025 ay gaganapin naman ng ika-1:30 p.m. Ang dalawang seremonya ay parehong idaraos sa GT-Toyota Asian Cultural Center ng UPD Asian Center.
Kikilalanin dito ang galing at katapatan sa paglilingkod ng yamang-tao ng UPD.
Bilang panghuling programa ng LnP 2025, idaraos ang Gawad Tsanselor 2025 sa Mayo 9, Biyernes, ika-2 n.h., sa Awditoryum ng Linangan ng Biyolohiya. Pararangalan dito ng Unibersidad ang mga guro, mananaliksik sa Filipino, REPS (research, extension, and professional staff), kawani, mag-aaral, programang pang-ekstensiyon, at lingkod komunidad para sa kanilang mga natatanging pagpapamalas ng dangal at husay, at buong-pusong paglilingkod sa Unibersidad at sa bayan.
Gagawaran ng mataas na pagkilala ng UPD ang 12 indibidwal, dalawang programang pang-ekstensiyon, at isang lingkod komunidad. Ang mga nagwagi ay binubuo ng isang natatanging lingkod komunidad, dalawang natatanging programang pang-ekstensiyon, apat na natatanging mag-aaral, dalawang natatanging kawani, tatlong natatanging REPS, isang natatanging mananaliksik sa Filipino, at dalawang natatanging guro.