Notices

Mensahe ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo sa Komunidad ng UPD

6 Agosto 2020

 

Minamahal na mga Kasapi ng Komunidad ng UP Diliman,

Ang ating health care workers (HCWs) ay nagsalita na. Sa pagpasok natin sa mas mapanganib na yugto ng pandemya, nag-apela sila para sa isang “time-out” – upang mabigyan ang ating sistema ng pangangalaga sa kalusugan (health care system) ng pahinga at makabawi ng lakas ang ating HCWs. Ang mahalagang gawin agad habang may time-out ay suriin at muling ayusin ang pambansa at lokal na mga pagtugon sa pandemya.

 

Habang pinagninilayan kung ano ang nangyayari sa pambansang lebel, nakita rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ng UP Diliman. Noong Agosto 6, 2020, naibalita ang kabuuang 55 aktibong kaso sa ating mga constituent at sa ating komunidad. Kabilang sa mga kasong ito ay fakulti, kawani, mag-aaral at mga residente ng barangay, na mahigpit na minomonitor ng UP Health Service-Public Health Unit (UPHS-PHU) at ng UPD COVID-19 Task Force.

Mula Marso 16 hanggang Agosto 6, ang pinagsama-samang bilang ng kaso ng COVID-19 ng UPD ay nasa 139. Kasama sa bilang na ito ang mga nakatira sa loob at labas ng kampus. Sa pinagsama-samang total nito, 77 na ang mga gumaling, habang pito (7) ang naiulat na namatay mula noong Marso.

Nakababahala ang direksyong ito. Habang nilalatag namin ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga tanggapan at sa komunidad, ang mga hamon ay nagpapatuloy. Sinuri namin ang mga datos mula sa aming contact tracing at ipinakita nito ang bagong palatandaan ng transmisyon: ang kumpol ng mga kaso sa mga bahay. Ibig sabihin nito, kapag isang miyembro ng tahanan ang magkasakit, madali nang mahahawaan ang lahat ng mga nasa bahay.

Bilang tugon sa sitwasyong ito at sa apela ng ating HCWs, ang UPD COVID-19 Task Force ay gagamitin ang dalawang linggong ito ng modified enhanced community quarantine (MECQ) upang suriin, muling ayusin at palakasin ang aming mga stratehiya sa pagtugon sa pandemya. Bahagi ng pagsasaayos na ito, ang pasilidad pang-isolation (isolation facility) na Silungang Molave ay inaasahang bubuksan sa kalagitnaan ng Agosto. Ang targeted testing (naka-target na susuriin) ng mga kawani ay isasagawa sa mga darating na linggo. Ang ating kapasidad para sa contact tracing ay pahuhusayin at palalakasin.  Upang mabuo ang katatagan at pagkakaisa ng komunidad, ginagawa namin ang mga hakbang upang palakasin ang ating ugnayang pangkomunidad. Pinapaigting namin ang aming pampublikong impormasyon at pinapakilos ang mas maraming lokal na boluntaryo. Upang ayusin ang aming pagkolekta ng mga datos at pagsusuri, plano naming bumuo ng pampublikong datos pangkalusugan/sistema ng impormasyon (public health data/information system) sa tulong ng ating mga siyentista at eksperto sa IT.

Ang UP Health Service, ang UP Diliman COVID-19 Task Force at ang ating barangay health workers ay patuloy na kumikilos upang mapanatiling ligtas ang ating komunidad. Ngunit, kailangan namin ang tulong at kooperasyon ng lahat.

Ang bawat isa sa atin ay maaaring makatulong. Inuulit namin:

Manatili sa bahay maliban na lang kung may mahalagang lakad.

Iwasan ang matataong lugar.

Palaging magsuot ng face mask at face shield nang maayos.

Gawin ang physical distancing maski sa loob ng tahanan. Panatilihin ang  distansya nang hindi bababa sa isang metro mula sa katabi.

Maghugas ng mga kamay nang madalas at nang hindi bababa sa 20 segundo.

 

Ang unang hanay ng depensa ay ang ating mga sarili.

 

 

Fidel R. Nemenzo
Tsanselor, UP Diliman

 

KOMUNIDAD NG UPD
(Mga UPD Constituent at mga Residente ng Barangay)

KASALUKUYANG AKTIBONG KASO
sa ika-6 ng Agosto 2020

55

 

PINAGSAMA-SAMANG TOTAL
Marso 16 – Agosto 6, 2020

 

KUMPIRMADONG KASO

MGA GUMALING

MGA NAMATAY

139

77

7

  • Share:
Tags: