Notices

Mensahe ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo sa Komunidad ng UP Diliman

15 Setyembre 2020

 

Minamahal na mga Kasapi ng Komunidad ng UP Diliman,

 

Sinimulan natin ang bagong semestre kasama ang ating kolektibong karanasan sa pagtitiyaga sa panahon ng pandemya. Noong Marso ay sinuspinde natin ang mga klase at tinapos ang semestre sa pamamagitan ng kapwa pagyakap sa akademikong kahusayan at malasakit sa ating mga mag-aaral at guro. Ang birtuwal na seremonya ng pagtatapos noong Hulyo ang kauna-unahan sa kasaysayan ng UP Diliman. Sa kabila ng tila hindi malalampasang mga hadlang, ang unibersidad ay umangkop at sumulong.

Ngayong semestre ay humaharap ulit tayo sa parehong pagsubok, ngunit may isang malaking kaibahan. Hindi lang tayo simpleng tumutugon sa pagkagambala ng buhay sa unibersidad; sa halip, tayo ay nagtatayo ng imprastraktura para sa mas masigasig na mga pamamaraan sa edukasyon. Ang paglipat sa remote teaching and learning (pagtuturo at pagkatuto mula sa malayo) ay nangangailangan na ibahin ang ating mga kaisipan at kasanayan. Ang paglipat na ito ay hindi inaasahang magiging madali. Upang harapin ang pagsubok na ito, ang unibersidad ay kinailangang kayanin ang sitwasyong pangkalusugan at mapanatili ang pagpapatuloy ng edukasyon sa pamamagitan ng pagsuporta sa paghahanda para sa remote learning at pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng mga lugar na pinagtatrabahuhan.

Gusto kong bigyang-diin na ang semestre na ito ay tungkol sa pagsubok sa ating kakayahan na umangkop sa mga limitasyon ng ating sitwasyon at ipatupad ang mga pagbabago sa paraan ng ating pagtuturo at pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Kinakailangang tayo ay magpatuloy, ngunit maging makatotohanan sa ating mga hadlang at sa pangangailangang ibalanse ang ating mga pagkilos. Hindi ito tungkol sa dapat magawa ang lahat nang tama; ito ay tungkol sa pagtuklas sa kung ano ang ating kakayahan sa ngayon habang hinahayaan ang kakayahang makibagay tayo sa pag-angkop natin sa remote modes of learning.

Ang kakayahang makibagay ang prinsipyo na dapat gawing patnubay ngayong semestre. Samakatuwid, pagtuklas sa ating mga kakayahan, higit sa ebaluwasyon ng ating pagganap, ang dapat maging patnubay sa diskarte sa gawaing pang-akademiko, para sa mga mag-aaral at guro. Binibigyan tayo nito ng pagkakataon para sa mas malalim na pagkatuto, upang mas pagnilayan ang ating mga gawain bilang mag-aaral, guro o mga administrador pang-akademiko, at hindi nagmamadali sa buong semestre na hinahabol lamang ang performance indicators (mga katibayan ng pagganap). May kalayaan tayong bigyang-kahulugan kung ano ang makabuluhang gawaing pang-akademiko batay sa ating bagong konteksto. Hinihikayat ko ang lahat na galugarin at ibahagi sa atin ang mga alalahanin upang makagawa tayo ng mga kinakailangang baguhin, kung posible, sa mga polisiya at ibang mga bagay.

Panghuli, sa lahat ng mga nagawa ng UP Diliman sa panahong ito ng pandaigdigang kaguluhan, nagpapasalamat ako sa ating mga fakulti, kawani at mag-aaral. Hangad ko ang isang magandang semestre para sa lahat!

 

Fidel R. Nemenzo
Tsanselor

 

English version