Campus

Maging masaya at mapasaya ang iba

“Ang motto ko po sa buhay ay ang maging masaya at mapasaya ang iba,” tugon ni Rhea A. Zacarias, isa sa mga security guard sa Kompleks ng Teatro ng Unibersidad (UP Theater Complex / UPTC).

Mahalaga sa kanya na maging masaya upang makaya ang mga pagsubok sa buhay. Nakakatulong din ang pagiging masaya “upang makaraos sa araw-araw na buhay,” paliwanag ni Zacarias.

Tubong San Jose, Romblon, si Zacarias ay pangalawa sa anim na anak nina Eddie, isang kapitan ng bangka na naghahatid ng mga tao sa mga isla ng Romblon at karatig-probinsiya, at Ruth na pumanaw noong 2013.

Zacarias. Larawang mula sa UPDIO archives

“Pagkatapos ng high school ay nagtrabaho na ako sa isang hotel sa Boracay. Nasa customer service ako roon. Tatlong taon din ako roon,” kuwento ni Zacarias.

Makalipas ang trabaho sa Boracay ay minsang nagbakasyon ang kanyang mga tiya sa kanilang bahay at na-engganyo siya sa mga kuwento nila bilang mga security guard sa Maynila. Dahil sa mga narinig ay ginusto na rin niyang maging security guard kaya sumama na siya sa mga ito nang bumalik pa-Maynila. Natulungan siya ng kanyang mga tiya na makapasok sa mundo ng pagse-security guard.

Nagsimula si Zacarias, o Ate Zac sa mga kaibigan at katrabaho sa UPTC, sa pagiging security guard bandang 2017. Hindi siya sa UP Diliman (UPD) unang nag-security guard kundi sa Pasig Rainforest Park.

“Doon ako nagtrabaho nang limang taon. Nakakapagod doon kasi pasyalan iyon kaya laging maraming taong kinakausap o tinutulungan. Nang matapos na ang kontrata ko roon ay nagpahinga muna nang ilang buwan bago naghanap uli ng trabaho,” sabi ni Zacarias.

Zacarias. Larawang mula sa UPDIO archives

Nang malaman niyang may opening sa UPD para sa mga security guard, tinulungan siya ng kanyang mga tiya na makapasok sa UPD.

Hunyo 2022 siya nagsimulang magtrabaho sa UPTC, at ngayong apat na taon na siya sa UPTC ay marami na siyang naging karanasan dito.

“Dahil po siguro sa pagiging masayahin ko ay dumami po ang aking kaibigan, hindi lang sa mga kapwa security guard, kundi pati sa mga staff at mga direktor na nagtratrabaho sa UPTC,” paliwanag niya. “May times din talaga na hindi natin maiwasan na napapagalitan. Pero, bahagi na rin ng experience iyon. Dahil doon sa galit na iyon, parang lalo kang pursigido doon sa trabaho. Parang iyon ang nagiging motivation ko,” dagdag niya.

Taong 2022 rin nang nakilala niya ang partner niya at apat na taon na silang may relasyon. Nagpapasalamat si Zacarias na tanggap sa UPD ang mga katulad niyang bahagi ng LGBTQIA+.

“Sa ngayon ay isang taon na kaming long-distance relationship dahil nagtratrabaho siya sa Riyadh, Saudi Arabia,” kuwento ni Zacarias.

Nasa elementarya pa lang siya nang maramdaman ni Zacarias na isa siyang lesbian o tomboy kasi mga panglalaking damit ang gusto niya.

Zacarias. Larawang mula sa UPDIO archives

“Ayaw kong mag-bestida at palda. Umaalis ako sa bahay nang naka-school uniform pero may baon akong t-shirt at jogging pants. Nagpapalit ako pagdating ko sa eskwelahan, maliban na lang kung required talagang naka-uniform kami,” paliwanag ni Zacarias.

Dahil sa kanyang motto, ang isa sa mga idolo ni Zacarias ay si KingLuckss, o Lucky Calotes ng Brgy. Cabatuan, Palapag sa Northern Samar. Nakilala si KingLuckss bilang isang vlogger dahil namimigay siya ng pinansiyal na tulong at mga bagay pangkabuhayan sa mga taong nangangailangan.

“Gusto kong maging katulad niya. Gusto kong mas matulungan ko rin ang pamilya ko at ang ibang tao. Iba kasi ang saya kapag napapasaya mo iba,” pagtatapos ni Zacarias.

  • Share: