(UP Diliman Information Office) — Kikilalanin at bibigyang-pugay ang mga pararangalang kasapi ng komunidad ng UP Diliman (UPD) sa Linggo ng Parangal (LnP) 2022 na gaganapin simula Hunyo 20 hanggang 24.
Ang taunang LnP ay pagkilala sa mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, programang pang-ekstensiyon, at organisasyong pangmag-aaral na naghatid ng karangalan, nagpamalas ng kahusayan, at naghandog ng mga natatanging ambag para sa kapakanan ng Pamantasan, publiko, at sambayanang Pilipino. Bibigyang-pugay rin ang paglilingkod ng yamang-tao ng Unibersidad at ang internasyonal na komunidad ng UPD.
Ang mga palatuntunan para sa LnP ay birtuwal na masasaksihan sa pamamagitan ng livestreamsa website ng UPD(https://upd.edu.ph/linggo-ng-parangal-2022/) at YouTube channel nito (https://www.youtube.com/c/UniversityofthePhilippinesDilimanOfficial).
Ngayong taon, ang tema ng LnP ay “kaMULATan” bilang aspirasyon at adhikain ng bayan kung saan hangad ng Pamantasan na mabigyang-diin ang kahalagahan ng kritikal na pag-unawa sa lipunang Pilipino sa gitna ng ligalig at kawalan ng seguridad sa kolektibong kinabukasan.
Sa darating na Hunyo 20, Lunes, ika-6 n.g. ay sisimulan ang pagdiriwang ng LnP ng “Sigasig: Seremonya ng Pagbubukas” kung saan bibigyang-parangal ang mga indibidwal, grupo, at institusyong nagsilbing huwaran ng masigasig at matapat na paglilingkod lakip ang dangal, husay, at malasakit na walang tinatanaw na kapalit.
Ang mga tatanggap ng parangal ay ang UP School of Statistics Student Council, UP Workers’ Alliance, at Kariton ng Maralita Network.
Pararangalan din ang dalawang mahahalagang proyektong inilunsad bilang tugon sa COVID-19 para sa lahat ng kasapi ng UPD: ang Silungang Molave Isolation Facility at ang Bakunahan sa Diliman.
Sa Hunyo 21, Martes, ika-6 n.g. ay gaganapin naman ang Parangal sa Mag-aaral kung saan kikilalanin ang angking galing ng mga gradwado at di-gradwadong mag-aaral ng UPD.
Kabilang sa mga pararangalan ay ang mga university scholar o ang mga mag-aaral na nakakuha ng general weighted average noong unang semestre ng Akademikong Taon 2021-2022 na hindi bababa ng 1.25.
Bibigyang-pagkilala rin ang mga nanguna sa bar at licensure examinations, gayundin ang mga samahang mag-aaral at mga estudyanteng nagtagumpay sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa.
Ang Parangal sa Mag-aaral ay mapapanood din nang live sa mga Facebook page ng UPD (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at UPD Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (https://www.facebook.com/ovcsa.upd).
Sa Hunyo 22, Miyerkules, ika-6 n.g., magkakaroon ng Chancellor’s International Reception na gaganapin sa bagong gusali ng College of Fine Arts (CFA) bilang pagpupugay sa internasyonal na komunidad ng UPD at upang pasalamatan ang mga kinatawan at institusyon mula sa mga bansang mayroong ugnayang pang-akademiko at pangkultural sa Unibersidad.
Sa Hunyo 23, Huwebes, ika-4 n.h., kikilalanin ang galing at katapatan sa paglilingkod ng yamang-tao ng UPD sa 2021 Parangal at Pagkilala para sa mga Kawani at Retirado ng Unibersidad ng Pilipinas.
At bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng LnP, idaraos ang Gawad Tsanselor 2022 sa Hunyo 24, Biyernes, ika-6 n.g. kung saan bibigyang-parangal ng Unibersidad ang mga guro, research, extension and professional staff (REPS), kawani, mag-aaral, at programang pang-ekstensiyon para sa kanilang mga natatanging pagpapamalas ng husay at dangal, at buong-pusong paglilingkod sa Pamantasan at sa bayan.
Gagawaran ng mataas na pagkilala ng UPD ang 14 na indibidwal at tatlong programang pang-ekstensiyon.
Ang mga nagwagi ay binubuo ng limang mag-aaral, dalawang administratibong kawani, apat na REPS, tatlong kasapi ng fakulti, at tatlong programang pang-ekstensiyon.
Ang Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mag-aaral ay igagawad kina Raven B. Frias (College of Home Economics), Pamela Eyre Victoria R. Lira (College of Science), Rowill Christian R. Rempillo (College of Engineering / COE), Jan Goran T. Tomacruz (COE), at Zadkiel John S. Yarcia (College of Music).
Ang mga pararangalan ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Kawani ay sina
Jacelle Isha B. Bonus (UPD Information Office) at Archie C. Clataro (College of Arts and Letters / CAL).
Ipagkakaloob naman ang Gawad Tsanselor para sa Natatanging REPS kina Rizalyn V. Janio (University Library), Erlina R. Ronda, PhD (National Institute for Science and Mathematics Education Development), Maree Barbara M. Tan-Tiongco(UP Theater Complex), at Pierangeli G. Vital, PhD (Natural Sciences Research Institute).
Si Nancy Kimuell-Gabriel, PhD, isang propesor sa CAL, ay nagkamit ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino.