Muling itinanghal ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu) ang Filipino zarzuelang Walang Sugat bilang bahagi ng Abelardo Hall Auditorium (AHA) in Transit Concert Series.
“What better way to finish our Walang Sugat stint at UP than finish it tonight at the Camerata,” sabi ni Alegria M. Ferrer, DPA, ang direktor ng pagtatanghal. Siya ay kawaksing propesor sa CMu Department of Voice, Music Theater, and Dance.

Noong isang taon, ilang beses na itinanghal ang Walang Sugat sa UPD.
Ang Walang Sugat, isinulat ni Severino M. Reyes at nilapatan ng musika ni Fulgencio Tolentino, ay kwento ng pag-iibigan nina Tenyong at Julia noong panahon ng pananakop ng Espanya. Pilit pinipigilan ang kanilang pagmamahalan ng tadhana at ni Juana, ina ni Julia. Ssamantala, si Miguel, anak ni Don Tadeo, ay nag-aalay rin ng kanyang pag-ibig kay Julia ngunit hindi siya nito gusto. Sa kabila ng maraming pagsubok, nagwakas ang kwento sa kanilang kasal sa tulong ng kanilang mga kaibigan.

Si Josefino “Chino” Toledo, propesor emeritus ng CMu, ang nagsilbing tagapag-areglo ng musika at nagdagdag ng mga tugtugin.
Gumanap sa pagtatanghal sina Daniella Silab (Julia), Diego Alcudia (Tenyong), Athena Macatangay (Monica), Nelson Borongan Jr. (Lucas), Ritz de la Cruz (Juana), Raymond Leslie Diaz (Tadeo), Immanuel Floyd Lim (Miguel), Krista Clarise del Rosario (Paula), at Rhia S. Adona bilang bahagi ng ensemble.
Nagsilbing manunugtog naman si Michelle Nicolasora, DMA, katuwang na propesor sa CMu Department of Keyboard, at ang Padayon Rondalla.

“I would like to acknowledge the presence of our dean, Patricia Silvestre, who has this herculean task of coming up with performances without a venue. So, she thought of having AHA in Transit Concert Series. And we did a lot last year, and we are still going to do a lot this year,” ani Ferrer.
Kanya ring inanyayahan ang mga manonood na maging bahagi ng Friends of Abelardo. Aniya, “You are all welcome to be part of the AHA in Transit Concert Series, because when our dear old AHA is back, let us hope that it would stay forever.”
Ang pagtatanghal noong Marso 7 sa CMu Camerata ay itinaguyod ng UPD Opisina ng Tsanselor at ng Outright Research Grant ng UPD Opisina ng Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad.
