(HULYO 25)—Matagumpay na naidaos ang palihan (o workshop) tungkol sa campus tour sa UP Diliman (UPD) noong Hulyo 11 sa Aldaba Recital Hall kung saan lumahok ang humigit-kumulang 100 estudyante na pawang mga miyembro ng iba’t ibang organisasyong pang-mag-aaral sa UPD. Ang mga kalahok ay gaganap bilang mga tour guide sa nalalapit na aktibidad ng freshmen na tinaguriang “The Great Freshie Tour 2014: It’s Always A Good Time” (TGFT).
Ang palihan ay bilang paghahanda sa TGFT na gaganapin sa Agosto 1. Layunin din ng palihan na mabigyan din ng mas komprehensibong impormasyon tungkol sa UPD at hasain ang kaalaman ng mga kalahok sa wastong pamamaraan ng pagsasagawa ng campus tour para sa mga freshie.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Dr. Sir Anril P. Tiatco, direktor ng UPD Information Office (UPDIO), na ang palihan ay hindi isang simpleng paghahasa o paglalaro lamang kundi ito ay may kaakibat na responsibilidad. Ani niya, “Ang pagharap sa mga bisita ng Diliman ay mukhang simple pero sa totoo lang malaki ang kaantabay na burden dahil hindi lamang simpleng hello at goobye ang kailangang isaalang-alang. Dahil kayo ay taga-Diliman, kailangang bitbit ang Diliman kapag haharap sa mga panauhin.”
Sa unang bahagi ng programa, nagkaroon ng quiz bee na tinaguriang “Battle of the Brains: UP Information Edition” kung saan ang mga tanong ay mga impormasyon tungkol sa UP Diliman. Hinati sa 15 grupo ang lahat ng kalahok.
May tatlong bahagi ang quiz bee: easy, average at difficult round. Ang nakakuha ng tamang sagot sa easy round ay binigyan ng isang puntos, sa average ay tatlong puntos at sa difficult ay limang puntos.
Isa sa mga halimbawa nang itinanong sa easy round ay “Sino ang modelo para sa katawan ni Oblation?— a) Fernando Poe Sr., b) Anastacio Caedo o c) Ferdinand Glenn Gagarin?” Ang tamang sagot ay si Anastacio Caedo, ngunit, karamihan sa mga kalahok ay sumagot ng Fernando Poe Sr.
Sa pamamagitan ng naturang quiz bee ay naging mas epektibo at kawili-wili ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga kalahok tungkol sa akademikong gusali, ruta, pamasahe, kainan at mga likhang-sining na matatagpuan sa kampus ng UPD.
Idineklarang panalo ang ika-9 na grupo sa quiz bee at tumanggap ang bawat miyembro nito ng limitadong edisyon ng UPD ballpen bilang premyo.
Sa ikalawang bahagi naman ng palihan na tinawag na “Navigate Me” ay hinati ang mga kalahok sa apat na grupo at pinagawa ng tatlong klase ng ruta batay sa mga espesipikong lugar sa UPD na naaayon sa sitwasyon tulad ng paglalakad, kung may dalang sariling sasakyan o kung sasakay ng pampublikong sasakyan. Ang bawat ruta ay tinalakay ng mga kinatawan ng bawat grupo.
Mula sa apat ay pumili ang mga tagapagpadaloy ng programa ng isang grupo na siyang may pinakamahusay na pagtalakay sa mga napiling ruta. Ang napiling grupo ay inatasang maging mga tour guide sa huling bahagi ng palihan na tinawag na “Walk Me to UPD” kung saan pumili ang mga moderator ng ruta na tatahakin ng mga kalahok. Ang napiling ruta ay mula Aldaba Recital Hall patungong Melchor Hall, UP Film Institute, Carillon Plaza, University Theater, Abelardo Hall at pabalik sa Aldaba. Ang mga natirang kalahok naman ang gumanap na freshie.
Natapos ang palihan ng 3:30 ng hapon. Ang mga gumanap bilang tagapagpadaloy ng programa ay sina Haidee C. Pineda at Kevin Brandon Saure na mula sa UPDIO.
Ang palihan ay inorganisa ng UP Alliance for Responsive Involvement and Student Empowerment (ARISE) at University Student Council (USC) sa pakikipagtulungan sa Opisina ng Bise Tsanselor para sa Gawaing Pang-Mag-aaral (OVCSA), Opisina ng Impormasyon ng Diliman (UPDIO) at League of College Councils (LCC).—Haidee C. Pineda, mga litrato ni Leonardo Reyes at ng UP ARISE.