Students

2024 UPD Pangkalahatang Pagtatapos: Mensahe ni Kgg. Francis “Kiko” N. Pangilinan para sa mga Nagsipagtapos

Good morning, UP President Angelo “Jijil” Jimenez, members of the UP Board of Regents, deans, faculty, staff, parents, families, and friends, and most especially, our reason for waking up before the break of dawn, our dear graduates. 

Congratulations to UP Diliman (UPD) Class of 2024! The pandemic batch, pinanday kayo ng pandemya. 

Binabati ko rin ang mga magulang ng mga graduate ngayong araw. Graduate na rin kayo sa mga gastusin! 

Pangilinan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang aga ng graduation dito sa UPD. Ang aga nating nagising. Malamang gising din kayo, new graduates, sa katotohanan na you are among the 4,712 most privileged young people in the Philippines. Graduating from UP is an incredible privilege, one that comes with a significant responsibility. As you start a new chapter, you will enjoy the privilege and endure the responsibility. Let me share with you three reminders that may help you start and navigate adulting as a scholar of our people: 

Reminder No. 1: You are a designated survivor for leadership.

UP was designed to create leaders. 

From the start, the highly competitive UP admissions process ensured that we would be surrounded by the best and the brightest coming from diverse backgrounds across the country, and possessing diverse interests and skills sets. 

UP cultivated an environment of competition and cooperation. Just as we were pitted against one other, we were also forced to learn to work together. Sa ganitong paraan, natuto tayong kilalanin ang husay at galing ng ating sarili at ng ating kapuwa. Natuto tayong makipagkapuwa tao. Matindi ang EQ skills ng taga-UP at dahil dito, sabi ng marami mahusay tayo sa workplace. 

Because of all these, the doors of opportunities for personal growth will open for you. That is our privilege. 

This privilege is counterbalanced by a responsibility to our people, because the people’s scholar holds the people’s hope. Umaasa ang sambayanan na uunlad at gaganda ang buhay sa Pilipinas. 

Marami ang umaasa sa atin dahil iskolar tayo ng bayan. Si Tata Simon, iyong magsasaka sa Pampanga; si Aling Tentay, iyong nagtitinda ng fishball; kahit na si Tonyo, iyong driver ng Ikot—pinag-aral tayo. Namuhunan silang lahat sa ating edukasyon. Sila ang nagbayad ng ating matrikula sa bawat kaltas na buwis sa kanilang mga sahod, sa kanilang kita sa pasada, sa kanilang pagbayad ng VAT sa mga bilihin. Kaya tungkulin nating ikabit ang personal nating tagumpay sa tagumpay ng taumbayan. That is our responsibility. 

That is why Iskos and Iskas lead and serve the people here. Dahil ‘ika nga ng BINI, pantropiko tayo. 

Reminder Number 2: You have courage and faith. Ang UP graduate matapang at lumalaban. 

When I was a 24-year-old Quezon City councilor in 1988, the youngest in the City, a couple of years after the EDSA People Power Revolt, corruption tried to seduce me. The seduction took the form of colleagues telling me to accept the kickbacks, from projects and purchases to be approved by the Council. Divided by 24 daw ang magiging hatian dahil 24 ang mga konsehal. Even some among my own staff told me, “Tanggapin na natin tapos bumili tayo ng gatas at ipamigay sa mga nangangailangan.” 

Sa mga araw na iyon napaisip ako nang husto kung tatanggapin ko ba iyong reyalidad ng katiwalian. Para makapag-isip pa nang husto, I recall coming back here, to the Diliman campus one evening in February of 1988, to Andres Bonifacio’s statue in front of Vinzons Hall. Umupo ako sa harap ng rebulto para mag-isip at sabi ko sa sarili ko “mabuti pa rito sa UP itinuturo sa akin ang dapat kong matutunan habang sa Konseho pilit na itinuturo sa akin ang mga hindi dapat matutunan.”

Bilang dating lider-estudyante sa panahon ng diktador tinanong ko sa sarili ko, “Bakit ang hirap sa labas ng UP? Bakit parang mas madali ang makipaglaban sa diktadurya? Bakit parang mas madali ang makipagtaguan sa militar? Bakit mas klaro ang tama sa mali sa loob ng UP? Why would I, an activist, partake of the fruits of a corrupt system that I fought and helped dismantle?” Ang dami kong mga tanong sa harap ng rebulto ni Bonifacio. Buti na lang hindi sumagot si Ka Andres. 

Seriously, dito sa UP, nakakahiram ako ng tapang para labanan ang tukso. Pinaalala ng UP sa akin na bilang dating lider-estudyante at iskolar ng bayan, may tungkulin pa rin ako sa taumbayan na nagpaaral sa akin na manatiling tapat at totoo. At humugot ako ng tapang na hindi pumayag na maging bahagi ng anumang usaping kickback. I mustered enough courage to say NO. Sabi ko, si Andres Bonifacio walang takot na lumaban, dapat tularan. Ang sinagot ko sa aking staff, “kapag tinanggap natin yung pera, kahit pa ipamahagi sa mahihirap, wala na tayong karapatang tumutol o tuligsain ang ano pang katiwalian sa pamamahala ng lungsod dahil kasabwat na tayo rito.” Courage is needed so that amidst the pressures of public office one never loses the moral high ground. 

Katapangan din ang magsakripisyo. Kung maaala ninyo noong 2022 elections, sinama ako ni VP Leni sa isang mission impossible. 

Why did I heed VP Leni’s last-minute call for me to run as her running-mate for Vice President despite my almost certain re-election as senator? Hindi ko plano ang tumakbong VP ngunit noong oras de peligro na ‘ika nga, naisip ko, ano na lang ang sasabihin ng mga anak ko, ng mga kababayan natin? Umigting na naman iyong mga alaala ng aking mga panahon bilang iskolar ng bayan.

We needed to show our people that their leaders are willing to dare, to take risks, to stick their necks out and [say] yes to sacrifice personal interests and comfort for a higher purpose. We showed that, when necessary, setting aside one’s political ambitions is essential to uphold and pursue the greater good of our nation. 

Kung estatwa at alaala ni Andres Bonifacio rito sa UP Diliman ang nagsilbing inspirasyon sa aking pagtutol sa katiwalian, estatwa at simbolo naman ng Oblation ang nagsilbing insiprasyon sa akin upang isantabi ang sariling mga plano at ialay ang sarili sa bayan. Talino ay ialay sa kapuwa at sa bayan. 

Kapag kailangan, tayong mga iskolar ng bayan ang alay. Tayo si Oble. 

Reminder Number 3: You try to solve problems even in the Upside Down. Mga problem solver ang mga taga-UP 

Ang Iskolar ng Bayan, mapanuri, maparaan, at nakakapangyari. 

At sa usapin ng problem solving, isang napakagandang case study ay ang naging tagumpay ng UP Maroons Men’s Basketball Team. 

Ngayon, champion team caliber sa UAAP ang ating UP Maroons. Nasa taas parati ang rankings. Hindi ganyan dati. Bago nitong pagiging champion natin noong 2022, 1986 ang huling championship title natin. Alam ko iyon dahil ako ang USC chairman noong 1986. Sa halip na magmartsa sa Mendiola hawak-hawak ang mga streamer na may nakasulat na IBAGSAK, nagmartsa kami patungong ULTRA hawak-hawak ang mga streamer na ang nakasulat ay GO MAROONS. Iyon na ang huli. For 35 years, lagi tayong kulelat. Zero wins. Laging tinatambakan. Lagi tayong talo. Tapos, ‘pag nanalo ng one and only game sa buong season, parang milagro. Nagbo-bonfire agad. 

Pero dumating tayo bilang isang UP community sa puntong ayaw na nating maging kulelat. Natuto tayong mangarap ng mas maganda para sa UP. Ayaw na natin ma-exempted sa Finals. Nagsama-sama ang ilang alumni, ilang mga opisyal, at faculty ng UP. Nakahanap ng panibagong porma ng aktibismo sa sports. Sa sama samang pagkilos, napagkaisa ang UP community at naitayo ang Nowhere To Go But Up. Kung iisipin mo nga naman, sa dami ng mahuhusay na UP alumni at mga faculty at estudyante, dagdag pa rito ang kaunting yabang natin, bakit nga naman hindi natin kakayaning ayusin ang isang problema? 

Isang lesson learned dito sa success story ng UP Maroons ay ito: hindi nangyari ang tagumpay overnight. Taon ang inilaan. Pawis, pagod, at luha din inilaan. Painstaking organizing and mobilizing work ang isinagawa para mangyari ito. Mula 2014 hanggang 2022, Eight years in the making ang championship title. At sa loob ng walong taong pagpupursigi, ang imposible ay naging posible. 

Parang Pilipinas lang. Parating kulelat—sa PISA results, sa kalusugan ng mga baby, sa abot-kaya at sapat na masustansyang pagkain, sa kinikita ng mga magsasaka at mangingisda, sa corruption-marred COVID-19 response, kulelat din sa anti-corruption drive, sa good governance, public accountability, at transparency. Saan nga ba napunta ang pinakamalaking budget ng flood control sa kasaysayan ng bansa? Hello? 

Siguro kailangan na rin nating lahat na umayaw sa pagiging kulelat at magsama-sama para ayusin ito. Humanap ng solusyon sa mga problema ng bayan. Pangaraping maibaligtad ang tatsulok. I-redefine ang aktibista—oo, aktibistang sumisigaw ng “Ibagsak” sa kalye, habang naghahanap din ng ibang paraan para makidalamhati at maiayos ang kalagayan ng kapuwa. Ang aktibista, katuwang sa pagpapanday ng lipunang mapayapa, maunlad, at makatarungan.

Maraming aral na mapupulot sa success story ng UP Maroons ngunit ang isa na masasabi nating standout ay ito: walang anumang puwersang mas hihigit pa sa puwersa ng isang komunidad na nagkakaisa, na sama-samang kumikilos tungo sa iisang layunin. Kapag taumbayan na, sa kagustuhan iwasto ang mga mali, ang kumikilos at tumataya kasama ng mga lider nito, walang hadlang ang hindi maaaring lagpasan. Ang imposible ay magiging posible. 

At this pivotal moment in our nation’s history, it is the responsibility of my generation of leaders to ensure that the burning flame in our hearts for genuine service and good governance, for justice and respect for the rule of law, continues to burn. Hindi kami papayag na patayin ang mga apoy na lumiliyab sa aming mga puso para sa katarungan, sa tapat na pamumuno, sa pagrespeto sa karapatang-pantao. We cannot let authoritarianism, pervasive corruption, massive disinformation, and wanton abuse of power extinguish our commitment to good governance, truth, and justice. 

Sa inyong Iskolar ng Bayan, may pakiusap ako: Solusyunan na natin ang malalim at sanga-sangang problema ng bayan. Huwag na tayong magluklok ng mga magnanakaw at mga sinungaling sa mga posisyon ng kapangyarihan. Magkaisa na tayo bilang isang bansa na solusyonan ang mga problema ng bansa. 

Consider my simple but difficult solution: Simple pero hindi madali. 

Tulad ng tagumpay na ating nakamtan mula sa pagiging kulelat sa UAAP spanning some eight years, sa susunod na dalawang magkasunod na eleksyon sa pagkapangulo itong 2028 at muli sa 2034, sa loob ng 10 taon, hangarin natin at tiyakin ang tagumpay ng tama at tapat. Tiyakin natin na ang tagumpay na ito ay dahil sa sama-samang pagkilos ng sambayanan at ng mga lider na may prinsipyo, paninindigan, at malasakit sa bayan. 

For at least 12 years, let us have leaders at the very top who are upright and brave—leaders who speak truth to power, who will speak out against wrongdoings, against plunder, against the breakdown of the rule of law as in the bloody drug war, against the disregard for our sovereignty, our laws and territorial integrity as in the POGOs and Chinese aggression. But most of all, let us have these leaders who will inspire the people themselves in their vast numbers to actively participate, not just during elections but in daily life, in the reshaping of our communities and the nation. 

Lubos na makapangyarihan ang puwesto ng pangulo sa ating bansa. Kung kaya ng isang pangulo sa loob ng anim na taon, gamit ang pananakot, kasinungalingan, at ng dahas, na iutos patayin ang mahigit na 20,000 tao, ipasara ang ABS CBN, ipakulong ang isang inosenteng senador ng pitong taon, triplihin ang pagbaon sa utang ng buong bansa, iutos ang paglipat ng P42 bilyong pisong pondo para sa pandemya at payagang ilustay at ibulsa ito ng mga nakapaligid sa kanya, kayang-kaya ng dalawang pangulong matino at mahusay sa loob ng labing-dalawang taon, at gamit ang inspirasyon at katotohanan, na tapusin ang laganap na katiwalian, ipakulong ang mga kurakot, pasiglahin nang husto ang ekonomiya, bigyan ng trabaho ang mga unemployed, itaas ang sahod at kita ng taumbayan, ibaba ang presyo ng bilihin, lalo na ng pagkain, tiyakin ang maayos na education at healthcare system para sa lahat, at tapusin sa wakas ang gutom at kahirapan sa bansa. 

Kung kaya natin sa UP community na bumuo at maipanalo ang isang champion team mula sa pagiging kulelat, kaya rin natin bilang isang sambayanan na bumuo at maipanalo ang isang champion team ng mga tunay na lingkod bayan para sa matino at mahusay na pamumuno ng bansa. 

At kayo, mga bagong graduate ng UP, bilang mga kabataang Pilipino ng inyong henerasyon, ang siyang magiging mitsa ng pagbabago sa pagkilos na ito. You will be the catalyst for this change that is to come. Your boundless energy will fuel and help spread the wildfire of change that will engulf the nation and your inexhaustible creativity will be the inspiration to galvanize the nation to move ahead. 

I am confident that your generation of Filipino youth will become the irresistible force that will put closure to the pressing ills that have long plagued our nation. 

In closing, nagsilbing-inspirasyon ang mga rebulto nina Andres Bonifacio at ang Oblation sa akin bilang iskolar ng bayan at lingkod bayan sa loob ng mahigit dalawang dekada. Ngunit may isang pang rebulto na kailangan pang likhain, at malamang henerasyon na ninyo ang siyang maglilikha nito. Ito ang magiging rebulto ng mga lider mula sa hanay ninyong mga kabataan na siyang magtatapos sa laganap ng pangungurakot at pang-aabuso sa gobyerno, ng kahirapan, at ng gutom. Pagdating ng panahon na ganap at buo na ang makabuluhang pagbabago sa ating bansa dahil sa matagumpay na pakikibaka ng sambayanan, henerasyon ninyo na ang maglilikha ng rebultong ito upang magsilbing inspirasyon sa darating pang mga henerasyon ng mga Pilipino.

Congratulations to the University of the Philippines Diliman Class of 2024! Talino at tapang, i-alay sa kapuwa at sa bayan. Padayon! 

  • Share: