Labing-tatlong kasapi ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) at isang pook sa kampus ang nagtamo ng Gawad Tsanselor 2017, na ipinagkaloob sa palatuntunang ginanap sa Awditoryum ng Linangan ng Biolohiya, 6 ng gabi noong Abril 27.
Sa mga ginawaran ng pinakamataas na karangalan ng Unibersidad, tatlo ang hinirang na Natatanging Guro, isa ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino, tatlo ang Natatanging REPS (Research, Extension and Professional Staff), apat ang Natatanging Mag-aaral, habang dalawa ang kinilalang Natatanging Kawani.
Ang Hardin ng Doña Aurora ang kinilalang Natatanging Pook.
Natatanging Guro. Ayon sa palatuntunan, ang Gawad Tsanselor sa Natatanging Guro ay “kumikilala sa mga guro ng UPD na nagpamalas ng angking kahusayan at dedikasyon sa iba’t ibang aspeto ng paglilingkod sa Unibersidad.
At sa kabila ng maraming gawain sa pagtuturo at pananaliksik, buong-husay rin silang naglingkod sa Unibersidad at sa pamayanan, sa pamamagitan ng paglilingkod bilang administrador, pakikisangkot sa mga gawaing serbisyo-publiko, at pagtulong sa pagpapatakbo ng publikasyon at pag-oorganisa ng mga kumperensya.”
Ang mga kinilalang Natatanging Guro ay sina Prop. Patrick F. Campos mula sa Film Institute ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, si Dr. Jonas P. Quilang mula sa Linangan ng Biolohiya ng Kolehiyo ng Agham at si Dr. Maria Cecilia Gastardo-Conaco mula sa Departamento ng Sikolohiya ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.
Si Campos ay kinilala para sa “kanyang maalab na pagharap sa mga hamon ng pagiging guro, hindi lamang sa kanyang mga estudyante sa mga klasrum ng UP kundi maging sa mga manggagawa ng midya at mga guro sa hayskul at kolehiyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sa pamamagitan ng kanyang adbokasiya at mga inisyatiba sa larangan ng media literacy at film studies sa loob at labas ng unibersidad;” at “Para sa kanyang mga aklat gaya ng Communication and Media Theories at From Cave to Cloud: Media and Information Literacy Today na kanyang ambag sa pagpapalawak at pagsasa-Filipino ng pedagohiya ng midya at ginagamit ngayon sa iba’t ibang paaralan, kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas kung saan may kurso o programang pang-midya at pang-komunikasyon,” bukod sa iba.
Si Gastardo-Conaco ay hinirang “Para sa pagsasabuhay ng tunay na diwa ng isang propesor sa UP at sa Sikolohiya; sa pagiging isa sa mga tinitingalang social psychologists sa Pilipinas, at sa kanyang pangunguna sa pagbuo at paglinang ng gradwadong programa sa Social Psychology bilang pagsasanay sa mga susunod na henerasyon ng social psychologists sa bansa;” at “Para sa pagtatatag ng Social and Political Psychology Research Lab na naging batis ng mga bago at makabagong pananaliksik sa iba’t ibang mga usaping panlipunan, at sentro ng pagsasanay at paggabay sa mga nagdadalubhasa sa sikolohiya,” bukod pa sa iba.
Samantala, si Quilang ay kinilala “Para sa kanyang dalawampung taong paglilingkod sa Linangan ng Biyolohiya bilang isang huwarang guro sa larangan ng Population Genetics, na naging daan upang makapaglaan siya ng kaalaman sa maraming mag-aaral na gradwado at di-gradwado, lalo na sa mga thesis advisee na nakapaglathala rin ng kani-kanilang mga pananaliksik sa mga akademikong lathalain dahil sa kanyang tulong.”
Siya rin ay hinirang “Para sa kanyang walang sawang pagsaliksik sa larangan ng fish genetics at aquaculture, na layong paigtingin pa ang paggamit ng samu’t saring isda bilang pagkain ng mga Pilipino, at dahil dito ay hinirang siya bilang UP Scientist II ng Unibersidad,” bukod sa iba.
Natatanging Mananaliksik sa Filipino. Si Dr. Ma. Crisanta N. Flores mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura ang nag-iisang Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino.
Ang parangal ay “kinikilala ang mga mananaliksik na gumagamit ng wikang Filipino upang ibahagi ang mga kaalaman mula sa kanilang pag-aaral. Ito rin ay para payabungin ang kani-kanilang larangan ng pagpapakadalubhasa at pag-ibayuhin at itaguyod ang paggamit ng pambansang wika bilang wika ng akademikong diskurso.”
Si Flores ay kinilala “Para sa katangi-tanging talas at talino ng mga saliksik na sumusuri sa malalim na ugnayan ng lalawigan ng Pangasinan at ng kabuuan ng bansa na nagpapayaman sa pambansang kamalayan sa Kulturang Filipino,” at “Para sa matalisik at masigasig na pagsusuri sa mga konseptong kultura na nakaugat sa panitikan at iba pang praktikang kultural ng Pangasinan na nag-aambag sa pagbubuo ng teorya ng pambansang panitikan at kultura,” bukod sa iba.
Natatanging REPS. Binibigyang-halaga ng Unibersidad ang ambag ng mga REPS sa pagyabong ng Unibersidad. “Sila ang tahimik ngunit patuloy na tumutuklas at lumilikha ng mga bagong kaalaman at nagpapaunlad sa kasanayan at kahusayan sa paglilingkod bilang kontribusyon sa pagpapaunlad hindi lamang ng komunidad ng UPD, kundi maging ng buong bansa na rin,” ayon sa palatuntunan.
Sa taong 2017, tatlong REPS ang pinarangalan: sina Davin Edric V. Adao ng Linangan ng Biyolohiya, Kolehiyo ng Agham; si Christian Joy P. Cruz mula sa Surian ng Populasyon ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya; at si Eimee Rhea C. Lagrama ng Aklatan ng Unibersidad.
Kinilala sa Kategoryang Pananaliksik si Adao “Para sa bukod-tangi niyang mga pananaliksik sa microbiology at parasitology, lalo na sa kanyang pakikilahok sa mga pananaliksik hinggil sa pagkilala, klasipikasyon at pagsusuri ng ilang mga parasite sa tao at hayop, gayundin sa pagpapaunlad ng mga pamamaraan upang matuklasan ang mga ito.”
Kinilala rin sa Kategoryang Pananaliksik si Cruz “Para sa lawak at lalim ng kanyang mga pananaliksik—at ng mga publikasyong bunga nito—ukol sa pagtanda, pertilidad, kabataan, at iba’t ibang isyung ukol sa kasarian at seksuwalidad; pananaliksik na kanyang ginamitan ng kapuwa kapuri-puring kakayahang mangasiwa at kaalaman sa demograpiya, kaalamang patuloy niyang hinahasa’t ibinabahagi hindi lamang sa loob ng Unibersidad kundi maging sa ibang komunidad, akademiko man o di-akademiko, sa loob at labas ng bansa.”
Samantala, iginawad kay Lagrama ang pagkilala sa Kategoryang Propesyonal Staff “Para sa kanyang husay at dedikasyon sa kanyang katungkulan bilang tagapamahala ng aklatan at pinuno ng Sinupan ng Unibersidad sa Aklatan ng Unibersidad, at sa kanyang mga karagdagang responsibilidad, katulad ng pamumuno sa iba’t ibang lupon sa loob ng Aklatan ng Unibersidad, pagiging co-host ng programang panradyong Libradio: Laybraryan sa Radyo, pagiging tagapangasiwa ng webpage at social media accounts ng Aklatan ng Unibersidad, at pagtuturo ng mga kursong gradwado sa Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon,” bukod sa iba.
Natatanging Kawani. Ang mga natatanging kawani ay “nagkamit ng tagumpay sa larangan ng paggawa upang mapag-ibayo ang sistemang kinabibilangan at nang sa gayon ay mapataas ang produksyon ng kanilang tanggapan.”
Dalawang kawani ang pinarangalan: sina Eric D. Juanillo ng Tanggapan ng Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura at si Shirley R. Simbria-Arandia ng UPD Information Office.
Iginagawad kay Juanillo ang Gawad Tsanselor “Dahil sa kanyang dedikasyon sa pagtupad sa tungkulin bilang Administrative Aide, buong puso siyang nakaagapay at nagpamalas ng hindi matatawarang pagseserbisyo sa Kolehiyo bilang Building Administrator sa lahat ng pagkakataon at hindi inaasahang pangyayari.”
Si Simbria-Arandia naman ay kinilala “Para sa kanyang kapuri-puring paglilingkod sa pamamagitan ng episyente at epektibong pagtupad sa tungkulin bilang Administrative Officer na tumutugon sa pangangailangan ng kanyang tanggapan at ng ibang opisina gamit ang husay at kaalaman sa pagtala at pag-imbentaryo, isinulong at isinakatuparan ang paggamit ng digital at pisikal na pag-aarkibo ng mga publikasyon upang magkaroon ng data and photo bank ang Opisina ng Tsanselor.”
Natatanging Mag-aaral. Ang pinakamataas at pinakaprestihiyosong parangal sa mga mag-aaral na nagtagumpay sa mga gawaing akademiko, nagpamalas ng di-matatawarang pamumuno at huwaran ng dangal at husay sa paglilingkod sa sambayanan ay pinagkaloob sa apat na mag-aaral: sina Katherine Adrielle R. Bersola mula sa Kolehiyo ng Kinetikang Pantao at sina Williard Joshua D. Jose at Dave E. Ramos ng Kolehiyo ng Inhenyeriya, at si Jose Rafael L. Toribio ng Cesar E.A. Virata Paaralan ng Pagnenegosyo.
Si Bersola ay kinilala “Para sa kanyang kahusayan bilang mag-aaral ng kursong Bachelor of Sports Science sa Kolehiyo ng Kinetikang Pantao na may General Weighted Average na 1.200 sa unang semestre ng Akademikong Taon 2016-2017 at kasalukuyang kandidato para sa titulong summa cum laude;” at “Sa kanyang pagpapamalas ng kahusayan pang-akademiko na pinatunayan niya sa pagiging tuloy-tuloy na University Scholar mula unang semestre ng Akademikong Taon (AT) 2012-2013 hanggang sa kasalukuyang semestre, at sa kanyang pagkakahirang bilang Athlete Scholar Awardee ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 73 noong taong 2013.
Si Jose ay pinarangalan “Para sa kanyang kahusayan bilang mag-aaral ng kursong Bachelor of Science in Electronics and Communications Engineering sa Kolehiyo ng Inhenyeriya na may General Weighted Average na 1.060 sa unang semestre ng AT 2016-2017 at kasalukuyang kandidato para sa titulong summa cum laude;” at “Sa kanyang pagpapamalas ng kahusayan pang-akademiko na pinatunayan niya sa pagiging tuloy-tuloy na University Scholar mula unang semestre ng AT 2012-2013 hanggang sa kasalukuyang semester.
Si Ramos naman ay kinilala “Para sa kanyang kahusayan bilang mag-aaral ng kursong Bachelor of Science in Chemical Engineering sa Kolehiyo ng Inhenyeriya na may General Weighted Average na 1.3833 sa unang semestre ng AT 2016-2017,” at “Sa kanyang pagpapamalas ng kahusayan pang-akademiko na pinatunayan niya sa pagiging tuloy-tuloy na University Scholar mula unang semestre ng Akademikong Taon 2012-2013 hanggang sa kasalukuyang semestre, at sa pagiging nominado sa Phi Kappa Phi International Honor Society, Junior Level noong nakaraang taon.”
Si Toribio, ay hinirang “Sa kanyang pagpapamalas ng kahusayan pang-akademiko na pinatunayan niya sa pagiging tuloy-tuloy na University Scholar mula unang semestre ng AT 2013-2014 hanggang sa kasalukuyang semester; sa pagiging kinatawan ng Pilipinas sa Asian Students Venture Forum sa Daejeon, South Korea noong taong 2015; sa kanyang pagiging 8th best adjudicator ng Northern Luzon InterVarsity 2015;” at “Sa kanyang pagbabahagi ng talino, oras at lakas upang makapaglingkod sa Unibersidad na pinatunayan sa kanyang panunungkulan bilang Konsehal (Councilor) ng University Student Council.”
Natatanging Pook. Samantala, ang Hardin ng Doña Aurora ay kinilala “dahil sa pagkakaroon nito ng konkretong mga programang pangkomunidad para sa pagpapaganda sa lugar at pangangalaga sa kalikasan; pagmimintina ng mga gusali; pamamahala sa paradahan ng mga sasakyan; pagtitiyak sa kaayusan at seguridad; pagtutulungan bilang magkakapitbahay; at pagpapalakas sa espiritwalidad.”
Banyuhay. Sa taong ito, ang tema ng Gawad Tsanselor ay “Banyuhay,” halaw sa pariralang “bagong anyo ng buhay” o metamorphosis, na sumasagisag sa mga “proseso ng pagbabago sa pamamagitan ng dinamikong pag-uugnayan kasabay ng pakikiangkop ang nagbibigay-buhay sa Unibersidad, alangalang sa ikalalago, ikayayabong at ikatitibay nito. Walang-kapaguran mang idinudulot ng paglipas ng panahon ang malalaki at maliliit na pagbabago, hindi pa rin kumukupas ang kasigasigan ng Unibersidad sa paglilingkod at pagtuklas ng mga kaalamang magpapabago sa sambayanan tungo sa ikaiinam nito.”
[huge_it_gallery id=”5″]