Academe

Wikang Filipino patuloy na isulong

“Bilang isang akademikong institusyong tinitingala sa mataas nitong pagpapahalaga sa wika, sining, at kultura, mahalaga ang pangunguna ng UP Diliman (UPD), sa pamamagitan ng UPD Sentro ng Wikang Filipino (SWF), sa paggunita at pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, kadikit ang pagsusulong sa wikang Filipino bilang wika ng pagtuturo, saliksik, publikasyon, malikhaing produksiyon, at opisyal na komunikasyon sang-ayon sa Palisi ng Wika ng Unibersidad,” ani UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.

Poster ng Buwan ng Wika 2023 ng SWF. Imaheng mula sa Facebook page ng SWF

Ito ang mensahe ni Vistan sa Paglulunsad at Paggawad 2023 ng SWF, kaalinsabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023 ng UPD.

Ayon kay Vistan, ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023 na Sulong: Wikang Filipino sa Pambansang Kaunlaran at Pandaigdigang Ugnayan ay “naka-angkla sa bagong bisyon ng SWF para sa pagtatampok at pagpoposisyon sa wikang Filipino bilang intelektuwalisadong wika sa loob at labas ng Unibersidad.”

Vistan (nagsasalita) at mga dumalo sa Paglulunsad at Paggawad 2023. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Mga bagong aklat. Unang inilunsad sa palatuntunan ang tatlong bagong aklat sa ilalim ng Proyektong Aklatang Bayan na pinamamahalaan ni Elfrey Vera Cruz-Paterno, isang kawani ng SWF. Ang tatlong aklat ay ang mga sumusunod:

Lutong Bahay ni Glecy C. Atienza, PhD na may salin sa Ingles ni Rosario C. Lucero, PhD, salin sa Espanyol ni Daisy Lopez, PhD, at guhit ni Brenda V. Fajardo, PhD; Palihang Rogelio Sicat, Unang Antolohiya na pinamatnugutan nina Reuel Molina Aguila, PhD, Vera Cruz-Paterno, Erick Dasig Aguilar, at Jimmuel C. Naval, PhD; at Ganito sa Pabrika ni John Romeo Venturero at guhit ni Glenn F. Gonzales.

Mga pabalat ng mga bagong aklat. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Mga bagong tomo ng mga journal. Tatlong tomo ng Daluyan at Agos,ang dalawang journal ng SWF, ang inilunsad sa pangunguna ni Larry B. Sabangan, tagapamahalang patnugot ng Daluyan at Agos.

Ang mga bagong tomo ng Daluyan ay Tomo XXVIII Blg. 1 (2022) na pinamatnugutan nina Michael Francis C. Andrada, PhD at Carlos M. Piocos, PhD; at Tomo XXVIII Blg. 2 (2022) na pinamatnugutan nina Ma. Althea T. Enriquez, PhD, Crizel Sicat-De Laza, at Jayson D. Petras, PhD.

Samantala, ang bagong tomo naman ng Agos ay Tomo III (2022) na pinamatnugutan nina Will P. Ortiz, PhD, Elyrah Salanga-Torralba, PhD, at Petras.

Mga bagong programa at proyekto. Kasama sa inilunsad ang bagong ayos na website ng SWF at mga online nitong serbisyo tulad ng E-tulay, Saliksikang Filipino Resource Center, Gawad Saliksik, at Gawad Teksbuk.

Si Katherine Tolentino-Jayme ang tagapamahala ng Gawad Saliksik.

Gawad SWF. Binigyang-pagkilala sa Paglulunsad at Paggawad 2023 ang mga akdang nailathala sa Daluyan.

Ang Hulagway ng Yutang Kabilin sa mga Mapa mula sa Lumad Bakwit Iskul: Isang Panimulang Pag-aaral ni Jose Monfred C. Sy na nailathala sa Daluyan Tomo XXVII Blg. 1 (2021) ang kinilalang Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan.  

Samantala, kinilala naman na mga Pinakamahusay na Akda sa Agos ang mga sumusunod: Adobo ni Alpine Moldez sa Agos Tomo 2, 2021 sa kategoryang Dagli; Tapos, Pagkatapos, at Di Maipadalang mga Liham ni Roda Tajon sa Agos Tomo 2, 2021 (Sanaysay); Tanawin mula sa aking Bintana, Ang Matanda sa Gilid ng Simbahan sa Likod ng SM North, at Hatinggabi ng Butiki sa Eskinita ni Rowena P. Festin sa Agos Tomo 2, 2021 (Tula); at Aliberde ni Cris R. Lanzaderas sa Agos Tomo 1, 2020 (Maikling Kuwento).

Ang Paglulunsad at Paggawad 2023 ay idinaos noong Agosto 30 sa lounge ng Linangan ng Turismo sa Asya.

Mga tropeo ng Gawad SWF. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO