Ngayong Disyembre 10 ay mayroong 30 aktibong kaso ng COVID-19 sa UP Diliman at Barangay UP Campus. Makikita ang mga purok o komunidad sa UP Campus kung nasaan ang mga aktibong kaso sa mapang kasama sa stat report. Ang mapa ay gawa ng Special Committee ng UP Diliman COVID-19 Task Force.
Ang pagbaba ng bilang mula sa nakaraang pag-uulat ay maiuugnay sa inalis na mga beripikadong kaso mula sa opisyal na listahan ng barangay dahilan sa non-residency, reklasipikasyon o nadobleng pagtatala.
Ibayong pag-iingat pa rin ang kinakailangan upang tuloy-tuloy na maibaba ang bilang ng mga aktibong kaso. Huwag kaligtaang sumunod sa mga protokol pangkalusugan – magsuot ng face mask at face shield, ugaliing maghugas ng mga kamay at panatilihin ang physical distancing. Sa ating pagkakaisa, malulutas ang problema.