Pararangalan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sina Prop. Patrick D. Flores, PhD at Prop. Lily Rose R. Tope, PhD, kapwa ng Kolehiyo ng Arte at Literatura para sa kanilang ambag sa larang ng panitikan at wika sa Pilipinas.
Si Flores ay gagawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas Kritisismong Pansining sa Ingles bilang pagkilala sa kontribusyon niya sa mundo ng pag-aaral ng sining. Samantalang si Tope ay gagawaran ng Gawad Paz Marquez Benitez bilang pagkilala sa kontribusyon niya sa panitikang Ingles sa Pilipinas.
Sila, kasama ng anim pang indibidwal at isang samahan ay pormal na pararangalan sa Araw ng Gawad sa Abril 30.
Mga Gawad. Ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay kumikilala sa tagumpay at kahusayan ng isang manunulat sa anumang wika sa Pilipinas. Mahigit 200 manunulat na ang tumanggap nito, kabilang ang anim na Pambansang Alagad ng Sining at isang pangulo ng Pilipinas, si Diosdado P. Macapagal.
Kasamang iginagawad ang Gawad Paz Marquez Benitez, ipinangalan sa kuwentista sa Ingles na sumulat ng Dead Stars (1925), ang kauna-unahang matagumpay na maikling kuwentong Ingles sa bansa. Ang parangal na ito ay kumikilala sa tagumpay ng isang guro sa panitikan.
Flores. Propesor sa Department of Art Studies (DAS), nagtuturo si Flores ng Art History, Theory, Criticism at Philippine Art. Naging tagapangulo ng DAS noong 1997 hanggang 2003, siya ang Curator ng UP Diliman (UPD) Vargas Museum at adjunct curator ng National Art Gallery ng Singapore. Isa siya sa mga curator ng Under Construction: New Dimensions in Asian Art noong 2000 at ng Gwangju Biennale (Position Papers) noong 2008.
Ilan sa kanyang nailathalang akda ay ang “Past Peripheral: Curation in Southeast Asia” (2008), “Remarkable Collection: Art, History, and the National Museum” (2006) at “Painting History: Revisions in Philippine Colonial Art” (1999). Siya ang Artistic Director ng Singapore Biennale 2019 at ang Curator ng Taiwan Pavilion for Venice Biennale sa 2022.
Nagtapos si Flores ng kanyang PhD in Philippine Studies noong 2000, MA in Art History (1995) at BA Humanities (1990), lahat mula sa UPD.
Tope. Professorial Lecturer sa Department of English and Comparative Literature, si Tope ay dati nitong tagapangulo. Ang mga itinuturo niya ay General Education English, Introduction to Literature, World Literature at Asian Literature.
Ang ilan sa kanyang nailathalang akda ay ang “Finding Nation: The Nation and the State in F. Sionil Jose’s Mass and Edwin Thumboo’s A Third Map” sa “Indigeneity and Nation” (2020); “Into the Woods: Historicizing the Postcolonial Forest in Selected Filipino Texts” sa “Transcending Boundaries: Migrations, Dislocations, and Literary Transformations” (2020); at “Language, Policy, Publishing and Book History in Southeast Asia” sa “The Novel in South and Southeast Asia since 1945” (2019).
Nagtapos si Tope ng kanyang PhD English sa National University of Singapore, at ng MA Comparative Literature at BA Comparative Literature, parehong sa UPD.
Ang UMPIL ang pinakamalaking samahan ng mga Pilipinong manunulat na naitatag noong 1974 at unang nakilala bilang Writers’ Union of the Philippines. Pangunahing layunin nito na itaguyod ang panitikang Pilipino at pagkaisahin ang mga manunulat. Sinimulang gamitin ang kasalukuyan nitong pangalang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas noong 1987.