Kinilala kamakailan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Rolando B. Tolentino, PhD bilang Dangal ng Wikang Filipino 2023, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023.
Ang tema ng KWF para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023 ay Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.
Ayon sa website ng KWF, ang Dangal ng Wikang Filipino ay “mataas na pagkilala sa mga indibidwal, samahan, tanggapan, institusyon o ahensiyang pampamahalaan, o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsulong, pagpapalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino.”
Si Tolentino ay kasalukuyang propesor sa Film Institute ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication / CMC) at dati ring dekano ng kolehiyo (Hunyo 2009–Agosto 2015).
Patuloy siyang nagsisilbing kasapi ng mga lupong patnugutan ng iba’t ibang journal tungkol sa wikang Filipino tulad ng Plaridel Journal ng CMC (mula 2009), Daluyan: Journal ng Wikang Filipino ng UPD (mula 2016), at Malay Journal ng De La Salle University (mula 2008).
Samantala, ginawaran din ng KWF ng parehong karangalan si Felipe M. de Leon Jr., PhD.
Si De Leon ay retiradong propesor sa Departamento ng Aralin sa Sining ng UPD Kolehiyo ng Arte at Literatura kung saan siya nagturo ng mga aralin sa humanidades, estetika, teorya sa musika, at sining at kultura ng Pilipinas. Siya rin ang dating tagapangulo ng Departamento ng Humanidades (1976–1982) ng UP Kolehiyo ng Sining at Agham sa Diliman.
Si De Leon ay dati ring tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (2011–2016). Ayon sa website ng KWF, ang mga pararangalang Dangal ng Wikang Filipino 2023 ay “tatanggap ng naturang gawad sa Pasidëngëg sa 31 Agosto 2023.”