Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at UP Diliman (UPD) Professor Emeritus Bienvenido L. Lumbera, pumanaw sa edad na 89 noong umaga ng Set. 28.
Makata, mandudula, iskolar, guro, tagasalin — ilan lamang ito sa maraming naging tungkulin niya sa akademya at sining. Ngunit sa kaniyang paglisan, higit siyang inalala at pinarangalan ng mga nagmamahal sa kaniya bilang mentor, kaibigan, at ikalawang ama, sa akademya man o maging sa personal na buhay.
Kinikilala bilang haligi ng kontemporanyong panitikan ng Pilipinas, at pag-aaral ng kultura at pelikula, siya ay guro at pantas ng panitikan sa parehong Ingles at Filipino, Philippine Studies, at malikhaing pagsulat.
Bilang guro, siya ay naging propesor sa UPD, Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), at University of Santo Tomas (UST). Nanungkulan din siyang Visiting Professor of Philippine Studies sa Osaka University of Foreign Studies sa Japan (1985-1988) at naging kauna-unahang Asian scholar-in-residence ng University of Hawaii sa Manoa. Pinamunuan din niya at pagkaraa’y naging chairman emeritus ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines (ACT-Philippines), isang pambansang organisasyon ng mga guro at kawani ng sektor ng edukasyon. Nasa puso niya ang pagiging isang tunay na akademista at tagapagtanggol ng sektor ng edukasyon.
Kilala siya sa tawag na “Bien” para sa mga kaibigan at katrabahong kaedad niya, “Tatay Bien” o “Itay” sa mga kaibigan at katrabahong mas bata sa kaniya, at “Sir Bien” o “Doc Bien” sa karamihan. Lagi siyang may giliw sa mga taong nakakasalamuha niya, may handang ngiti sa mga labi, at animo’y nakangiti pati ang kaniyang mga mata. Hindi maaaninag ang mga panahon ng maagang pagkaulila sa kaniyang mga magulang at sa kaniyang lola na humaliling mag-aruga sa kanila ng kaniyang ate noong nagbibinata na siya. Marahil, dahil sa kaniyang payapang katauhan, hindi agad nababanaag ang matapang at palaban niyang kalikasán, lalo na noong panahon ng Batas Militar.
Sa kainitan ng Batas Militar, aktibong nakilahok si Sir Bien sa pagkondena sa administrasyong Marcos at isa sa mga nag-underground ng mga panahong iyon. Siya ay naaresto noong Enero 1974 at lumaya ng Disyembre nang taong din iyon. Nakatulong umano sa kaniyang paglaya ang liham ni Cynthia Nograles, ang kaniyang dating estudyante sa graduate school sa ADMU, para kay noo’y Heneral Fidel V. Ramos. Nakasaad dito ang hiling na palayain si Sir Bien. Kalaunan, naging kabiyak ni Sir Bien ang kaniyang dating estudyante.
Hindi naging hadlang ang kaniyang pagkakabilanggo upang ipagpatuloy ang pagiging kritikal sa pamahalaan. Ipinagpatuloy niya ang laban sa kaniyang mga akda.
Noong 1977, sa pakiusap ng dating Dekano ng Kolehiyo ng Agham at Sining Francisco Nemenzo, nagsilbing patnugot si Sir Bien ng “Diliman Review,” isang kilalang publikasyon na bumatikos sa diktadurang Marcos.
Sa panahon ng Batas Militar, naging aktibo rin siya sa ilang malikhaing gawain. Isinulat niya ang libretto ng mga musikal na “Tales of the Manuvu,” “Rama, Hari,” “Nasa Puso ang Amerika,” “Bayani,” “Noli Me Tangere,” at “Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw.”
Noong 2006, inilimbag ng UST Publishing House ang “Bayan at Lipunan: Ang Kritisismo ni Bienvenido Lumbera,” na pinamatnugutan ni Rosario Torres-Yu.
Noong 2004, inilimbag ng DLSU-Manila Press ang antolohiya ni Sir Bien na “Sa Sariling Bayan: Apat na Dulang May Musika.”
Siya rin ang may akda ng iba’t ibang aklat at antolohiya kabilang ang “Revaluation: Essays on Literature, Cinema, and Popular Culture,” “Pedagogy,” “Philippine Literature: A History and Anthology,” “Rediscovery: Essays in Philippine Life and Culture,” “Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions,” at “Paano Magbasa ng Panitikang Filipino: Mga Babasahing Pangkolehiyo.”
Akda rin niya ang “Likhang Dila, Likhang Diwa,” isang koleksyon ng mga tula at “Balaybay: Mga Tulang Lunot at Manibalang,” isang bagong koleksiyon ng mga tula sa Filipino. Idagdag pa rito ang kaniyang “Abot-tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan” at “Writing the Nation/ Pag-akda ng Bansa.”
Sa hanay ng mga manunulat, artista, at kritiko, itinuturing si Sir Bien bilang isang pinuno. Siya ang isa sa mga bumuo ng Philippine Comparative Literature Association (1969), Pamana ng Panitikan ng Pilipinas (1970), Kalipunan para sa mga Literatura ng Pilipinas (1975), Manunuri ng Pelikulang Pilipino (1976), at Philippine Studies Association of the Philippines (1984).
Kasapi rin siya sa Concerned Artists of the Philippines at Bagong Alyansang Makabayan.
Para sa kaniyang mga likha, siya ay ginawaran ng samot-saring parangal sa larangan ng sining. Noong 2006, siya ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ito ang pinakamataas na parangal para sa isang alagad ng sining sa Pilipinas. Bukod dito, si Sir Bien ay pinarangalan noong 1993 ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts. Hawak din niya ang 1999 Cultural Center of the Philippines Centennial Honors for the Arts at 1998 Philippine Centennial Literary Prize for Drama. Isa rin siya sa nagkamit ng 1975 Palanca Award for Literature. Pinarangalan din siya ng National Book Awards mula sa Manila Critics’ Circle at ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas mula sa Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL).
Para sa kaniyang di-matatawarang paglilingkod sa UP, partikular sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), Kolehiyo ng Arte at Literatura, at pambihirang tagumpay sa kaniyang larangan, ipinagkaloob sa kaniya ang panghabambuhay na titulong propesor emeritus noong 1998.
Si Sir Bien ay nagtapos ng Batsilyer ng Literatura sa peryodismo (Bachelor of Literature in journalism) mula sa UST noong 1957. Nagtapos din siya ng kaniyang masterado sa naturang unibersidad. Kaniya namang nakamit ang PhD in comparative literature mula sa Indiana University sa Estados Unidos noong 1968.
Ipinanganak si Sir Bien noong Abril 11, 1932 sa Lipa, Batangas, kina Timoteo at Carmen Lumbera. Una siyang naulila sa kaniyang ama. Makalipas ang ilang taon ay pumanaw naman ang kaniyang ina. Siya at ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Leticia ay naging ulilang lubos pagtungtong niya ng limang taong gulang. Inaruga sila ng kanilang Lola Eusebia hanggang pumanaw ito dahil sa katandaan noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gulang na 13, si Sir Bien ay naiwan sa pangangalaga at gabay ng kaniyang pangalawang magulang na sina Enrique at Amanda Lumbera.
Magiliw si Sir Bien, banaag iyon sa marami niyang larawan. At kinagigiliwan siya ng halos lahat ng nakakilala sa kaniya. Ngayon, napakasakit man ng kaniyang paglisan, magiliw pa rin siyang inaalala ng lahat ng nakakilala sa kaniya at binibigyan siya, ‘ika nga ng DFPP, ng “pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat.”
Paalam po, aming guro.