Campus

Tanaw: Pag-asa at tagumpay

Sa nakaraang Gawad Tsanselor 2023 (GT 2023), ang pinakatampok na aktibidad sa UP Diliman (UPD) Linggo ng Parangal 2023 (LnP 2023), sinabi ni Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na ang salitang tanaw na siyang tema ng LnP 2023 ay nangangahulugan ding pag-asa at tagumpay.

Ayon sa Tagapamahalang Komite ng LnP 2023, ang temang Tanaw ay “nakatungtong sa kakayahan ng mga iskolar ng bayan na mahubog ang pananaw at haraya sa bansa at sa sangkatauhan habang patuloy na sinasariwa at hindi isinasantabi ang ating mga karanasan. Sa kulturang Pilipino, ang tanaw ay gamit sa kritikal na pagtingin sa ating nakaraan at hinaharap. Sinasalamin ito ng mga katagang balik-tanaw at abot-tanaw. Gayundin, mahalaga ang konsepto ng vista bilang tanawin o ang malawakang pagtingin sa ating nagbabagong lipunan.”

Ayon naman kay Vistan, “Ang salitang tanaw ay isa ring salita ng pag-asa, ng posibilidad, ng papalapit na paroroonan, at napipintong tagumpay.”

Nabanggit ito ni Vistan sa kaniyang pagkilala sa mga pinarangalan ng GT.

Sa taong ito, 17 ang ginawaran ng GT. Pinarangalan ang tatlong programang pang-ekstensiyon at 14 na indibidwal.

(Mula sa kaliwa) Vistan, Buenrostro-Cabbab, Tan, Deocampo, at Almoro. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Dahil sa mga nagawa ng mga tumanggap ng parangal, “Binibigyan nila tayo ng pag-asa na abot-tanaw na natin ang mga mithiin natin para sa ating komunidad at para sa ating bayan,” dagdag ni Vistan.

Sa 14 na tumanggap ng GT 2023, anim ang hinirang na natatanging mag-aaral, tatlo ang natatanging kawani, isang natatanging REPS, isang  natatanging mananaliksik sa Filipino, at tatlo ang natatanging guro.

(Mula kaliwa) Vistan, Calso, Madriaga, Lectura, at Bise Tsanselor para sa Administrasyon Adeline A. Pacia. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ang mga ginawaran ng natatanging mag-aaral ay sina Edrian N. Divinaflor (UPD Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya), Raia Alexis T. Gallardo (UPD Kolehiyo ng Arkitektura), Rusell Irene L. Lagunsad (UPD Programa ng Tatlong Kolehiyo ukol sa Doktorado sa Filipinolohiya), Joseph G. Navarro (UPD Pambansang Kolehiyo ng Administrasyong Pangmadla), Maria Veronica O. Papa (UPD Kolehiyo ng Arte at Literatura / College of Arts and Letters / CAL), at Francine Beatriz DG. Pradez (UPD Kolehiyo ng Agham / College of Science / CS).

(Mula kaliwa) Vistan, Divinaflor, Gallardo, Lagunsad, Navarro, Papa, Pradez, at Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Samantala, ang mga ginawaran para sa natatanging programang pang-ekstensiyon ay ang KaSaMa Teachers Community: Pag-igpaw sa mga Hamon ng Pandemya / KaSaMa Teachers (UPD Pambansang Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika / National Institute for Science and Mathematics Education Development / NISMED), Lunas Collective Helpline and GBV Care Education: Innovations to Social Responses to Gender Based Violence and Vulnerabilities Related to Sexuality and Sexual and Reproductive Health During the COVID-19 Pandemic / Lunas Collective (UPD Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan /College of Social Work and Community Development / CSWCD), at Capacity Building for the Guardians of the Coasts and the Seas of the Philippines, the Philippine Coast Guard / Guardians of the Coast (UPD Linangan ng Agham Pandagat / The Marine Science Institute / MSI ng CS).

(Mula kaliwa) Vistan; Celia R. Balbin ng NISMED, kinatawan ng KaSaMa Teachers; Deo Florence L. Onda, PhD ng MSI, kinatawan ng Guardians of the Coast; at Sabrina Laya S. Gacad ng CSWCD, kinatawan ng Lunas Collective; at Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad Carl Michael F. Odulio. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ang mga natatanging kawani naman ay sina Rolando G. Calso (UPD Pambansang Sentro ng Inhenyeriya), Michael Jerome M. Madriaga (UPD Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko), at Leizel P. Lectura (UPD Opisina sa Pagpapaunlad ng Yamang-Tao).

Si Aida I. Yap, PhD ng NISMED ang hinirang na natatanging REPS habang si Eilene Antoinette G. Narvaez ng CAL ang hinirang na natatanging mananaliksik sa Filipino sa taong ito.

(Mula kaliwa) Yap, Vistan, at Odulio. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO
(Mula kaliwa) Narvaez, Vistan, at Odulio. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Sina Iyra S. Buenrostro-Cabbab, PhD ng UPD Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon; Nicolas Francisco A. Deocampo (UPD Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla), at Arwin Q. Tan (UPD Kolehiyo ng Musika) naman ang mga napiling natatanging guro.

Sa kaniyang pasasalamat at pagsasara ng palatuntunan ng GT 2023, ibinahagi naman ni Tagapamahalang Opisyal-Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Percival F. Almoro na parang nasa panahon ng tagsibol ang UPD.

“Nanggaling tayo sa pandemya, kung saan tayong lahat ay nasa survival mode. Ngayong taon, biglang lakas muli ang UP, napakadaming ganap, full swing sa ating exploration mode,” aniya.

Sa kaniyang maikling mensahe, nagdulot siya ng galak sa mga manonood sa kaniyang paghahambing sa mga nanalo ng Gawad Tsanselor sa laruang lato-lato.

“Bumabalik po sa uso ang lato-lato–isang laruan, na naglalaman ng dalawang magkarugtong na pendulum. Sa physics, ang tawag po rito ay driven pendulum, may applied force. May ilang pagkakatulad ang lato-lato sa ating mga awardee,” ani Almoro.

Nagbanggit siya ng tatlong pagkakatulad ng mga nanalong ng GT sa laruan.

“Una, sa lato-lato, dahan dahan sa simula, may warm-up time. Gayon din ang ating mga artista at mananaliksik. Sa simula, hinahanap nila ang tiyempo at tamang pamamaraan, teknik. Pangalawa, dahil sa iterative na pagsubok, pagtitiyaga, at hindi pagsuko, dumarating din ang tamang kombinasyon ng mga element, ika nga, Goldilocks condition. Sa lato-lato, nag-mamatch ang natural frequency at applied frequency sa pananaliksik, biglang eureka moment. Pangatlo, gaya ng lato-lato, minsan ang mga naipamalas na ideya, nilikhang sining, at inobasyon ay may ilang oposisyon din. Nais ipagbawal ang lato-lato dahil maingay daw at may safety concern. Tama naman po, dapat maglaro sa tamang lugar, i-develop at i-address ang safety concern. Sa mga pagdududa sa naipamalas na mga makabagong ideya, disenyo, at inobasyon, kailangan nating mag-reach out, ipakalat/ o i-disseminate ang bagong karunungan, at irebisa kung kinakailangan upang lalong maging katanggap-tanggap at kapaki-pakinabang, lalo na para sa mga kababayan nating higit na nangangailangan,” ani Almoro.

Ang GT 2023 ay ginanap noong Hunyo 23 sa Teatro ng Unibersidad.