Campus

Tanaw: Linggo ng Parangal 2023

LnP 2023 omnibus poster. Poster na gawa ni Jacelle Isha B. Bonus, UPDIO

Sa pagdiriwang ng Linggo ng Parangal 2023 (LnP 2023) sa UP Diliman (UPD), kikilalanin at bibigyang-pugay ang mga pararangalang kasapi ng komunidad ng UPD. Ito ay gaganapin mula Hunyo 20 hanggang 23 sa Teatro ng Unibersidad.

Ang taunang parangal ay pagkilala sa mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, programang pang-ekstensiyon, at organisasyong pangmag-aaral na naghatid ng karangalan, nagpamalas ng kahusayan, at naghandog ng mga natatanging ambag para sa kapakanan ng Unibersidad, publiko, at sambayanang Pilipino. Bibigyang-pugay rin ang internasyonal na komunidad ng UPD.

Ngayong taon, ang tema ng LnP 2023 na Tanaw ay nakatungtong sa kakayahan ng mga iskolar ng bayan na mahubog ang pananaw at bisyon para sa bansa at sangkatauhan habang patuloy na sinasariwa at hindi isinasantabi ang mga karanasan.

Sa darating na Hunyo 20, Martes, ika-2 n.h., pormal na bubuksan ang pagdiriwang ng LnP 2023 sa main hall ng Teatro ng Unibersidad. Kasabay ng seremonya ang Parangal sa Mag-aaral 2023 kung saan kikilalanin ang angking galing ng mga graduwado at di-graduwadong mag-aaral ng UPD.

Kabilang sa mga pararangalan ang mga university scholar o ang mga mag-aaral na nakakuha ng general weighted average noong unang semestre ng Akademikong Taon 2022-2023 na hindi bababa sa 1.45 para sa mga programang di-graduwado at hindi bababa sa 1.25 para sa mga programang graduwado.

Bibigyang-pagkilala rin ang mga nanguna sa bar at licensure examinations, gayundin ang mga samahang mag-aaral at mga estudyanteng nagtagumpay sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa.

Ang Parangal sa Mag-aaral ay mapapanood din nang live sa mga Facebook page ng UPD (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at UPD Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (https://www.facebook.com/ovcsa.upd).

Sa Hunyo 21, Miyerkules, ika-6 n.g., gaganapin ang Chancellor’s International Reception 2023 sa lobby ng Teatro ng Unibersidad bilang pagpupugay sa internasyonal na komunidad ng UPD. Pasasalamatan din ang mga kinatawan at institusyon mula sa mga bansang mayroong ugnayang pang-akademiko at pangkultural sa Unibersidad.

Sa Hunyo 22, Huwebes, ika-2 n.h., gaganapin sa main hall ng Teatro ng Unibersidad ang 2022 Parangal at Pagkilala para sa mga Kawani at Retirado ng UP. Dito kikilalanin ang galing at katapatan sa paglilingkod ng yamang-tao ng UPD.

Mapapanood din ito nang live sa opisyal na Facebook page (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at sa YouTube channel (https://www.youtube.com/c/UniversityofthePhilippinesDilimanOfficial) ng UPD.

Sa pagtatapos ng LnP 2023, idaraos ang Gawad Tsanselor 2023 sa Hunyo 23, Biyernes, ika-2 n.h., sa main hall ng Teatro ng Unibersidad. Pararangalan ng Unibersidad ang mga guro, REPS (research, extension, and professional staff), kawani, mag-aaral, mananaliksik sa Filipino, at programang pang-ekstensiyon para sa kanilang mga natatanging pagpapamalas ng dangal at husay, at buong-pusong paglilingkod sa Unibersidad at sa bayan.

Gagawaran ng mataas na pagkilala ng UPD ang 14 na indibidwal at tatlong programang pang-ekstensiyon.

Ang mga nagwagi ay binubuo ng tatlong natatanging programang pang-ekstensiyon, anim na natatanging mag-aaral, tatlong natatanging administratibong kawani, isang natatanging REPS, isang natatanging mananaliksik sa Filipino, at tatlong natatanging guro.

Parangal sa Mag-aaral 2023

Chancellor’s International Reception 2023

2022 Parangal at Pagkilala para sa mga Kawani at Retirado ng Unibersidad ng Pilipinas
   Palatuntunan

Gawad Tsanselor 2023
   Palatuntunan