(OKT. 15)—Ginunita ng mga alagad ng sining ang mga bilanggong politikal sa isang panayam na inorganisa ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) na pinamagatang “Talasalitaan: Saysay ng Sining (Talakayan kasama ang mga Alagad ng Sining) na ginanap noong Oktubre 9 sa Pulungang Claro M. Recto.
Ang panayam ay bahagi ng proyektong “Lumikha, Lumaya: Filipino Arts Festival for Freedom” na binubuo ng mga kultural na pagtatanghal at panawagang palayain ang alagad ng sining na hanggang ngayon ay nakapiit sa iba’t ibang bilangguan at may hangaring isulong ang malayang paglikha ng sining.
Kabilang sa mga dumalo at nagpahayag ng suporta ukol sa pagpapalaya sa mga bilanggong politikal sina Dr. Bienvenido Lumbera, Professor Emeritus at Pambansang Alagad ng SIning sa Panitikan; Prop. Neil Doloricon ng Kolehiyo ng Sining Biswal at miyembro ng Concerned Artists of the Philippines; Ferdinand Jarin, National President ng KATAGA; Prop. Jun Cruz Reyes, direktor ng PUP Creative Writing Center at tagapangulo ng Philippine PEN Writers in Prison Committee; Joel Lamangan na isang batikang direktor pampelikula; Bonifacio Ilagan, miyembro ng grupong Samahan ng Ex-Detinidong Politikal sa Pilipinas (SELDA); at Andrea Rosal, dating bilanggong politikal at anak ni Ka Roger Rosal.
Sa panimulang pagbati ni Dr. Amihan Bonifacio-Ramolete, dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, ani niya “Tunay na malaki ang ambag ng sining hindi lamang upang ipahayag ang sariling kaisipan, saloobin o damdamin kundi maging kaisipan, saloobin o damdamin ng sambayanan. Ang mga nobela ni Rizal na Noli at Fili, mga sedisyosong dula nina Juan Matapang Cruz at Aurelio Tolentino, o ang awiting “Jocelynang Baliwag” ay mga pahayag ng pakikibaka at pagtuligsa sa mga dayuhang mananakop.”
“Nawa sa patuloy na pag-unawa sa ating sarili at sa ating kultural na identidad ay makatulong ang sining upang mas mapalakas at mapagtibay nito ang pagkilala sa ating kasaysayan ng sa gayon ay tunay tayong lumaya at mapayabong ang ating pagka-Pilipino,” dagdag pa ni Ramolete.
Tinalakay naman ni SWF direktor Dr. Rommel Rodriguez ang mga historikal na tala tungkol sa mga alagad ng sining na naging bilanggong politikal sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ayon kay Ilagan, mayroong 537 na bilanggong politikal sa Pilipinas na naghihintay pa ring makamit ang kalayaan.
Ang mga nagbigay ng kultural na pagtatanghal sa pamamagitan ng mga awitin ay sina Carol Bello ng Sinagbayan-National, Dessa Ilagan, anak ni Bonifacio Ilagan, si Jess Santiago na kilalang manunulat, komposer at mang-aawit, at ang BLKD.
Ipinalabas din ang bidyo-dokumentaryo tungkol sa mga bilanggong politikal na pinamagatang “Tanikala at Talinghaga” bilang bahagi ng palatuntunan at nagkaroon ng bukas na talakayan kung saan ang mga nanood ay malayang nagtanong sa mga panauhin tungkol sa kanilang adbokasiya. Binasa rin ang Manifesto ng mga Alagad ng SIning at Paglulunsad ng alyansang Task Force Free the Artist.
Sina Giba Guevarra at Nikki Gamara ang nagsilbing tagapagpadaloy ng palatuntunan.