Pinarangalan kamakailan ng Lungsod Quezon si Judy M. Taguiwalo, PhD sa kaniyang makabuluhang kontribusyon sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan, mga manggagawa, at mga maralita ng bayan.
Isang retiradong propesor ng UP Diliman Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (College of Social Work and Community Development / CSWCD), at dating kalihim ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (Department of Social Welfare and Development) mula 2016 hanggang 2017, tinanggap ni Taguiwalo ang 2024 Gawad Tandang Sora mula kay Maria Josefina Tanya “Joy” Go Belmonte, alkalde ng Lungsod Quezon at ang bumubuo ng Komite ng Gawad Tandang Sora.
Ayon sa tala ng Quezon City Government sa kanilang opisyal na Facebook page, “Ang Gawad Tandang Sora ay ibinibigay sa mga natatanging kababaihan na nagpamalas ng mga katangian ni Melchora ‘Tandang Sora’ Aquino.”
Ang Gawad Tandang Sora ngayong taon ay bahagi ng paggunita sa Buwan ng Kababaihan.
“Nagagalak akong tanggapin ang karangalang ito sa panahon ng Buwan ng Kababaihan. Mula nang ako’y naging aktibista noong ako’y 18 taong gulang, mahalagang adhikain na ng mga organisasyong sinalihan ko, hindi lamang ang pagiging makabayan kundi ang pagsusulong sa pagkakapantay ng kasarian, pagkakaroon ng hustisyang panlipunan, at ang kahalagahan ng paglahok ng kababaihan para mabago ang lipunan: mga simulaing ipinakita sa gawa ni Tandang Sora,” ani Taguiwalo sa kaniyang mensahe ng pagtanggap. “Umaasa ako na ang Quezon City, mga opisyal, at ang mamamayan ay patuloy na magsisikap na parangalan si Tandang Sora sa pagtataguyod sa kaniyang simulain at ehemplo nang pagkalinga sa mga nagmamahal sa bayan at sa pagsulong ng kalayaan at demokrasya,” dagdag niya.
Ang kaniyang buong mensahe ay inilathala ng CSWCD sa kanilang opisyal na Facebook page kung saan pinasalamatan din ni Taguiwalo si Alnie Foja, ang abogadong “palihim akong ni-nominate,” aniya.
Ilan sa mga nakibahagi sa pagpaparangal kay Taguiwalo ay sina Marivic Co-Pilar, kinatawan ng District 6 ng Lungsod Quezon; mga konsehal ng lungsod; Marlou Ulanday, tagapangulo ng Barangay Tandang Sora; Rene Grapilon, assistant city administrator; district action officers; at department heads ng Lungsod Quezon.
Nagpaabot naman ng pagbati ang CSWCD kay Taguiwalo sa kanilang Facebook page.
Ang pagkilala kay Taguiwalo ay idinaos noong Marso 14 sa Tandang Sora National Shrine.