Campus

“Sigasig,” mga pagtugon sa pandemya pinarangalan

Dalawang inisyatiba at tatlong organisasyon ang pinarangalan sa “Sigasig: Seremonya ng Pagbubukas ng Linggo ng Parangal 2022” (“Sigasig”) nitong Hunyo 20 para sa kanilang mga kontribusyon sa UP Diliman (UPD) sa panahon ng pandemya.

Entablado ng “Sigasig.” Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ang “Sigasig” ang unang araw ng UPD Linggo ng Parangal 2022 (LnP 2022), at siya ring tema ng seremonya. Samantala, “kaMULATan” ang tema ng LnP 2022.

Ang dalawang inisyatibang kinilala ang kontribusyon sa komunidad sa panahon ng pandemya ay ang Silungang Molave at ang Bakunahan sa UPD. Ang tatlong organisasyong tumulong sa UPD sa panahon ng pandemya ay ang UP School of Statistics Student Council (STAT SC), UP Workers’ Alliance, at Kariton ng Maralita Network.

“Noong nakaraang taon, sa araw rin ng Linggo ng Parangal, ay aking sinabing ang Unibersidad ng Pilipinas ay dapat nating ituring bilang isang moog,” panimula ng mensahe ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo na binasa ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Ma. Theresa T. Payongayong.

Mga kinatawan ng Silungang Molave kasama sina Payongayong (dulong kaliwa) at Bawagan (dulong kanan). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Naituturing na tayo ngayon sa isang lipunang nilalason gamit ang opium ng disimpormasyon. Sa katunayan, hindi lamang binabago ang ating kasaysayan ngunit lantaran nang binubura ang katotohanan at ang ating pambansang alaala. Sa gitna ng mga suliraning ito, ngayon higit kailanman, ay kinakailangang magsilbing moog ng kamulatan ang pamantasan. Kinakailangan nating maging masigasig upang patuloy na luminang ng mga mag-aaral, pag-aaral, programa, at inisyatibang naka-angkla sa diwa at adhikang mapagmulat at nagmumulat sa hanay ng lipunang Pilipino,” ayon sa mensahe ni Nemenzo.

Nagsilbing pansamantalang isolation facility ng mga kasapi ng komunidad ng UPD na hindi kayang mag-self-quarantine ang Silungang Molave mula Agosto 2020 hanggang Disyembre 2021, at nakapaglingkod ito sa 753 katao. Pinangasiwaan ito ng UP Health Service. Ang mga kinatawan ng Silungang Molave na tumanggap ng plake at salaping gantimpala ay sina Dr. Oliva S. Basuel, Dr. Aliza M. Pangaibat, Imee Mauhay, at Grace Santos.

Mga kinatawan ng Bakunahan sa UPD kasama sina Payongayong (dulong kaliwa) at Bawagan (dulong kanan). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang Bakunahan sa UPD ay isang inisyatiba ng UPD, sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Kalusugan at pamahalaang lokal ng Lungsod Quezon. Ang programang ito ay nakapagturok ng kabuuang 37,072 bakuna (16,254 na first dose, 15,786 na second dose, at 5,032 booster shot). Ang mga tagapangasiwa ng Bakunahan sa UPD na sina Maria Dulce F. Natividad, PhD at Dr. Alfred H. Tengonciang, kasama sina Jacob Obinguar at Lauro Reyes, ang tumanggap ng plake at salaping gantimpala.

Sa pamamagitan ng proyektong AssiSTAT, tinulungan ng STAT SC ang mga kasapi ng STAT sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at iba pang mga donasyon tulad ng mga laptop, pocket WiFi, at mobile phone load. Ang mga tumanggap ng plake at salaping gantimpala ay ang tagapangulo ng STAT SC na si Julia Bandong at ang bise tagapangulo nito na si Lauren Inguito; kasama rin sina Zoe Matubis at Janine Filio.

Mga kinatawan ng STAT SC kasama sina Payongayong (dulong kaliwa) at Bawagan (dulong kanan). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Naging aktibo ang UP Workers’ Alliance sa pakikiisa sa iba’t ibang inisyatibang pangkomunidad ng Unibersidad. Naging kasapi sila ng UPD COVID-19 Response Volunteers, naging katuwang sa community pantry at pharmacy, at nagboluntaryo sa Bakunahan sa UPD. Sina Stephanie Esperida at Doddie Bergado, mga opisyal ng nasabing organisasyon, at Jonathan Beldia at Frederick Dabu ang mga tumanggap ng plake at salaping gantimpala.

Itinatag noong Abril 2021, hangarin ng malawak na alyansa ng Kariton ng Maralita Network na matulungang maabot ang mga adhikain ng mga maralitang tagalungsod, tulad ng makamasa at libreng serbisyong pangkabuhayan, kalusugan, edukasyon, at paninirahan. Sina Amalia Alcantara, lead convenor ng Kariton ng Maralita Network, Rodelo Yap, kapuwa-tagapagtatag ng Marilag Alternative School, Benita Parandas, at Angelica Ann Cayabyab ang mga tumanggap ng plake at salaping gantimpala.

Sa panahon ng pagpaparangal, sina Payongayong at Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad Aleli B. Bawagan ang nag-abot ng mga plake at salaping gantimpala.

Mga kinatawan ng UP Workers’ Alliance kasama sina Payongayong (dulong kaliwa) at Bawagan (dulong kanan). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Kasabay ng mga parangal ay ang paglulunsad ng aklat na “Kapit. Yakap. Tindig. How UP Diliman Took on the Challenge of COVID-19.”

“Matapos ang dalawang taon, masasabi nating marami tayong karanasan sa pagtugon at pagkilos. Mainam lang na ang mga ito ay madokumento upang mapagnilayan, maibahagi, at sana’y maging basehan ng pagpapahusay pa para sa susunod na panahon. Ito ay bahagi pa rin ng ating gawain bilang isang unibersidad,” pahayag ni Natividad, isa sa mga patnugot ng aklat.

Pinangunahan nina Augusto Espino (piano) at Antonio Maigue (flute) ang pag-awit ng Lupang Hinirang. Nanguna naman sa pag-awit ng UP Naming Mahal si Joshua Cadeliña.

Mga kinatawan ng Kariton ng Maralita Network kasama sina Payongayong (dulong kaliwa) at Bawagan (dulong kanan). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Nagbahagi ng kanilang talento sina Espino at Maigue sa pagtugtog nila ng “Ang Maya” ni Jose Estella na inakda para sa sarsuwelang “Filipinas para los Filipinos.” Tinugtog naman ni RJ Balledos ang “Kapilas na Giting” ni Bayani de Leon. Sinayaw ni Erl Sorilla ang “Inlababo” halaw sa “Bakas ng Lumipas” ni Eddie Peregrina  sa koreograpiya ni John Ababon at pamamatnubay ni Alice Reyes, Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw. Inawit ni Cadeliña ang “Bagani,” musika ni Roel Rostata at titik nina Rostata (Filipino) at Jude Gitamondoc (Bisaya). Tumugtog din sina Draizen Sanchez (flute), Joseph Jacob (gitara), Joseph Hernandez (cello), Eliezer Tenedero (piano), Chico Macorol (percussion), at Jai Saldajeno (percussion).

  • Share:
Tags: