Academe

Salita ng Taon: “Tokhang”

Angeles

(OKTUBRE 29)— “Tokhang” ang hinirang na salita ng taon matapos makakuha ng mataas na boto mula sa mahigit 100 delegado na dumalo sa “Sawikaan 2018: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon,” noong Okt. 24 sa UP Diliman (UPD) Institute of Biology Auditorium. 

Magkatuwang na itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), Opisina ng Tsanselor sa UPD at UPD Information Office, gayundin ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ito ang pang-siyam na Sawikaan.

Ang “tokhang” ay isa sa 11 kalahok na salita sa Sawikaan na isinumite at ipinagtanggol ni Mark Angeles, kolumnista sa Pinoy Weekly, literary editor ng bulatlat.com at kontribyutor sa seksiyong features (arts and culture) ng GMA News Online. 

Si Angeles ay kasalukuyang tinatapos ang kursong MA Malikhaing Pagsulat sa UPD at ang tanging writer-in-residence na ipinadala ng bansa sa International Writing Program sa University of Iowa, USA noong 2013.  

Nagkamit ng unang gantimpala ang “tokhang” hindi lamang dahil sa popularidad nito at husay ng presentasyon kundi maging sa “kabuluhan nito sa buhay ng mga Filipino at/o pagsalamin nito sa katotohanan o bagong pangyayari sa lipunan, at sa lawak at lalim ng saliksik sa salita, gayundin ang retorika o ganda ng paliwanag, at paraan ng pagkumbinsi sa mga tagapakinig,” sang-ayon sa mga pamantayan sa pagpili ng salita ng taon ng pamunuan ng FIT.

Arao

Mga nagwagi. Ang “tokhang” ay halaw sa pinagtiyap na mga salitang Binisaya na toktok (“katok”) at hangyo (“pakiusap”) na ibinansag sa giyera kontra-droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. 

Sinimulan ni Angeles ang kanyang presentasyon sa pamamagitan ng paglalakad nang may nakapaskil na plakard sa leeg kung saan may nakasulat na “TOKHANG” bago umakyat sa entablado dahilan upang matawa ang mga delegado.

Ngunit, sa kabila ng pagpapatawa ni Angeles ay seryoso niyang ipinaliwanag ang magkabilang mukha ng salitang “tokhang” na ika nga niya’y “nakangiti pero naninindak at mapaghanap ng katarungan pero bulag at marahas.” 

Naging matunog ang salitang “tokhang” noong ginamit ito ni Ronald “Bato” dela Rosa sa “Oplan Tokhang” habang nagsisilbi bilang pinuno ng Davao City Police Office mula Enero 2012 hanggang Hunyo 2016. Lumawak ang saklaw nito nang maupo siya bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Upang lubos na makilala ang “tokhang,” ang buong impormasyon nito ay maaaring mabasa sa URL na ito < https://upd.edu.ph/salita-ng-taon-2018/>.

Fonte

Ang ikalawang gantimpala ay nakamit ng “Fake News” na isinali at tinalakay ni Prop. Danilo A. Arao ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla. Ito rin ay nagkamit ng espesyal na pagkilala bilang “Pinakamahusay na Presentasyon.”

Ayon kay Arao, ang “fake news” ay ginawa nang “Word of the Year” noong Nobyembre 2017 ng Collins Dictionary at ang depinisyong ibinigay ay “false, often sensational, information disseminated under the guise of news reporting.” Naging laganap ang salitang ito nang tawagin umano ng Pangulo na “fake news” ang anumang ulat na hindi pumapabor sa kaniya. 

Ani rin ni Arao, para sa mga nasa kapangyarihan at mga taga-suporta ng salitang ito, ginagamit na ang “fake news” para “ipagpilitan ang uri ng katotohanang gusto nila; para idiin ang mga datos hindi mahalaga kung hindi umaayon sa itinakdang realidad; at para baligtarin ang kahulugan ng mga salita sa paraang ang mapanupil ay nagiging katanggap-tanggap.”

Sarthou

Samantala, ang salitang “Dengvaxia” ay nagkamit ng ikatlong gantimpala. Ito ay tinalakay ni Dr. Ralph Fonte, kasalukuyang naglilingkod bilang interno sa Philippine General Hospital at nagtapos ng kursong Doktor ng Medisina sa Kolehiyo ng Medisina ng UP Manila. Sinaliksik at isinulat ni Fonte ang “Dengvaxia” katuwang si Ari Santiago, isang komersiyalisador at malayang manunulat.

Ang “Dengvaxia” ang tatak ng CYD-TDV, ang nag-iisa at kauna-unahang lisensiyadong bakuna laban sa dengue na binuo ng kompanyang Sanofi-Pasteur. 

Ayon kay Fonte, pumasok sa kamalayang Filipino ang salitang ito “nang siyasatin ng Mababang Kapulungan at ng Senado sa katapusan ng 2016 ang pambansang palatuntunan ng pagbabakuna laban sa dengue gamit ang Dengvaxia ng Pamahalaang Aquino.”

Bukod sa sertipiko, ang mga nagwagi ay nakatanggap ng P7,000 para sa unang gantimpala; P5,000 sa ikalawang gantimpala, at P3,000 para sa ikatlong gantimpala.

Samantala, ang salitang “Foodie” na isinali at tinalakay ni Myke “Chef Tatung” Sarthou ang napili naman bilang Online Favorite.

Ang mga tagapanayam at sina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, Pangulo ng FIT Romulo P. Baquiran Jr. at Prop. Jem R. Javier

Ang ibang mga pinagpiliang salita ay ang “Quo Warranto” ni Atty. Aileen V. Sicat, “Federalismo” ni Xavier Roel Alvaran, “Dilawan” nina Jonathan V. Geronimo at John Robert B. Magsombol, “Train” ni Junilo Espiritu, “DDS” ni Schedar Jocson, “Troll” ni Roy Rene Cagalingan at “Resibo” ni Zarina Joy Santos-Eliserio.

Ang mga naging hurado para sa papel ng mga salita ng taon ay sina Prop. Ruby G. Alcantara, Prop. Michael Coroza, Prop. Marne Kilates, Prop. Eilene Narvaez at Prop. Romulo Baquiran Jr. na kasalukuyang pangulo ng FIT.

Isa sa mga panauhing pandangal sa Sawikaan ay si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na nagbigay ng bating pagtanggap at mga mensahe. 

Nagsimula ang Sawikaan noong taóng 2004 na naglalayong subaybayan ang pag-unlad ng wikang Filipino batay sa umiiral na gamit ng mga salita sa diskurso ng lipunan. Sa mga nakalipas na Sawikaan, itinanghal bilang mga Salita ng Taon ang canvass (2004), huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon (2010), wangwang (2012), selfie (2014), at fotobam (2016).

  • Share:
Tags: