Academe

Ramon P. Santos: Dangal ng Wika 2020

(SET. 21) — Ang Dangal ng Wika para sa taong 2020 ay si Ramon P. Santos, Pambansang Alagad ng Sining sa Musika.

Pinarangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino ngayong Set. 21, 9 n.u. sa “KWF Araw ng Parangal (Biswal na Parangal),” mapapanood ang birtwal na seremonya ng kaniyang pagkilalasa Facebook page ng KWF sa  https://www.facebook.com/komfilgov.

Kabilang si Santos sa anim na indibidwal at isang organisasyon na hinirang noong Set. 7 sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 20-23 na pinagtibay ng Kalupunan ng Komisyoner ng KWF. Ang mga pinarangalan ay makatatanggap ng tropeo, plake at medalyon.

Ayon sa website ng KWF, ang Dangal ng Wika ay “ipagkakaloob sa isang natatanging indibiduwal, samahán, tanggapan o institusyon, at mga ahensiyang pampamahalaan o pribadona may makabuluhang ambag o nagawa tungo sa pagsusulong, pagpapalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino kasáma na ang mga katutubong wika sa Filipinas sa iba’t ibang larang o dominyo gaya ng batas, ekonomiya, pilosopiya, siyensiya at teknolohiya, agham panlipunan, araling kultura, edukasyon, at iba pang matatayog na disiplina. Itinuturing itong Lifetime Achievement Award kayâ mas iniuukol itó sa mga indibidwal na nasa 60 taóng gulang pataas.”

Si Santos ay University Professor Emeritus sa UP Diliman at kasalukuyang nagtuturo sa UP Kolehiyo ng Musika sa ilalim ng Departmento ng Komposisyon at Teorya.

Si Santos ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 2014 ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Siya ay kompositor, konduktor ng musika at musicologist at kinilala ng NCCA na “pinakamahalagang tagapagtaguyod ng kontemporaneong musika ng Filipino.”

Nagtapos ng kursong Bachelor of Music, major in composition and conducting sa UP Kolehiyo ng Musika si Santos noong 1965. Sa ilalim ng Fulbright Scholarship ay nakapagtapos siya ng masterado sa Indiana University sa Estados Unidos noong 1968 at ng PhD sa State University of New York at Buffalo noong 1972. Pagbalik ni Santos sa Pilipinas ay nagbabad siya sa mga katutubong musika sa Pilipinas at Asya. Naging full fellow siya Ferienkursefϋr Neue Musik in Darmstadt at visiting scholar in Ethnomusicology sa University of Illinois.

Kasama ni Santos na pinarangalan bilang Dangal ng Wika 2020 sina Prop. Aurora E. Batnag at Prop. Teresita Fortunato ng De La Salle Universtiy-Manila, Prop. Imelda P. De Castro ng Unibersidad ng Santo Tomas, Prop. Lakandupil C. Garcia ng De La Salle University-Dasmariñas, ang mang-aawit na si Dulce, at ang organisasyon na Adhika ng Pilipinas, Inc.

 

Photo credits: 

PambansangAlagad ng SiningsaMusika Ramon P. Santos —https://ncca.gov.ph/santos-ramon/
Dangal ng Wika 2020 — https://www.facebook.com/komfilgov/posts/1089484351447439