Students

Pinarangalan husay ng mag-aaral

Mahigit 10,000 mag-aaral at pitong samahang mag-aaral ng UP Diliman (UPD) ang kinilala para sa kani-kanilang mga tagumpay at kontribusyon sa larangan ng akademiko, isports, sining, kultura, at gawaing panlipunan.

Entablado ng Parangal sa Mag-aaral, kasama ang mga tagapagpadaloy ng sina Anna Lourdes R. Cruz (kaliwa) at Lance Al Francis Daniel (kanan). Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ang Parangal sa Mag-aaral 2022 ay ginanap nang hybrid (magkasamang live at pre-recorded na mga bidyo) noong Hunyo 21 sa Arts and Design West Hall ng UPD Kolehiyo ng Sining Biswal. Bahagi ito ng Linggo ng Parangal 2022.

Pinayuhan ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo ang mga mag-aaral na “maging kaisa ng sambayanan sa lahat ng pagkakataon at panahon.”

Ang kaniyang mensahe ay binasa ni Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido.

“Habang patuloy nating kinakaharap ang iba’t ibang pagsubok sa mga darating na buwan o taon, nawa’y kayong mga mag-aaral ay palaging makipagtulungan at magbahagi ng inyong kaalaman, kasanayan, at panahon para sa kabutihan ng nakararami. Gamitin ang inyong husay, galing, at buhay upang patuloy kayong mulat sa sambayanang Pilipino at pagkilos nito sa pagkamit ng isang lipunang makatao, makatuwiran, at may kapantayan,” aniya.

Ruaya. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Samahang mag-aaral. Pitong samahang mag-aaral ang kinilala ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangmag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs / OVCSA) para sa kanilang mga proyekto, gawain, at inisyatibang tumulong sa kanilang mga kapuwa at komunidad, batay sa iba’t ibang kategorya.

Kabilang sa mga pinarangalan ang UP Katilingan sa mga Anak ng Mindanao sa kategoryang edukasyon at literasi, UP Association of Civil Engineering Students (kalikasan at pangangasiwa sa panganib ng mga sakuna), at UP Family Life and Child Development Circle (kalusugan at isports).

Kinilala rin ang UP DOST Scholars’ Association (negosyo at inobasyon), UP Kalipunan ng mga Anak ng Isabela (sining at kultura), UP Junior Marketing Association (kapayapaan at kaunlaran sa lipunan), at UP Batangan (natatanging pagkilala).

Kasama ni Sonido na nag-abot ng tropeo at sertipiko si John Catindig, kinatawan ni IB Gimenez, ang donor ng mga tropeo.

Millondaga-De Guzman. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

University scholars. Kinilala sa palatuntunan ang 10,343 university scholar (US) para sa unang semestre ng akademikong taon 2021-2022.

Nagtala ng pinakamaraming US ang Kolehiyo ng Inhenyeriya (2,701), sinundan ng Kolehiyo ng Agham (1,066), at Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (1,045).

Ang US ay isang mag-aaral na may general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 1.25 (gradwado) o hindi bababa sa 1.45 (di-gradwado).

Bilang kinatawan ng mga US, nagbigay ng mensahe si Justin Jose Ruaya, isang mag-aaral ng programang BS computer science.

Mga nanguna sa mga pagsusulit. Pinarangalan din ang mga nanguna sa kani-kanilang bar at licensure examination, na kinatawan ni Digna Millondaga-De Guzman, ang nanguna sa Social Worker Licensure Examination noong Agosto 2021.

Aniya, may tatlong aral siyang natutunan sa kaniyang mga naranasan bago at pagkatapos ng pagsusulit.

“Una, hindi sa lahat ng panahon ay aayon sa iyo ang mga pangyayari. Ikalawa, mahalagang may support system na aalalay sa mga panahong nahihirapan tayo. At panghuli, dapat ay alam mo para saan at para kanino ang mga sakripisyo mo,” saad niya.

Mga artista ng bayan. Kasamang kinilala ang 163 tagapagtanghal at artista ng bayan. Walampu’t lima ang nasa UPD Visual Arts and Cultural Studies Scholarship program, 74 sa UPD Performing Arts Scholarship Program, at apat ang nagawaran ng UPD Creative/Critical Thesis Grant in the Arts, Culture, and Humanities (tatlo sa di-gradwado at isa sa gradwado).

Hinandugan ni Terrence Tolentino ang mga manonood ng isang awitin, “Sa Susunod na Habang Buhay” ng Ben&Ben.

Sonido. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Kampeon sa UAAP. Bilang pagpupugay sa nakamit na kampeonato sa Season 84 ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament matapos ang 36 na taon, pinarangalan ang UP Fighting Maroons men’s basketball team (UP MBT). Ang Senegalese import na si Maodo Malick Diouf ang itinanghal na UAAP Season 84 Finals Most Valuable Player.

Naghatid ng kanilang mensahe sa pamamagitan ng bidyo sina Harold Alarcon at Miguel Gabriel “Brix” Ramos, mga kinatawan ng UP MBT. “Trust the process,” ang kanilang pangunahing payo sa mga estudyanteng nais magtagumpay sa kanilang mga gawain.

Pabaon. Pagmulat, paggising, pagbangon. Ito ang mga bungad ni Sonido sa kaniyang “closing pabaon” sa mga mag-aaral.

“Alam natin na ang bawat paggising ay hamon sa pagsalubong ng bagong araw. There are hard mornings to wake up to. Ito ang ibig sabihin ng pagmulat. At kahit gaano kahirap, ang pagtanaw ng bukang-liwayway ay laging sandali ng pasasalamat at pagkamulat,” saad ni Sonido.

Ang palatuntunan ay sabay na napanood sa mga Facebook page ng UPD (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at OVCSA (https://www.facebook.com/ovcsa.upd).