Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika 2024 sa UP Diliman (UPD), ipinaalala ni Jayson D. Petras, PhD, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino-UPD (SWF-UPD) ang isa sa mga misyon ng Unibersidad kaugnay ng wikang Filipino.
“Sa taong ito, dinadala nating tema ang Sulong: Wikang Filipino sa Malaya at Mapagpalayang Akademya at Bayan bilang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng Patakarang Pangwika ng UP o UP Palisi sa Wika. Pagpapaalala ito sa ating lahat sa Unibersidad ng Pilipinas ng ating misyong manguna sa pagsusulong ng wikang Filipino sa pagtuturo, pananaliksik, at opisyal na komunikasyon, hindi lang para sa akademya kundi maging sa buong sambayanang ating pinaglilingkuran,” ani Petras sa kanyang pambungad na pananalita sa panapos na gawaing Paglulunsad at Paggawad 2024.
Ang UP Palisi sa Wika ay naaprubahan sa ika-1021 Pulong ng Lupon ng mga Rehente noong ika-25 ng Mayo 1989.
Ang nasabing patakaran ay hindi lang “inanak sa isang pulong. Bagkus, ito ay bunga ng demokratikong pagtugon ng Unibersidad ng Pilipinas bago pa ang 1989,” paliwanag ni Petras.
Pagkatapos isa-isahin ang mga hakbangin ng Unibersidad bago pa man ang UP Palisi ng Wika ay kinumusta ni Petras ang antas ng paggamit ng Filipino sa Unibersidad.
“Sa katotohanan, nitong taon lamang ay sinikap naming tingnan ang iba’t ibang mga gusali sa UP at nakakalap kami ng 265 mga paskil. At ang nakakalungkot dito, 74% ay monolingguwal lamang sa Ingles. Ibig sabihin, marami pa tayong dapat isagawa para tuloy-tuloy na maitaguyod at maisulong ang wikang Filipino,” aniya.
Sa kanyang mensaheng binasa ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Maria Vanessa Lusung-Oyzon, binalangkas ni Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang limang pangunahing hakbangin ng kasalukuyang administrasyon bilang suporta sa UP Palisi ng Wika.
“Una, palawakin natin ang suporta para sa mga programang pangwika at pananaliksik na nakatuon sa Filipino. Sisikapin nating patuloy na makapaglaan ng sapat na pondo para sa mga proyektong magpapayabong sa paggamit ng Filipino. “Ikalawa, patuloy nating isusulong ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at opisyal na komunikasyon sa loob ng Unibersidad. Hinihikayat ko ang bawat yunit… na gamitin ang Filipino sa kanilang mga opisyal na dokumento, komunikasyon, at gawain,” sabi sa mensahe ni Vistan.
“Ikatlo, susuportahan natin ang patuloy na pagpapalawak ng mga terminolohiyang Filipino sa iba’t ibang disiplina. Ikaapat, itataguyod natin ang mas malalim na pagsama ng Filipino sa ating mga akademikong kurikulum. Isusulong natin ang pagbuo ng mga kurso na partikular na gumagamit ng Filipino sa iba’t ibang larang. At panghuli, patuloy nating papalakasin ang ating ugnayan sa mga komunidad na gumagamit ng iba’t ibang wika sa Pilipinas,” pagtatapos ni Vistan.
Tampok sa Paglulunsad at Paggawad 2024 ang pagbibigay ng parangal sa mga yunit, proyekto, at indibiduwal na malaki ang naiambag sa pagsulong ng Filipino.
Itinanghal na Gawad SWF Natatanging Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino si Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, Gawad SWF Natatanging Kawani na Tagapagtangkilik ng Wikang Filipino si Eva Garcia Cadiz ng Kolehiyo ng Musika, Gawad SWF Natatanging Proyekto sa Filipino ang Pagsasa-Filipino ng mga Pangalan ng mga Gawaing Pang-Mag-aaral at Pagtatampok ng Wika at Kulturang Filipino sa mga Internasyonal na Mag-aaral ng Opisina ng mga Ugnayang Internasyonal-Diliman, at Gawad SWF Natatanging Yunit na Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino ang Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.
Lahat ng nagawaran ay tumanggap ng plake, sertipiko, at insentibong salapi. Ang natatanging kawani ay pinagkalooban ng PHP10,000, ang proyekto ng PHP20,000, at ang yunit/kolehiyo ng PHP30,000.
Binigyan rin ng Gawad Saliksik-Wika ang dalawang aklat at Gawad Teksbuk naman ang dalawa ring aklat.
Pangunahing layunin ng dalawang nabanggit na gawad na ito ang “mapalakas ang pananaliksik sa wikang Filipino ng mga guro at mananaliksik ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman tungo sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng wikang pambansa,” ayon sa SWF-UPD.
Inilunsad naman ang tatlong nailimbag na aklat ng programang Aklatang Bayan Print at pitong online na aklat sa ilalim ng programang Aklatang Bayan Online.
Inilunsad din ang mga bagong isyu ng mga journal na Daluyan (Tomo XXIX, Blg. 1, 2023; Tomo XXIX, Blg. 2, 2023; at Tomo XXX, Blg. 1, 2024) at Agos (Tomo IV, 2023).
Kinilala rin ang mga yunit ng UPD at mga pamantasang nakatuwang ng SWF-UPD sa kanilang mga gawain, pati na rin ang mahahalagang ambag ng 21 Komite ng Wika sa mga yunit at tanggapan ng UPD.