Campus

Pasko sa UPD, nagsimula na

Ang pagdaraos ng Pag-iilaw 2023 noong Disyembre 1 sa Oblation Plaza ay hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa UP Diliman (UPD).

Ang Pag-iilaw 2023 ang nagbukas sa Year-End Program 2023 na may temang Panibagong Lakas.

Tatsulokuyan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa kanyang mensahe sa komunidad, sinabi ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na ang tema ay batay sa pagbangon ng UPD sa mabibigat na hamong pinagdaanan nito dulot ng pandemya.

“Kasabay ng mapapait na pangyayaring ito ay ang mga karanasang nagbigay-lakas sa atin–ang pagtutulungan nating lahat, ang paglikha natin ng mga bagong paraan ng pag-aaral at pagtuturo, at ang pagtatagumpay ng marami sa kabila ng mga hinaharap na pagsubok,” ani Vistan.

Hinimok din ni Vistan ang mga manonood na gamitin ang panibagong lakas na kanilang nakamit sa paglikha ng mga sustenableng lunas sa mga problemang kinakaharap ng komunidad at ng bayan–“mula sa pisikal na aspeto hanggang sa kaugnayan nito sa mga usaping mayroong kinalaman sa lipunan, pulitika, kalusugan, at maging sa kalikasan.”

Samantala, sa pagbati ni Pangulo Angelo A. Jimenez sa UPD na inihatid ni Rolando B. Tolentino, Ph.D., bise presidente para sa mga gawaing pangmadla ng UP, sinabi niyang dapat pahalagahan ang seremonya ng Pag-iilaw sapagkat ito ay simbolo ng papel ng UP sa bayan.

“Tulad ng mga parola o lighthouses sa madilim na kalawakan, ang UP ang nagsisilbing liwanag na tanglaw ng pag-asa at pagbabago laban sa katiwalian at culture of impunity o kawalan ng takot na maparusahan,” saad ni Jimenez. Ani Jimenez, ito ay napapanahon, lalo na ngayong laganap ang malawakang disinformation, trolling, at sponsored trending.

Sinabi naman ni Roehl L. Jamon, bise tsanselor para sa mga gawaing pangkomunidad, ang kanyang tatlong kahilingan sa komunidad ng UPD sa pagdiriwang ng Year-End Program sa kampus: safety and security; pagsisinop ng basura; at sharing the road.

“Lahat tayo ay pantay-pantay na may pananagutang pangalagaan ang sarili at ang bawat isa. Safety is everyone’s responsibility,” aniya.

Sa usaping basura naman, sinabi ni Jamon na “Taon-taon, sa bawat pagdiriwang dito sa kampus, tone-toneladang basura ang winawalis at kinokolekta ng UPD Environmental Management Office tuwing matatapos ang mga programa. Pakiusap, basurang dala ninyo, huwag niyo namang iwanan dito.”

Huli niyang hiniling na magbigayan sa paggamit ng daan.

Chavez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Share the road. Alam nating lahat na dumarami ang sasakyan subalit hindi nadaragdagan ang mga kalsada at mga parking space sa loob ng kampus. Walang mabilis at permanenteng solusyon dito sa kampus. Ang mayroon dito sa atin at hindi nauubos ay ang pagbibigayan. Sa mga pagkakataong tulad nito, hinihingi ko ang pakikiisa ng lahat. There’s no better place to learn to share the road than in UPD,” ani Jamon.

Sa programa ng Pag-iilaw ay naghandog ang UP Rondalla ng mga himig ng Pasko (Payapang Daigdig at Pasko na Naman ni Felipe de Leon, Pambansang Alagad ng Sining sa Musika; at Diwa ng Pasko ni Ramon Tapales) at ng Eine Kleine Nachtmusik ni Wolfgang Amadeus Mozart. Ang mga itinanghal na awit ay inareglo nina Marie Jocelyn U. Marfil (Payapang Daigdig), Celso Espejo (Pasko na Naman), Paula Baylon (Diwa ng Pasko), at Elaine Espejo-Cajucum (Eine Kleine Nachtmusik).

UP Dance Company.Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sinundan ito ng pagtatanghal ng isang sayaw ni Gabrielle Caitlin Leigh P. Chavez ng UP Dance Company (UPDC), sa koreograpiya ni JM Cabling at sa saliw ng Les Racines du Rêve nina Henry Torgue at Serge Houppin.

Makaraan ang ilang sandali ay hinandugan ni Joshua Cadelina ng Acapellago, kasama ang Himig Sanghaya Chorale, ang komunidad ng UP ng mga awit na Kapayapaan ng Tropical Depression at Susi ng Ben&Ben. Ang mga awit ay sinaliwan ng musika ng mga mag-aaral ng UPD Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu) sa kumpas ni Katz Trangco.

Cadelina, kasama ang Himig Sanghaya Chorale at ang mga mag-aaral ng CMu. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang pinakatampok na bahagi ng programa ay ang pag-iilaw ng installation art na Tatsulokuyan ni Abdulmari “Toym” Imao Jr., isang katuwang na propesor ng UPD Kolehiyo ng Sining Biswal.

Ayon kay Imao, ang pamagat ng likhang sining ay hango sa tatlong salita: tatsulok, sulô, at kasalukuyan.

Ipinaliwanag ni Imao na ang tatsulok ay sumisimbolo sa lipunan; ang sulô ay kumakatawan sa liwanag na inihahayag ng bawat pagdaraos ng Pag-iilaw; at ang kasalukuyan ay ang kalagayan ng bayan na nahaharap sa maraming pagsubok. Sa sitwasyong ito, ang bawat isa ay hinihimok na kumilos ayon sa nararapat bilang miyembro ng lipunang may katarungan.

“Ginamit din ang bisikleta bilang metaporya. Ito ay isang effective expression ng people power symbolism,” ani Imao.

Matapos ang pag-iilaw ng Tatsulokuyan ay muling nag-alay si Cadelina at ang Himig Sanghaya Chorale ng awit na Gising Na ng Rocksteddy sa saliw ng musika mula sa mga mag-aaral ng CMu sa kumpas pa rin ni Trangco.

Naghandog din ang UPDC ng isang sayaw mula sa koreograpiya ni Cabling. Kasama nila ang UP Bike Share at ang UP Mountaineers.

Ang mga pampinid na bilang naman ay inihandog ng grupong Acapellago na siya ring nagtanghal ng isang medley ng mga awit tuwing karoling. Matapos nito ay nasaksihan ng UPD ang isang fireworks display na handog ng Alpha Sigma Fraternity.

Ang Pag-iilaw ay buong husay na ipinadaloy ni Jose Antonio R. Clemente, PhD, katuwang na bise presidente para sa mga gawaing akademiko (pagpapaunlad ng kaguruan) ng UP.

  • Share: