Campus

“Ugnayan at Pagpupugay”: Parada ng mga Parol 2021

Sa ikalawang pagkakataon, birtuwal na idinaos ang Parada ng mga Parol (Lantern Parade) sa UP Diliman dahil sa pandemya.  

Naganap ang tanyag na tradisyon ng UP noong Disyembre 21, Martes, ika-6 n.g. sa studio ng College of Fine Arts (CFA).

Samantala, ito naman ang isa sa mga pagkakataong ginanap ang pagdiriwang sa ibang lugar bukod sa UP Amphitheater at Quezon Hall. 

Noong 1998, ang magkakasamang pagdiriwang ng constituent universities ng Parada ng mga Parol ay ginanap sa Luneta upang gunitain ang ika-100 taong kalayaan ng Pilipinas. 

Ngayong taon, 12 akademikong yunit, dalawang administratibong yunit, dalawang konseho ng mga mag-aaral, at 13 klase ng CFA ang nagsumite ng kanilang video lanterns para maging bahagi ng birtuwal na parada.

“Walang Hanggang Pag-alab” ng CAL, Unang Gantimpala sa Birtuwal na Parada ng mga Parol. Screenshot mula sa Virtual na programa ng Parada ng mga Parol 2021

Video lanterns. Base sa temang “Ugnayan at Pagpupugay: Tulay ng Buhay at Pag-asa Ngayong Pandemya,” nagpadala ng kanilang video lanterns ang College of Architecture, College of Arts and Letters (CAL), College of Education (kasama ang UP Integrated School at ang National Institute for Science and Mathematics Education Development), College of Home Economics (CHE), College of Law, College of Science Institute of Mathematics, College of Social Sciences and Philosophy (CSSP), College of Social Work and Community Development, Asian Center (AC), at Asian Institute of Tourism. Mayroon ding video lantern ang magkasanib-pwersang College of Music at CFA.

Kalahok din ang Office of the Vice Chancellor for Administration (OVCA), Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA), National College of Public Administration and Governance Student Council, at UP Business Administration Council.

May kagalakang ibinalita ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pampamayanan Aleli B. Bawagan ang mga nanalo na ang pinagbatayan ng mga hurado ay ang “adherence sa tema at ang visual presentation ng video.” 

Nakamit ng CAL ang unang gantimpala para sa kanilang video lantern na “Walang Hanggang Pag-alab” habang iginawad naman sa CHE ang ikalawang gantimpala, at sa AC ang ikatlo para sa kanilang “Hilom.” Itinanghal namang honorable mention ang video lantern ng CSSP. 

Sa patimpalak naman sa hanay ng mga klase ng CFA, itinanghal na unang gantimpala ang “Ang Ilaw ng Pag-asa” ng Visual Communication (VC) 26 Block X ni Prop. Melvin Calingo. Ikalawang gantimpala naman ang “Ipagpatuloy ang Liwanag ng Pag-asa: Ang Kuwento ng Community Pantry” ng VC FA 14 Block W ni Prop. Jose Manuel Sicat, at ikatlo ang “A Year in Automata” mula sa FA 14 Materials Class Sections UID1 at UID2 nina Prop. Michael Shivers at Prop. Fortunato dela Peña Jr. Itinanghal namang honorable mention ang “Frontliners Araw-araw” ng VC 26 Block Y ni Prop. Joy Ilagan.

Ang lupon ng inampalan ay binubuo nina Prop. Eloisa May P. Hernandez ng CAL, Prop. Rob Rownd ng College of Mass Communication Film Institute, Prop. Rommel Joson ng CFA, Direktor Perlita Raña ng Campus Maintenance Office, at Direktor Crizel Sicat-De Laza ng Office of Student Projects and Activities.

“Ang Ilaw ng Pag-asa” ng Visual Communication 26 Block X ni Prop. Melvin Calingo, Unang Gantimpala sa mga Klase ng College of Fine Arts. Screenshot ng Virtual na programa ng Parada ng mga Parol 2021

Pagtatanghal. Naghatid saya naman ang UP Dancesport Society, UP Dance Company, UP Filipiniana Dance Group, at UP Streetdance Club sa kanilang pagtatanghal ng “Pag-asa, Pag-ibig, Paglaya,” sa saliw ng musika nina Dez and Del, Edge Uyanguren, Art Cadungon, Peter Panelo, at Pol Torrente.

Mula sa konsepto at direksiyon ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido, ito ay pagkilala sa mga sakrispisyo at serbisyo ng lahat ng frontliners. Ayon kay Sonido, ang perspektiba rin ng pag-uugnayan ang dahilan kung bakit may asynchronous mode ang Parada ng mga Parol ngayong taon. 

“Inilagay namin sa isang interactive map ang mga obrang nilikha ng mga kolehiyo, konseho, organisasyon, at estudyante upang puwede ninyong mabisita ang mga ito buong taon,” aniya.

Nag-alay din ng awiting “Maghintay Lang” ang UP Symphony Orchestra, kasama ang UP Madrigal Singers, UP Concert Chorus, UP Staff Chorale, Auit Vocal Ensemble, at mga artista’t iskolar ng bayan. Ang “Maghintay Lang” ay batay sa musika ni Jean Sibelius mula sa “Finlandia,” at titik, pag-aayos, at orkestrasyon ni Prop. Josefino Chino Toledo.

Paglulunsad ng birtuwal na mapa kung saan makikita ang mga parol. Screenshot ng Virtual na programa ng Parada ng mga Parol 2021

Pag-asa sa pagbabalik. Payak man ang pagdiriwang ngayong taon at patuloy na sinunod ang mga health and safety protocol, inaasahan pa rin ni UPD Tsanselor Fidel R. Nemenzo na maibabalik ang dating pagdiriwang ng Lantern Parade.

“Umasa tayo na maibabalik na sa dati ang tradisyon ng Lantern Parade. Pero dahil nandiyan pa rin ang banta ng COVID-19 at dahil sa pananalasa ng bagyong Odette kamakailan, ginawa nating mas simple ang pagdiriwang,” aniya. 

Ayon kay Nemenzo, may ilang miyembro ng kaguruan na umikot sa Academic Oval bitbit ang kanilang mga parol dahil “miss na nila ang Lantern Parade.”

Idinagdag ni Nemenzo na batid niya ang hirap ng pagdiriwang sa gitna ng kalungkutan. 

“Alam ko pong mahirap magdiwang sa gitna ng pandemya, lalo pa sa gitna ng trahedya. Pero naisip pa rin naming ituloy ang Virtual Lantern Parade dahil nais nating maging simbolo ng pag-asa at pagkakaisa ang bawat parol na nagawa,” saad niya. “Mahirap ang pinagdaanan nating lahat sa taong ito. Nariyan ang pandemya at sunud-sunod na trahedya. Pero huwag nating kalilimutang may liwanag sa gitna ng dilim. Tulad ng mga parol na inyong nilikha, sana lahat tayo ay maging instrumento ng pagkakaisa. Sana lahat tayo ay maging tanglaw ng pag-asa. Maligayang Pasko sa lahat,” pagwawakas ni Nemenzo.

Ayon naman sa mensahe ni Pangulong Danilo L. Concepcion na binasa ni Prop. Elena E. Pernia, pangalawang pangulo para sa gawaing pangmadla, hindi lang napatunayan ng komunidad ng UP ang katatagan nito, buong ningning pa nitong natulungan ang bayan na harapin ang pandemya at mailigtas ang publiko.

“Literal na sinipat at hinimay ng ating mga eksperto ang kalaban. Ginabayan ang mga namumuno sa pamamalakad na may pagtinging sakop ang kalusugan at kabuhayan,” ayon kay Concepcion.

Aniya, “Dito sa kampus, naitatak na sa makulay nitong kasaysayan ang pag-aalay ng lunan at kalinga para sa libo-libong nangangailangan ng matutuluyan at bakuna.”

Sa pagwawakas, sinabi ni Concepcion na, “Ang dalawang taong itinuturing nating madilim na yugto ng ating buhay ay magtatapos na puno ng liwanag. Liwanag na sinasagisag ng ating mga parol. Ito ang liwanag ng buhay at pag-asa na pinagningas ng ating indibidwal at sama-samang sakripisyo. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon, mga ka-UP.”

Samantala, nagpaalala si Bawagan na patuloy na mag-ingat at panatilihing ligtas ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at ng Bagong Taon 2022.

Inilatag naman ni Bise Tsanselor sa mga Gawaing Akademiko Ma. Theresa P. Payongayong ang “Guidelines for Limited Face-to-Face Classes” upang maging ligtas ang unti-unting pagbabalik ng mga guro, mag-aaral, at kawani sa kampus.

Pasasalamat. Sa pamamagitan ng isang video presentation ay binigyang-pagpupugay ni Sonido ang mga opisinang patuloy na naglingkod sa gitna ng pandemya para sa kapakanan ng komunidad ng UP.

“Tunay, pinakamakabuluhan ang sining kung ito ay daluyan ng kolektibong lakas at lunas. Ang proyektong ito ay handog din namin sa mga frontliner at essential worker ng UPD,” ani Sonido.

Pinasalamatan niya ang UPD COVID-19 Task Force, UP Health Service sa pamumuno ni Dr. Jesusa Catabui noong 2020 at Dr. Myrissa Alip nitong 2021, Silungang Molave na pinatakbo nina Dr. Olivia Basuel at Dr. Aliza Pangaibat ng UPHS Public Health Unit, UP CHK Bakunahan sa Diliman, kaagapay ang College of Human Kinetics sa pamumuno ni Dekano Francis “Kiko” B. Diaz at lahat ng volunteers, HOPE 7 (Kamia Temporary Isolation Facility) sa ilalim ng Office of Student Housing at kaakibat ang Philippine Red Cross at Quezon City local government unit, at Philippine Genome Center sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Cynthia Saloma at kabilang si Dr. Edsel Ayes.

“Pinasasalamatan din natin ang mga opisinang patuloy na nagserbisyo sa kabila ng banta ng COVID-19: OVCCA, sa ilalim nito ang Campus Maintenance Office, Public Safety and Security Office, at ang Diliman Environmental Management Office; ang OVCSA, at sa ilalim nito ang Office of Student Housing at University Food Service; at ang OVCA, at lahat ng opisina sa ilalim nito, na hindi kailanman natigil sa kakaagapay sa pagsuporta sa mga kawani, faculty, REPS, at manggagawa ng UP Diliman,” ani Sonido.

Kinilala rin niya ang mga opisina at komite “na gumaod ng mga preparasyon at paghahanda sa dahan-dahan at ligtas na pagbabalik ng komunidad ng UP sa kampus: ang Office of the Vice Chancellor for Planning ang Development at ang mga arkitekto, inhinyero, at ilang daang manggagawa ng UP; at ang Crisis Management Committee at Ad Hoc Committee for Limited Face-to-Face Class Activities sa gabay ng Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs.”

Pinasalamatan din niya ang Year-End Program Team, kabilang ang support staff, creative team, at technical team na taos-pusong nag-alay ng husay at galing para sa programa.

Ang Birtuwal na Parada ng mga Parol 2021 ay idinaloy nina Prop. Marvin Olaes ng Department of Speech Communication and Theatre Arts ng CAL at Rain Victor-Matienzo, alumna ng Department of Broadcast Communication ng College of Mass Communication. Muling mapapanood ang buong programa sa ibaba. Maaari ring bisitahin ang Facebook page ng UP Diliman o ng OVCSA (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman/videos/580372409697834), o ang YouTube channel ng OVCSA (https://www.youtube.com/watch?v=oGZs-mXLBMs).

Para naman mabalik-balikan ng mga parol pati ang kanilang mga deskripsyon, magtungo sa tinyurl.com/UPDLantern2021.


Parada ng mga Parol 2021: Ugnayan at Pagpupugay

  • Share:
Tags: