Sa post sa kanyang Facebook account kamakailan, inisa-isa ni Rommel B. Rodriguez, PhD, isang propesor sa UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang mga naging paglabag ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa mga karapatang-pantao ng mga Pilipino.
Dahil dito, kaniyang inaanyayahan ang lahat ng manunulat na magsumite ng mga malikhaing akda hinggil sa iba’t ibang danas tungkol sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Ito ay upang maisama ang mga mapipiling akda sa lathalaing Sa Gitna ng Mata ng Bagyo: Antolohiya ng mga Akda para sa Karapatang Pantao.
Ayon sa Facebook post ni Rodriguez, ang mga akda ay maaaring ipadala sa akdakarapatangpantao@gmail.com hanggang Setyembre 21. Ang mga ito ay dapat nasa Word file. Bukod dito, “bawat manunulat ay maaaring magpasa ng isang maikling kuwento (hindi lalagpas sa 15 pahina, doble espasyo), dalawa hanggang tatlong tula, at isang sanaysay (hindi lalagpas sa 15 pahina, doble espasyo); nakasulat sa wikang Filipino o iba pang wika sa bansa, hiling lamang na lakipan ng salin sa Filipino; at magsama ng hiwalay na tatlo hanggang limang maikling bionote.”
Dagdag ng nasabing post, “maaaring magtuon ang kontribyutor sa mga sumusunod na paksa hinggil sa karapatang pantao subalit hindi limitado sa: Karapatang pang-ekonomiko, karapatan sa paggawa, karapatan sa disenteng pabahay, karapatang pampulitika, karapatan sa pulitikal na paninindigan, karapatan sa malayang pagpapahayag, karapatang panlipunan, karapatang pangkasarian, karapatan sa edukasyon, karapatang pangkultura, karapatan ng mga katutubo at katutubong kultura, at karapatan sa lupang ninuno.”