Campus

Pagpupugay, Dean Dandan!

Sa isang payak na pagtitipon, binigyang-pugay ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Sining Biswal (College of Fine Arts / CFA) ang yumao nitong dekana, si Virginia “Ginny” Bonoan-Dandan, PhD. Pumanaw si Dandan noong Nobyembre 9.

May pamagat na Gunita: Buhay at Sining ni Dean Ginny Dandan, nagsama-sama sa CFA Arts and Design West Hall ang pamilya ni Dandan, mga naging kapwa guro, kasamahan, at mag-aaral niya sa CFA, pati na ang ilang mga kaibigan sa UPD, upang alalahanin ang mga karanasan nila kasama si Dandan. Naging dekana si Dandan ng CFA mula noong 2001 hanggang 2006.

Iginuhit na larawan ni Dandan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa pamamagitan ng mga video presentation, musika, at mga mensahe ng pag-alaala, pagkilala, at pasasalamat, binalikan ng mga dumalo ang mga panahong naging bahagi ng buhay nila si Dandan.

“Dean Dandan, as a mentor, as an administrator, guided a lot of people. Ngayon, administrador na rin ang ibang na-guide niya. [Isa na] Si Sir Manolo [Jose Manuel Sicat], na naging advisee niya,” panimula ni Marc J. San Valentin, kasalukuyang dekano ng CFA.

“Sa mga ginabayan ni Ma’am Ginny, mga naging kaibigan, mga tumabi sa kanya noong mga panahong kailangan siyang tabihan, you have to remember, what you do in life will certainly matter to people,” paalala ni San Valentin.

San Valentin. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Naging guro ko po si Ma’am Ginny. Siya po ang aking FA 199 adviser,” ani Sicat na kasalukuyang kalihim ng kolehiyo. Inalala ni Sicat ang mga panahong siya ay nasa konseho ng mga mag-aaral ng CFA habang si Dandan ang dekana, hanggang sa naging “sculptor major ako kung saan ko mas nakilala si Ma’am Ginny.”   

Ikinuwento rin ni Sicat kung paanong nagalit si Dandan sa thesis defense niya sa sculpture program dahil labas na sa sakop ng sculpture ang ilang mga tanong ng mga panelist. Ang thesis niya ang hinirang na “best thesis” sa kanilang pagtatapos.

“Siguro ako na ang pinakamatagal na kaibigan ni Dean Dandan,” bungad ni Ruben David F. Defeo sa kanyang mensahe ng paggunita. Si Defeo ay isa sa mga haligi ng kolehiyo at ng CFA Department of Theory (DTheory) at aniya, magkaibigan na sila ni Dandan “way back in the 1970s. We were not faculty members yet.”

Defeo. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Never a dull moment with Ginny Dandan. I don’t know if you saw that in her. All you have been talking about the last few minutes were all the serious aspects of Ginny. Ginny was a fun person. Sayang hindi ninyo na-experience as colleagues but you will love her more had you seen that facet of Ginny as a fun person,” dagdag ni Defeo.

Ilan pa sa nagbigay-pugay ay sina Clarita Carlos, retiradong propesor ng agham pampulitika at naging kapitbahay ni Dandan sa Area 2 ng UPD campus; Mitzi Marie Aguilar-Reyes, dating dekana ng CFA at sorority sister ni Dandan sa UP Delta Lambda Sigma Sorority; at Riza Romero, kasalukuyang tagapangulo ng CFA Department of Studio Arts (DSA).

Aguilar-Reyes. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Nagbigay-pugay rin sina Dakila Fernando, dating tagapangulo ng DTheory; Rey Concepcion ng DSA; at Dong Cayagoy, kawani ng CFA.

Sa pamamagitan ng video presentation ay inalala ni Marco Ruben Malto II ng DSA ang mga panahong nakasama niya si Dandan. Inawit naman ni Gilda Sychingiok, kawani ng CFA, ang Angel of the Morning ni Juice Newton, isa sa mga paboritong awit ni Dandan. Ipinadala naman ng CFA Class of 1986-1990 ang kanilang nakasulat na mensahe sa pamamagitan ni Defeo, at ang sulat ay binasa ng isa sa mga apo ni Dandan.

Dumalo rin sa pagtitipon ang iba pang mga guro at kawani ng kolehiyo tulad ni Grandier Gil Bella ng DSA at Emmanuel Garalde, dating kalihim ng kolehiyo.

Defeo at mga dumalo sa paggunita kay Dandan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Lubos ang pasasalamat ng pamilya Dandan para sa pagkilala, pagpupugay, at pagmamahal na ipinadama ng UPD, ng mga kaibigan ni Dandan, at lalong higit, ng mga dati at kasalukuyang guro, kawani, mag-aaral, at alumni ng kolehiyo.

Ang nagsilbing tagapagpadaloy ng pagtitipon ay si Lisa Ito-Tapang ng DTheory.

Ginanap ang paggunita sa buhay at sining ni Dandan noong Nobyembre 16.

Gwen Dandan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

  • Share: