Campus

Pagbubukas ng LnP 2024

Masaya at maagang sinalubong ng UP Diliman (UPD) ang Hunyo 18. Bukod sa ginunita nito ang Ika-116 na araw ng pagkakatatag ng UP, ito rin ay nagdaos ng unang araw ng taunang Linggo ng Parangal (LnP), ang Pagbubukas ng UPD Linggo ng Parangal 2024 (Pagbubukas ng LnP 2024) sa Bulwagang Quezon.

Ang pagtataas ng watawat sa Bulwagang Quezon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
 

Sa pangunguna ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad (Office of the Vice Chancellor for Community Affairs / OVCCA), ang Pagbubukas ng LnP 2024 ay may temang Pagbabalik at Pagbabalik.

Ayon kay Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Roehl L. Jamon, ang tema ng Pagbubukas ng LnP 2024 ay kahalintulad sa mga nakagawian tuwing may piyesta.

Jamon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Sa ating pagbabalik sa nakaraan, hinihikayat ko ring balikan ng bawat isa ang mga pangarap, pagkatuto, mga layunin at adhikain, at mga pangakong binitawan na paglingkuran ang bayan. Sariwain natin nang sabay-sabay kung bakit hanggang ngayon ay naririto pa rin tayo,” saad ni Jamon.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Samantala, sinabi naman ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na “Ang ating pagdiriwang ngayon ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa panahong nagsisimula pa lamang ang ating kampus sa Diliman. Ito rin ay panahon ng pagbabalik o giving back para sa mga naging sakripisyo ng lahat, at gagawin natin ito sa pamamagitan ng ating pagkilala sa matapat na paglilingkod sa ating bayan ng ating mga guro, REPS, kawani, mag-aaral, at iba pa nating kasama sa ating pamayanan.”

Tampok sa kasiyahan ang pagtatanghal ng Banda Dos Taytay Rizal at ng St. Joseph Band 98 at ang paglulunsad ng Pagbabalik at Pagbabalik: Ika-75 Taon ng Husay at Dangal ng UP sa Diliman. Matatagpuan sa lobby ng Bulwagang Quezon, ito ay isang eksibit ng mga piling larawan ng sinaunang kampus sa Diliman. Ang eksibit ay bukas sa publiko at magtatagal hanggang Hunyo 21.

Pinarangalan din ng OVCCA ang UP Red Cross Youth para sa kanilang tapat na paglilingkod sa komunidad ng UPD. Ang UP Red Cross Youth ay kinilala para sa kanilang inisyatiba sa pagharap sa kakulangan ng supply ng dugo, pagtugon sa tawag ng bolunterismo, at pagsuporta sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad pagdating sa tulong medikal at pampublikong kalusugan. Tinanggap nina Via Mari De Vera, pangulo ng UP Red Cross Youth, at Jacob Gener at Anthony Lazaro, mga miyembro ng organisasyon, ang sertipiko ng pagkilala.

Kabilang sa mga dumalo sa Pagbubukas ng LnP 2024 ay ang mga opisyal ng Unibersidad sa pangunguna ni Pangulong Angelo A. Jimenez.

(Mula kaliwa) Vistan, Jimenez, De Vera, Gener, Lazaro, at Jamon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
  • Share: