Students

Pagbati, UP Fighting Maroons

Sa palatuntunang UP Fight: Isang Pagdiriwang ng Utak at Pusong Palaban, binigyang-pugay ng komunidad ng UP ang mga iskolar-atleta ng Pamantasan.

Sa pangunguna ng UP Office for Athletics and Sports Development (OASD), kinilala ang mga nakamit na tagumpay ng UP Fighting Maroons, na may kabuuang 172 puntos at nasa ikalawang puwesto sa general championship sa collegiate level sa pagtatapos ng unang semestre ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86.

Ayon sa The UAAP Facebook page, itinanghal na kampeon ang UP Men’s Judo Team (UPMJT) at ang UP Women’s Varsity Swimming Team (UPWVST).

UPMJT. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO  
UPWVST. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ayon din sa nasabing Facebook page, nagkamit ng mga indibidwal na parangal sina Fierre Afan (men’s judo), Matthew Alumbres (men’s swimming), Olympia Ducanes (girls’ table tennis), Nathan Egea (boys’ basketball), Francis Lopez (men’s basketball), at Favour Onoh (women’s basketball) bilang Rookie of the Year / ROY. Sina John Viron Ferrer (men’s judo) at Alhryan Labita (men’s athletics) ay nagkamit ng indibidwal na parangal bilang Most Valuable Player / MVP. Samantala, nakamit ni Quendy Fernandez (women’s swimming) ang ROY at MVP, habang si Malick Diouf (men’s basketball) ay pinarangalan bilang Mythical Five Member.

(Mula kaliwa) Afan, Alumbres, Lopez, Onoh, at Fernandez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO      

Pinarangalan din ang iba pang koponan: ikalawang puwesto sa men’s athletics, men’s basketball, at women’s badminton; ikatlong puwesto sa boys’ swimming, girls’ swimming, men’s badminton, men’s chess, men’s swimming, at women’s basketball; at ika-apat na puwesto sa women’s athletics, women’s beach volleyball, women’s judo, women’s taekwondo kyorugi, at team taekwondo poomsae.

Nasa ikalimang puwesto naman ang mga koponan sa cheer dance, girls’ table tennis, men’s taekwondo kyorugi, women’s chess, women’s table tennis; ika-anim na puwesto ang boys’ table tennis, boys’ taekwondo kyorugi, men’s beach volleyball, at men’s table tennis; ikapitong puwesto ang boys’ volleyball; at ikawalong puwesto ang boys’ basketball at girls’ volleyball.

Mga tagasuporta ng UP Fighting Maroons. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO       

Samantala, pinasalamatan ng OASD ang mga grupo at indibidwal na patuloy na sumusuporta sa mga koponan sa iba’t ibang paraan. Binigyang-pagkilala rin ang mga manlalaro sa ikalawang semestre ng UAAP Season 86, at inanunsiyo ang pagiging host ng UP sa UAAP Season 87.

Ginanap ang pagdiriwang noong ikalawang linggo ng Pebrero sa Teatro ng Unibersidad.

Ang komunidad ng UP. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO