Campus

Paalam, Dean Consuelo J. Paz

Isa sa mga tapat at matibay na tagasulong ng wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, linguist o dalubwika, iskolar ng bayan, at batang UP, si Consuelo Morales Joaquin Paz, PhD, ay payapang namaalam noong Setyembre 15.

Paz. Imahe mula sa DLingg website

Kilala bilang Dean Paz o Dean Connie, siya ay naging dekana ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (College of Social Sciences and Philosophy / CSSP) mula 1992 hanggang 1998 at dalawang beses naging tagapangulo ng Departamento ng Linggwistiks / DLingg (1979-1982; 1988-1991) ng CSSP.

Ayon kay UP Katuwang na Bise Presidente para sa Ugnayang Pampubliko Jose Wendell P. Capili, si Paz ang nagpasimula ng kasuotang Filipiniana at telang nakasablay sa isang balikat sa mga pagtatapos at iba pang akademikong ritwal sa UP. Ang telang nakapatong sa balikat ang naging inspirasyon ng Sablay ngayon.

“Not many people know that, as Chair of the UPD University Council Committee on Academic Personnel and Management (1990), she initiated the shift from traditional cap and gowns to Filipiniana with a malong/patadyong-like material draped on one shoulder. The result is the wearing of the Sablay, not only in UP but in many schools, colleges, and universities across the country. UPD’s College of Arts and Letters and the CSSP first wore the Sablay as graduation attire during their respective college recognition rites in 1991,” saad ni Capili sa kanyang Facebook post.

Ayon naman sa peryodista at kolumnistang si Ramon J. Farolan sa kaniyang kolumn na Third Eye, dahil sa pagsusulong ni Paz ng paggamit ng wikang Filipino, nahirang siya bilang pangunahing kasangguni (major consultant) sa pagbabalangkas ng probisyon ukol sa wikang Filipino sa 1987 Saligang Batas.

Kinikilala bilang eksperto sa Philippine linguistics at cultural studies, si Paz ay walang pagod na nagsulong ng fieldwork at participant observation. Ayon sa DLingg, sa panahon ng kaniyang panunungkulan bilang dekana ng CSSP naitatag ang Inisyatibo sa Pag-aaral ng mga Etnolinggwistikong Grupo na kalaunan ay naging Programa sa Pag-aaral ng mga Etnolinggwistikong Grupo.

“For many, Dean Paz was an accomplished academic, but for those who closely knew her, she was a mother who provided steadfast and unwavering support to her friends and family. She trained and nurtured many undergraduate and graduate students, who, in turn, became prolific scholar themselves in their respective fields,” saad ng DLingg sa kanilang Facebook post. “In our work as linguists and partners of the communities, we remember and honor her brilliance as linguist, activist, leader, and mother,” dagdag ng DLingg.

Nagtapos si Paz ng BA English (1953), MA linguistics (1967), at PhD linguistics (1978) sa UPD. Nag-retiro siya bilang full-time professor noong 2007.

Paalam at marami pong salamat, Dean Paz.