Campus

Naval: ika-9 na dekano ng KAL

Si Prop. Jimmuel C. Naval, PhD, ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ang nahirang kamakailan na ika-9 na dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literature (KAL).

Inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente (BOR) ang kanyang pagkakatalaga sa ika-1361 nitong pagpupulong noong Hunyo 2. Magsisilbing dekano si Naval mula Hunyo 2, 2021 hanggang Hunyo 1, 2024.

Kasalukuyang Propesor 12, binalangkas ni Naval ang kanyang mga plano para sa KAL batay sa tema ng selection process, “buKAL ang/sa paglilingkod.”

Bahay. Hanggang ngayon ay wala pang sariling gusali ang KAL matapos matupok ang Faculty Center (FC) noong 2016.

“Sapat na ang mahigit limang taong paghintay. Panahon na upang balikan ang solar nating sinilangan kapiling ang mga silid-aralan, aklatan, si Magdangal, at ang mga Diwatang simbolo ng disiplinang ating pinagkakilanlan,” ani Naval.

Ugnayan, Usapan, Umpugan.  Idinagdag niya na kailangang bigyang-pansin ang pagbubuo ng Opisina ng Programang Ekstensyon.

“Kabilang din sa dapat bigyan ng pansin upang manatili ang relasyon/ugnayan natin sa mga gawaing ekstensyon na ito ay ang pormal pagbubuo ng Opisina ng Programang Ekstensyon sa kolehiyo na pamumunuan ng isang Tagapagugnay,” dagdag ni Naval.

Kahusayan. Binigyang-diin niya ang patuloy na pagpapaigting ng pagsusulat, pananaliksik, paglikha, at paglalathala ng KAL.

“Nagmula sa KAL ang anim na Pambansang Alagad ng Sining – Virgilio Almario, Francisco Arcellana, Amelia Lapeña-Bonifacio, NVM Gonzalez, Wilfrido Ma. Guerrero at Bienvenido Lumbera. Kung isasama pa ang mga naging lecturer o nagturo sa kolehiyo at graduate ng CAL, anim pa ang puwedeng isama (Salvador Bernal, Lino Brocka, Kidlat Tahimik (Eric de Guia), Amado Hernandez, Carlos Romulo at RolandoTinio). At upang mapanatili natin ang kahusayan sa larang na pinili at nang tumaas pa ang antas o/ at para makatulong tayo sa pagpapataas ng ranking ng UP sa buong Asia at mundo sa disiplinang Humanidades kinakailangang paigtingin natin ang pagiging produktibo sa pagsusulat, pananaliksik, paglikha, at paglalathala,” ani Naval.

Alay at Abay.  Itinampok din niya ang halaga ng seguridad sa trabaho at promosyon ng mga fakulti, kawani at REPS ng KAL at ang kalidad ng serbisyo publiko kasama na ang serbisyo sa mag-aaral ng Kolehiyo.

“Seguridad sa trabaho at promosyon ang malimit na nagiging suliranin ng mga bagong guro hindi lang sa CAL maging sa buong unibersidad. Kasama rin dito ang kalagayan ng ating mga REPS at non-academic na kawani maging ang suliranin ng pribadong mga utility personel at mga guwardiya. Natugunan ba natin ang ating misyon at bisyon? Ano bang uri ng paglilingkod ang naihatag natin sa ating mga estudyante at kapwa guro? Ang atin bang kaisipan, pananaw, at idelohiya ay nagsisilbi sa interes ng higit na nakararami?”

Linangan. Isinusulong ni Naval ang pagbibigay-pagkilala sa mga linangan, sentro at samahan ng KAL, pang-akademiko man o kultural.

“Hindi rin maitatanging naghatid ng parangal at pagkilala ang mga ito sa di lamang sa kolehiyo kundi sa buong unibersidad dahil sa kahusayan nila sa kani-kanilang larangan. Kaya naman dapat na mabigyan sila ng pagkakataong makibahagi sa pagbubuo ng mga plano at programa sa usaping pangkultura ng KAL,” sabi ni Naval. “Mahalaga ring magkaroon ng Sentro ng Kalaamang-Bayan sa kolehiyo (Folklore Studies Center). Mahalaga ang kaalamang-bayan sa panahong umuunlad ang siyensya at teknolohiya dahil ang kaalamang bayan na ito ang nagsisilbing balon ng kaalamang ginagamit ng makabagong panahon sa paglikha at pagtuklas,” dagdag ni Naval.

Sa kasalukuyan ay kasapi si Naval ng dalawang komite sa Konseho ng Unibersidad at ng Executive Committee ng National Committee on Language and Translation ng National Commission for Culture and the Arts.

Nagsimula siyang maglingkod sa UP noong 1986 nang kunin siyang instructor sa Komunikasyon at PI 100 ni Professor Emeritus Rosario Torres-Yu. Si Naval ay naging Tagapag-ugnay din ng Opisina ng Gradwadong Pag-aaral ng KAL mula 2016 hanggang 2017; Tagapag-ugnay ng Larangan ng Malikhaing Pagsulat ng DFPP (2006-2009; 2013-2018); Tagapangulo ng DFPP (2009-2012); Kawaksing Dekano para sa Pananaliksik, Malikhaing Mga Gawa at Publikasyon ng KAL (2003-2006); at Officer-in-Charge, Dekano ng KAL noong Abril 2005.

Ilan pang tungkulin niya noon ay Pangunahing Patnugot ng Philippine Humanities Review, dyornal ng KAL (2003-2006); Kawaksing Patnugot ng Diliman Review (2005-2006); at Katuwang na Direktor ng Sentro ng Wikang Filipino ng UP System (1997-2001).

Nagtapos si Naval ng PhD Malikhaing Pagsulat noong 2003, MA Philippine Studies (Language and Literature; 1992) at BA Filipino (1986), lahat mula sa KAL. Mayroon din siyang Certificate in Oriental Culture mula sa Han Nam University ng South Korea (1992).

Ipinanganak noong Oktubre 31, 1963 sa Indang, Cavite, si Naval ay kabiyak ni Prop. Jeanette L. Yasol-Naval ng Departamento ng Pilosopiya ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UPD. Ang kanilang dalawang anak – Daan Remigio Emmanuel at Dagli Isabela Maria – ay parehong mag-aaral ng UPD.

  • Share:
Tags: