Limang oras ng pagtatanghal na pinamagatang “Bangon CAL-CSSP” ang ginanap sa Academic Oval sa harap ng Faculty Center, Abril 3 bilang pag-alaala sa nasunog na gusali at bilang panawagan para sa pagbangon.
Ang programa ay inorganisa nina Dr. Amihan Bonifacio-Ramolete, dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) at Dr. Grace Aguiling-Dalisay, dekana ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP).
Dinaluhan ito ng mga fakulti at kawani kasama ang mga estudyante, alumni at iba pang bahagi ng komunidad ng UP Diliman (UPD). Ginanap ang programa mula ika-2 ng hapon hanggang 7:30 ng gabi.
Sinimulan ang pagtitipon sa isang misa sa pangunguna ni Fr. Robert Reyes kung saan sama-samang nagdasal ang mga dumalo para sa “pamamahinga” ng naturang tahanan ng fakulti ng KAL at apat na departamento ng KAPP.
Sinundan ito ng isang programa tampok ang pagtatanghal ng UP Singing Ambassadors, STLO at Kontemporaryong Gamelan Pilipino (Kontra-GaPi). Naghandog din ng awitin at musika ang mga estudyante at alumni ng Theater Arts at Dulaang UP gayundin sina Njel De Mesa, Dong Abay, Lance Reblando, Roegene Gonzales, Jehu Laniog at Jeff Pagaduan.
Nag-alay ng awit para sa mga kapwa guro si Prop. Glecy Atienza, fakulti ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), kasama si Bobet Mendoza at ang Guro sa Sining ng Bayan (GuSi ng Bayan) at Alyansa. Tatlong piyesa tungkol sa saya, lungkot at pag-asa mula sa Maguindanao naman ang tinugtog ni Prop. Reginald Cruz, fakulti ng Departamento ng Antropolohiya, gamit ang kulintang na yari sa kawayan.
Tula at talumpati ang ipinamalas nina Prop. Luna Sicat-Cleto at Propesor Emeritus Domingo Landicho, kapwa mula sa DFPP. Sa talumpati ni Landicho, hiniling niya na malayo sa Alzheimer’s Disease nang sa gayon ay patuloy pa siyang makapagtula sa ngalan ng FC. “…Kita’y muling hahanapin. Kita’y muling yayakapin. Isa kang babaeng kapita-pitagan. Isa kang babaeng laging mamahalin— habang nabubuhay, habang ang puso ko’y may kibot. Mahal na Faculty Center… ikaw sa ami’y walang kamatayan,” sambit ni Landicho.
Nagbahagi naman ng mga kuwento at alaala ng FC sina Harlene Bautista at Kanakan Balintagos, kapwa alumni ng KAL; Prop. Kerby Alvarez, fakulti ng Departamento ng Kasaysayan; at Dr. Gisela Concepcion, bise presidente para sa gawaing akademiko ng UP.
Sa pangwakas na mensahe ni Dr. Michael L. Tan, tsanselor ng UPD, nanawagan siya na tipunin ang mga kuwentong naganap at tungkol sa FC. “We will get those stories together so that others [will] remember the very good times we’ve had in this great, great hall,” ani Tan.
“We know that the young ones are the most affected here. We will do everything we can to help reconstruct our lives. Not so much the building, but the lives and memories that we all have,” pagtatapos ni Tan.
Nagwakas ang programa sa isang community dancing na tinugtugan ng Kontra-GaPi at pinangunahan ni Astarte Abraham.
Naging tagapagpadaloy ng programa sina Beverly Siy at Prop. Vim Nadera ng DFPP.
Ipinanawagan sa programa na magkaisa ang komunidad sa pagbangon ng FC sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kawani nito at sa kaguruan ng KAL at KAPP. Maaaring tumulong sa pamamagitan ng mga sumusunod: pagbibigay ng kopya ng tesis ng mga alumni, readings at libro, mga mesa, silya, kabinet at iba pang gamit panturo at sa pag-aaral.
Madaling araw ng Abril 1 nang nilamon ng apoy ang FC. Tinupok ng sunog ang ikatlo at ikalawang palapag at ilang bahagi ng unang palapag ng gusali. Sa ngayon ay wala pang opisyal na resulta ang imbestigasyon patungkol sa sanhi ng sunog.
Ang FC ang tahanan ng limang departamento ng KAL: English Studies and Comparative Literature, Art Studies, Speech Communication and Theater Arts, European Languages at Filipino at Panitikan ng Pilipinas; at ng apat na departamento ng KAPP: Pilosopiya, Linggwistiks, Antropolohiya at Kasaysayan. Dito matatagpuan ang opisina ng kaguruan ng mga nabanggit na departamento.
Nasa FC rin ang mahahalagang pasilidad ng UPD katulad ng Claro M. Recto Hall, Teatro Hermogenes Ylagan, Arcellana Reading Room, Cecilio Lopez Arkayb ng mga Wika sa Pilipinas , Institute of Creative Writing, Biblioteca Pablo K. Botor, Silid Amado V. Hernandez, mga aklatan at audio-visual room.
Kinonseptwalisa ang FC noong 1964 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulo Carlos Romulo. Dinisenyo ito ni Carlos Domingo Arguelles at naipatayo sa tulong ng Rockefeller Foundation.
Noong 1969, nagsimula itong maging tahanan ng fakulti mula sa agham panlipunan at humanidades. Nagsilbi rin itong lunan ng mga diskusyon na nagdulot sa pagkakatatag ng UP System noong 1972.