Academe

Mr. Shooli: Isipin ninyo ang bayan

“Isipin ninyo ang bayan. Kayo ang kinabukasan ng bayan,” habilin at hamon ni Manuel Urbano Jr. sa mga kabataang dumalo sa pagtanggap niya ng Gawad Plaridel 2023.

Ang Gawad Plaridel na ipinagkakaloob ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication / CMC) ang tanging parangal sa buong UP System na kumikilala sa mga media practitioner na may malaking kontribusyon sa larangan ng media at sa lipunan.

(Mula kaliwa) Tiongson, Vistan, Urbano, Jimenez, at Paragas. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ayon sa sipi ng pagkilala na nasa palatuntunan, binigyang-parangal si Urbano “para sa paggawa niya ng mga de-kalidad at di-malilimutang mga patalastas sa telebisyon na nagtampok sa mga tipikal na sitwasyon at tauhang Pilipino; at para sa paglikha niya ng mga produksiyon sa telebisyon at pelikula na nag-angat sa nilalaman at anyo ng komedi, na maaaring gamitin ng mga susunod na henerasyon ng mga media practitioner bilang modelo sa paglikha ng mga akdang pangmidya na may mataas na uri at tunay na malasakit sa bayan.”

Lubos na nakilala si Urbano sa kaniyang pagganap bilang Mr. Shooli sa seryeng pantelebisyon na Mongolian Barbecue at kalauna’y naging bansag na rin sa kaniya. Nakilala rin siya sa mga pelikulang Juan Tamad at Mr. Shooli sa Mongolian Barbecue, at M.O.N.A.Y. (Misteyks Opda Neysion Adres Yata) ni Mr. Shooli.

Ang dula ni Urbano bilang Mr. Shooli. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa isang maikling pagsasadula o skit bilang tugon niya sa parangal, ginamit ni Urbano ang katauhan ni Mr. Shooli para ipagkumpara ang Pilipinas noon at ngayon. Sa pagtatapos ng kaniyang skit, inalala ni Mr. Shooli ang mga salita ni Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula Manuel Conde na, “If you want your patient to get well, but he refuses to take the bitter pill, patawanin mo. Pagbukas ng bibig niya isubo mo ang gamot sa kaniya.” Ang mga salitang ito ang naging gabay ni Urbano sa paggawa niya ng mga patalastas, serye sa telebisyon, at pelikula.

Urbano bilang Mr. Shooli. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO                  

Si Conde, na idineklarang Pambansang Alagad ng Sining noong 2009, ay ama ni Urbano.

Nagbigay naman ng kani-kanilang mensahe ng pagbati at pagkilala sina UP Pangulo Angelo A. Jimenez, UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II, at Dekano Fernando dlC. Paragas ng CMC. Sila rin ang naggawad kay Urbano ng tropeo kasama si Professor Emeritus Nicanor G. Tiongson na siya ring tagapangulo ng Gawad Plaridel 2023.

Si Urbano ang ika-16 na indibidwal na tumanggap ng Gawad Plaridel. Walang naganap na Gawad Plaridel noong 2020 hanggang 2022 dahil sa pandemyang COVID-19. Wala ring naganap noong 2010 para sa kategoryang radyong pangkomunidad.

Bilang bahagi ng parangal kay Urbano, nagtanghal ang UP Filipiniana Dance Group at UP SAMASKOM ng dulang musikal na sumasalamin sa mga kasalukuyang kaganapan at realidad sa lipunang Pilipino.

Ginanap ang seremonya ng Gawad Plaridel 2023 noong Oktubre 11 sa Cine Adarna ng UP Film Institute Film Center.

  • Share: