Extension

Mga talento sa musika ipinamalas

Sa pangwakas na gawain ng mga kalahok sa programang Hamon ng Himig (HnH), isang konsiyerto ang idinaos sa Ignacio B. Gimenez-Kolehiyo ng Arte at Literatura Theater.

Ang HnH ay isang music tutoring program para sa pagtugtog ng gitara at pagkanta sa koro, at bukas para sa mga mag-aaral ng UP Diliman (UPD) at iba pang mga kasaping unibersidad (constituent universities / CUs) ng UP System.

Mga nag-aral ng pagkanta sa koro. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Isang programa ng UPD Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu), sa pakikipagtulungan sa UP Opisina ng Pangulo, UP Office of Student Development Services (OSDS), at UP Opisina ng Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko (Mga Gawaing Pangmag-aaral), tumagal ito ng dalawang buwan kung saan ang mga nagturo ay mga guro at kawani ng CMu at ibang CUs.

Gamit ang mga bagong kasanayan na natutunan sa HnH, nagpakitang-gilas ang mga nagsipagtapos na mag-aaral mula sa UPD, UP Baguio, UP Cebu, UP Los Baños (UPLB), UP Manila (UPM), UP Mindanao, at UP Open University.

Ilan sa kanilang mga tinugtog at inawit ay cover ng mga banyagang awitin at mga awiting bayan ng mga Cordilleran (Oy na Oy), Ilonggo (Ili Ili Tulog Anay), at Tagalog (Sitsiritsit at Tong Tong Pakitong).

Mga nag-aral ng pagtugtog ng gitara kasama ang mga tagapagturo at si Manimtim. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Itinanghal din ang mga Original Pilipino Music na Maybe the Night at Kathang Isip ng Ben&Ben, Hawak Kamay ni Yeng Constantino, Pasilyo ng SunKissed Lola, Tabing Ilog ni Barbie Almalbis, Sundo ng Imago, Liwanag sa Dilim at Umaaraw, Umuulan ng Rivermaya, at With a Smile ng Eraserheads.

Dalawang mag-aaral naman mula sa UPLB ang nagtanghal ng kanilang mga gawang awit na nilapatan ng musika ni Solaiman Jamisolamin, katuwang na propesor sa CMu at isa sa mga tagapagturo sa pagtugtog ng gitara. Tinugtog at inawit ni Eloisa Jane Patero ang likha niyang Babalik na sa Kanya na ayon sa kanya ay tinatawag niyang “redemption song. Patotoo na ang pagmamahal ng Panginoon ay tunay at ito ay laging bago bawat umaga.” Kasama ni Patero ay tinugtog at inawit naman ni Jeff Suaze ang likha niyang Midyear, isang awit tungkol sa “kinimkim na pag-ibig,” paliwanag ni Suaze.

Dahil sa matagumpay na konsiyerto, sinabi ni Nathan Neil V. Manimtim, PhD na “nagkaroon ng saysay ang aming pagtugon sa hamon upang gamitin ang himig ng gitara at awit upang mapaglingkuran ang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.”

Manimtim. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO   

Si Manimtim ay katuwang na propesor sa CMu at project leader ng HnH.

Sinabi rin niya na nakatulong ang HnH sa “pangangalaga, pagpapaunlad, at pagsulong ng ating sariling sining at kultura. Gayundin, naging daan ito sa pagpapahayag ng ating pagkakakilanlan. Nagsilbing daan ang HnH upang maipahayag ng mga mag-aaral ang kanilang mga saloobin na kung saan ay nagdulot sa pagpapabuti at pagpapagaan ng kanilang mga nararamdaman.”

“Hindi lamang isang music class ang HnH na nagtuturo ng pag-awit at paggigitara, nagsilbi rin itong wellness program at community-building activity,” ani Manimtim.

Samantala, pinasalamatan ni Direktor ng Tristan Nathaniel C. Ramos ng OSDS ang mga tagapagturo bago nila tanggapin ang kani-kanilang sertipiko ng pagkilala.

Ramos. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Nasambit niya na dahil sa pagsisikap ng mga tagapagturo, naging mapalad ang mga nagsipagtapos dahil sila ay nagkaroon ng pormal na pagsasanay sa musika, isang “solid foundation to start learning music.”

“Bukod doon ay naiisip ko ang pinagdaanan ninyo, eight weeks. Matagal. Iyong una mong marinig iyong gitara mo na nasa tono. Iyong una mong marinig ang boses mo na nagbe-blend sa iba. Iba iyon ’no. Ibang experience iyon,” dagdag ni Ramos.

Ang mga naging tagapagturo sa pagtugtog ng gitara ay sina Ricardo Juanito Balledos, Jamisolamin, Mardee Janina Alexa Mendoza, Daniel Joseph S. Morabe, at Patrick Paul Roxas. Ang mga naging tagapagturo naman sa pagkanta sa koro ay sina John Steven E. Berrosa, Adrian John D. Pulido, at Roijin Suarez.

Mga tagapagturo ng HnH kasama sina Ramos at Manimtim (una at pangalawa mula sa kaliwa). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa mensahe ni Dekana Ma. Patricia B. Silvestre ng CMu, na binasa ni Kalihim Jocelyn Guadalupe ng CMu, ipinahayag niya ang kagalakang mapaglingkuran ang mga mag-aaral ng UP.

“It has been a joy to be able to be of service, to share our music-making knowledge and training skills to the students from the different UP campuses through this music tutoring program specifically designed for beginners,” saad ni Silvestre.

Bunga ng tagumpay ng HnH, nais ng mga tagapangasiwa nito na maulit ito sa mga susunod na taon. Balak nilang samahan pa ito ng ibang aralin tulad ng pagsulat ng mga awit.

Ang HnH ay nagsimula noong Abril at nagtapos nitong Hunyo. May CUs na ang paraan ng pagtuturo ay face-to-face at may ibang CUs naman na online.