Academe

Mga susing salita: indie at delubyo

Dr. Rolando B. Tolentino

(SET. 22) —Dalawang eksperto mula sa magkaibang disiplina ang nagbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa mga salitang “indie” at “delubyo” sa seminar na inorganisa ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Agosto.

Ang seminar na “Mga Susing Salita: Pambansang Seminar sa Pagbuo ng Diskurso sa Konseptong Filipino” ay ginanap mula Agosto 24-25 at may layon na “itaguyod at palaganapin ang Wikang Filipino sa lahat ng buwan ng taon” ayon sa SWF.

Sa unang pang-umagang sesyon ng seminar noong Agosto 24, ang mga naging panauhing tagapagsalita ay sina Dr. Rolando B. Tolentino, dating dekano ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon (CMC), at Dr. Alfredo Mahar A. Lagmay, executive director ng UP Resilience Institute (UPRI) at Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards).

Si Tolentino ay propesor din sa UP Film Institute samantalang si Lagmay naman ay sa National Institute of Geological Sciences.

Tinalakay at dinalumat ni Tolentino ang salitang “indie” samantalang ibinahagi naman ni Lagmay ang gamit ng wika kontra “delubyo.”

Indie. Ang salitang “indie” ay pinaikling salita sa Ingles na independent at kadalasang ginagamit na katawagan sa mga pelikulang iba ang linya ng pagkukuwento kung saan “hindi siya masayahing kuwento. Hindi siya kuwento na sadsad ng fictional na drama. Ito ay sadsad ng katulad ng [pelikulang] ‘Pamilya Ordinaryo,’ mga dramang nagaganap sa lansangan na hindi natin nababalitaan,” ani Tolentino.

Dr. Alfredo Mahar A. Lagmay

“Pag sinabing ‘indie’ nagkakaintindihan na kung ano’ng klaseng pelikula ang panonoorin o tatalakayin natin. Kasi nga ay nagpapahiwatig na ito ng ibang mundo ng paggagawa ng pelikula,” dagdag pa niya.

Karaniwan sa mga pelikulang indie ay pinopondohan ng mas maliliit at/o independenteng pampelikulang istudyo ngunit ayon kay Tolentino, mayroon din namang mga indie na ipinapalabas, halimbawa, sa cable channels tulad ng Cinema One Originals na pinondohan ng higanteng istasyong pangtelebisyon tulad ng ABS-CBN.

Binanggit din ni Tolentino na ang mga pelikulang indie ay kadalasang hindi gaanong tinatangkilik, wala halos access ang mga manonood dito, mahirap unawain, at hindi masasaya ang mga paksa nito.

Sa usapin ng panonood, “Kailangan natin ng particular access dito sa mga pelikulang ito para matunghayan. Kailangang karerin nating pumunta sa Cultural Center of the Philippines para panoorin halimbawa itong Cinemalaya na klase ng mga pelikula,” ani Tolentino.

Maliban sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival at iba pang mga film festival na nagpapalabas ng mga pelikulang indie, sa kauna-unahang pagkakataon, ay inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang “Pista ng Pelikulang Pilipino” kung saan ang lahat ng sinehan ay eksklusibong magpapalabas ng 12 natatanging indie na pelikulang Filipino mula Agosto 16-22 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at dagdag na suporta para sa mga ganitong klase ng pelikula.

Sa usapin naman ng paksa, ayon kay Tolentino, “Hindi masasaya ang paksa ng mga pelikula kaya for most part, hindi siya Marvel superhero films na masaya at makakalimutan mo ang problema mo. Dito, maalala mo ang problema ng lipunang Filipino at kung gaano kabigat iyon kaya hindi siya masayang panoorin.”

Dr. Lourdes Baetiong

“Ang indie ay napakalakas ng currency na ginagaya na rin siya ng mainstream. May mga indie films naman na nangangarap na maging mainstream na klase ng mga pelikula” ani niya.

Dagdag pa nito, “ang commonality ng lahat ng indie ay may pagka-anti studio siya. Ibig sabihin nito, iyung klase ng kalakaran ng istudyo na kung saan ay may Joyce Bernal ka na nagdidirek ng romantic comedy o kung ano mang comedy at pagkatapos ay may star actors ka na magbibida. Kailangan ay may Star Studio actors ka rito. Iyung iskrip na ginawa mo ay dodoktorin ng isang komite ng iskrip para kung romcom ito ay may kilig factor every two minutes. Calibrated iyon kaya effective iyung mga romcom sa Pilipinas at iyon ang dominant genre hanggang ngayon dahil may kilig factor nga siya na pinIpursue sa maraming sandali sa pelikula.”

Sinabi rin ni Tolentino na matagal na ang kasaysayan ng mga pelikulang indie na aniya’y noong dekada ’50 at ’60, “pag sinasabing indie noon, ang ibig sabihin, hindi ito gawa ng mga studio tulad ng Ilang-ilang Productions, Sampaguita Films, LVN Productions na mga sikat noon. Ibig sabihin, ito ‘yung mga fly-by-night na mga produksiyon…Pero ang layon nitong lahat ay kumita hindi katulad ngayon na layon niyang maging mabigat.”

Ang mga pelikula umano noong dekada ’60 ay uso ang temang “spaghetti westerns” na kahalintulad sa mga usong pelikula noon na may temang cowboy culture, at sex. At noong 1972 ay nauso ang bomba films.

Ilan sa mga filmikong istilo ng indie, ayon kay Tolentino, ay ang pagiging neorealismo nito kung saan ipinapakita ang buhay sa isang araw; ang karakter at sitwasyon mula sa laylayan, ginagampanan ng karakter aktor; mabigat ang pasanin ng karakter (o tunay na may hugot); tracking at babad shots o parang documentary films; matagtag na kilos ng kamera; walang malinaw na tapos; poverty porn, at pang-award.

Pangulong Danilo L. Concepcion

Ikahuli, ayon kay Tolentino, ang tunguhin ng indie ay maging kabahagi ng pambansang sinema; may manonood dapat na ma-develop; magretain ng kilusang artistiko na ibig sabihin ang artistic integrity nito ay parating nandoon; manatili ang kilusang politikal, at maging bahagi ng kilusang transformatibo at hindi iyong napapanood lang sa mga film festival.

Delubyo. Samantala, tinalakay naman ni Lagmay ang paggamit ng “wika kontra delubyo” o disaster. Aniya, may dalawang klasipikasyon ang salitang ito: warning at response.

Ang warning umano ay “responsibilidad ng gobyerno. Kailangan ito ay accurate, reliable, understandable at timely.”

Ang response naman ay “kailangang matumbasan iyung warning o abiso ng gobyerno ng tamang aksiyon ng mga mamamayan sa komunidad,” ani Lagmay.

Ayon kay Lagmay ay mahalaga ang paggamit ng siyensya kontra delubyo ngunit, hindi lang siyensya o teknolohiya ang solusyon para maibsan ang mga panganib ng delubyo.

“Kailangang palitan ang ating kultura at gawing culture of safety. Dapat nakalarawan iyung kaalaman natin sa ating mga lugar, sa ating mga komunidad sa pamamagitan ng sining o wika,” ika nga ni Lagmay.

Dr. Tolentino at Dr. Lagmay

Kadalasan ay umaasa ang mga komunidad sa mga ulat o impormasyon mula sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa lagay ng panahon o kaya’y may paparating na ulan o bagyo sa bansa.

Ayon kay Lagmay, ang forecast model na gawa ng PAGASA kung saan nakalarawan ang mga ulap, ulan at kung saan tatahak ang bagyo ang ginagamit ng naturang ahensiya upang ma-warningan ang komunidad na mayroon panganib.

“Ngunit, gusto kong maintindihan natin na ang siyensya ay hindi perpekto. Walang model na naglalarawan ng ginagawa ng kalikasan one, two days in advance. At dapat iyon ay nasasabi sa taong bayan na mayroong uncertainty o limitasyon ang siyensya,” ani Lagmay.

Kanya ring binigyang-diin ang kahalagahan ng paggamit ng wika sa pagpapalaganap ng mga impormasyon tungkol sa kalamidad, ulat ng panahon at iba’t iba pang mga panganib ng delubyo upang mas epektibo itong maiparating sa taong bayan.

Sa bandang huli, umapila si Lagmay sa mga kalahok na karamihan ay mga guro ng Filipino sa unibersidad mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na tulungan ang PAGASA na gawing mas epektibo ang pagpapalaganap ng impormasyon sa taong bayan sa pamamagitan ng wika.

Bukod kay Tolentino at Lagmay, ang iba pang mga eksperto na inimbitahan bilang mga panauhing tagapagsalita sa pambansang seminar na ito ay sina Kerima Tariman-Acosta, media liaison officer ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Abner Mercado, lektyurer sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng KAL (DFPP-KAL) at reporter sa ABS-CBN News and Current Affairs; Dr. Glecy C. Atienza, propesor sa DFPP-KAL, at Dr. Percival Almoro, propesor ng UP National Institute of Physics.

Tinalakay nila ang iba pang mga tampok na susing salita—ang “bungkalan” (Tariman-Acosta), “balita” (Mercado), “ganap” (Atienza) at “balatik” (Almoro).

Nagbigay ng mensahe ang Pangulo ng UP Danilo L. Concepcion samantalang ang bating pagtanggap ay inihandog ni Dr. Lourdes Baetiong, kalihim ng Kolehiyo ng Edukasyon. Ang pambungad na pananalita naman ay ipinahayag ni Dr. Rommel B. Rodriguez, direktor ng SWF.

Noong hapon naman ng Agosto 24 ay inilunsad ang mga bagong publikasyon ng SWF. Ang mga inilunsad ay ang “Daluyan: Journal ng Wikang Filipino,” “Pag-oorganisa sa Pamayanan Tungo sa Kaunlaran na Mula sa Tao Para sa Tao” ni Dr. Angelito G. Manalili, “Bungkalan: Manwal sa Organikong Pagsasaka ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA),” at “SUSMATANON: Kwentong Pambata” ni Eduardo “Ka Edong” Sarmiento.

Si Prop. Ronel Laranjo ang naging tagapagdaloy ng palatuntunan.

Alinsunod sa temang “Wikang Filipino: Daluyan ng Pambansang Pagkakakilanlan at Pagkakaisa” ay matagumpay na naidaos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa tulong na rin ng Opisina ng Pangulo, UP System; Opisina ng Tsanselor, UP Diliman; Departamento ng Lingguwistiks ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya; Erya ng Araling Wika ng Kolehiyo ng Edukasyon; Office of Student Activities; Diliman Information Office; Diliman Gender Office; DZUP; Kolehiyo ng Musika at Center for International Studies.