Students

Mga mag-aaral, binigyang-parangal

Bilang simula ng pagdiriwang ng Linggo ng Parangal 2023, mahigit 9,000 mag-aaral at anim na samahang pangmag-aaral ng UP Diliman (UPD) ang kinilala sa Parangal sa Mag-aaral 2023 noong Hunyo 20 sa Teatro ng Unibersidad.

Disenyo ng entablado. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Sa pangunguna ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs / OVCSA), ibinalik sa on-site na paraan ang taunang parangal pagkatapos ng dalawang taong naka-online.

“Ngayong araw, kayo na ating mga mag-aaral ang nasa aming tanaw at angkop na angkop nga na binubuksan natin ang Linggo ng Parangal para sa taong ito na kayong mga estudyante ang bida,” sabi ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kaniyang pambungad na pananalita.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Ang temang Tanaw ay nakatuntong sa kakayahan ninyo, mga Iskolar ng Bayan, na mahubog ang pananaw at bisyon para sa bansa at sangkatauhan habang patuloy na sinasariwa at hindi isinasantabi ang mga karanasan. Sa lahat sa atin dito sa Unibersidad ng Pilipinas, kayo ang maaaring makinabang nang husto sa masusi at makabuluhang pagtanaw sa hinaharap nating lahat sa konteksto ng mga nangyari sa atin nitong mga nakaraang taon,” paliwanag ni Vistan.

Samahang pangmag-aaral. Binigyang-pugay ng OVCSA ang anim na samahang pangmag-aaral para sa kanilang mga proyekto at gawaing layong tumugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na kanilang pinaglingkuran, at mas mapaunlad ang mga ito.

Kinilala ang UP Volunteers for Children para sa kategoryang edukasyon at literasi, ang. UP Circuit naman para kalikasan at pangangasiwa sa panganib ng sakuna, at ang UP Kalipunan ng mga Anak ng Isabela o KAISA para sa kalusugan at isports.

Binigyang-pugay rin ang UP Chinese Student Association (sining at kultura), UP Batangan (kapayapaan at kaunlaran sa lipunan), at UP Lakan (natatanging pagkilala).

Kasama ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido na nag-abot ng plake at sertipiko si John Catindig, kinatawan ni Ignacio B. Gimenez, kung kanino ipinangalan ang parangal na Ignacio B. Gimenez Award for UP Student Organizations’ Social Innovation Projects.

University scholars. Kinilala sa palatuntunan ang 8,980 university scholar (US) para sa unang semestre ng Akademikong Taon 2022-2023.

Nagtala ng pinakamaraming US ang Kolehiyo ng Inhenyeriya (2,157), sinundan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (1,060), at Kolehiyo ng Agham (751).

Ang US ay isang mag-aaral na may general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 1.25 (graduwado) o hindi bababa sa 1.45 (di-graduwado).

Bilang kinatawan ng mga US, nagbigay ng recorded message si Hart Roel Valdesancho, isang peer mentor ng Interactive Learning Center Diliman.

Valdesancho. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Naghandog ng mga awitin ang grupong ConChords habang ipinapakita sa screen ang pangalan ng mga US.

Mga nanguna sa pagsusulit at tumanggap ng iba’t ibang parangal. Pinarangalan din ang mga nagtapos sa UPD na nanguna sa kani-kanilang bar at licensure examination, pati ang mga mag-aaral na ginawaran ng mga parangal dito at sa ibang bansa.

Ipinakita rin ang bidyong gawa ng UPD Office of International Linkages tampok ang mga mag-aaral ng UPD na nasa exchange programs sa iba’t ibang bansa.

Mga artista ng bayan. Kasamang kinilala sa palatuntunan ang 197 mga tagapagtanghal at artista ng bayan. Nasa ilalim ng UPD Visual Arts and Cultural Studies Scholarship program ang 128 mag-aaral, 63 ang nasa UPD Performing Arts Scholarship Program, at anim ang nagawaran ng UPD Creative/Critical Thesis Grant in the Arts, Culture, and Humanities (tatlo sa di-graduwado at tatlo sa graduwado).

Kampeon sa UAAP. Binigyang-pugay rin ang mga nakamit na tagumpay ng mga koponan ng UP sa katatapos na Season 85 ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP).

Sa ngalan ng mga iskolar-atleta, nagbigay ng mensahe si Rafael Luigi Lucas “Raji” Santos ng UP Men’s Football Team (MFT). Pinangunahan niya rin sa isang minutong pananahimik ang mga dumalo upang alalahanin ang buhay ni Yoro Sangare, kasapi ng MFT, na pumanaw nitong Mayo 4.

Santos. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Paalala at hamon. “Ang tanaw ng isang Iskolar ng Bayan ay parehong pribilehiyo at responsibilidad. Ito ay tanaw na nakakamit lamang sa isang edukasyong naglalayong magpalaya ng kaisipan, magpalawak ng perspektiba, at magpalalim ng dunong at danas,” panimula ni Sonido sa kanyang pangwakas na pananalita.

“Lagi at laging ialay ang utak at puso, dangal at husay sa paglilingkod sa sambayanan. Kung mananatili itong giya ng ating gawain, mga batayang prinsipyo ng ating teorya at praktika, patuloy tayong magtatagumpay,” paalala niya.

Sonido at ang ambigram ng palatuntunan. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ang nagsilbing mga tagapagpadaloy ay sina Jose Monfred C. Sy, katuwang na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at Christine Joy A. Magpayo, katuwang na propesor sa Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro.

Ang iba pang tagapagtanghal ay ang mga grupong UP Dance Company (UPDC); UP Latin Team na binubuo ng UPDC, UP Dancesport Society, at UP Filipiniana Dance Group, at itinanghal na kampeon sa UAAP Season 85 Ballroom Formation Dance Competition; at UP Streetdance Club.

Ang Parangal sa Mag-aaral 2023 ay sabay na napanood sa mga Facebook page ng UPD (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at OVCSA (https://www.facebook.com/ovcsa.upd).

  • Share: