MAR. 30—“Utang natin sa mga ilustradong Filipino ang pagtitipon at pagsusuri ng mga elemento na bumubuo ng ating kaalamang bayan,” ani Dr. Ma. Luisa T. Camagay, kilalang historyador at Professor Emeritus ng Kasaysayan sa UP Diliman
Tinalakay ni Camagay sa kanyang pananaliksik, “Kaalamang Bayan: Balon ng Kaalaman ng mga Ilustradong Filipino,” ang interes sa kaalamang bayan sa hanay ng mga iIlustradong Filipino. Aniya, ito ang naging paraan upang ipamulat sa mga Kastila na may kultura o sibilisasyon ang mga Filipino bago pa man sila dumating.
Ang mga ilustrado ay mga may pinag-aralan o edukadong Filipino. Sila ay tinawag na ilustrado sapagkat sila ang mga taong nakabatid ng kalinawan at kaliwanagan ukol sa mga ideya ng liberalismo at nasyonalismo mula sa Europa. Nakaaangat sa lipunan ang mga ilustradong Filipino noong panahon ng mga Kastila. Sila ang mga naghangad ng mas makataong pamamalakad sa politika at ekonomya ng Pilipinas.
Sila rin ang mga naglikom ng mga alamat, mito, kaugalian at mga saliksik tungkol sa mga wika sa Pilipinas.
Pagpapahalaga sa dignidad ng Filipino. Naging laganap ang etnolohiya noong ika-19 na siglo sa Europa. Ito ay isang sangay ng antropolohiya kung saan inihahambing o sinusuri ang katangian ng iba’t ibang rasa o lahi.
Bunga rin nito, ang mga ilustradong Filipino sa Europa at Pilipinas ay nagsimulang pahalagahan ang dignidad nila bilang Filipino. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng kaalamang bayan, nabigyang linaw ng mga ilustradong Filipino kung sino sila at sa kalaunan ay kung sino ang Tagalog—bansag na binigay nila sa kanilang mga sarili.
“Bunga ng pagkakabusabos sa kultura ng mga Tagalog na umiral sa pamamagitan ng stereotyping, sinikap ng mga ilustrado na ipamulat ang sibilisasyong Tagalog sa pamamagitan ng paraang siyentipiko at sa konteksto na ating mauunawaan,” wika ni Camagay.
Para sa mga ilustrado, ang kulturang Tagalog ay hindi lamang kumakatawan sa mga tao sa Katagalugan. Ito ay sinangayunan ni Gat. Andres Bonifacio nang kanyang sinabi na ang mga Tagalog ay iyong mga tao sa buong kapuluan.
“Lagi na nilang iginigiit na ang tawag sa atin ay Tagalog. Dahil dati, tinatawag tayong Indio,” saad ni Camagay.
Matapos ang paggamit ng bansag na Tagalog, nakamit din ng mga ilustrado ang minimithing matawag na Filipino.
Ipinakita ng mga ilustradong Filipino ang hindi pagsang-ayon sa paglalarawan ng mga Kastila sa mga Filipino bilang taong barbaro at salat sa anumang uri ng sibilisasyon sa pamamagitan ng paglalahathala ng mga artikulo ukol sa sariling wika, sistema ng pagsusulat at paniniwalang espiritwal, gayundin sa mga bagay na may kinalaman sa kultura bago pa man ang pananakop ng mga Kastila. Ginawa nila ito matapos ang masusing pananaliksik ng mga lumang sanggunian (old sources). Isa na rito si Gat. Jose Rizal.
“Malaki ang kontribusyon ni Rizal sa kaalamang bayan, s, ani Camagay.
Ang “La Solidaridad” o “Sol” ang pahayagan ng mga propagandista sa Europa. Ang unang isyu nito ay nalimbag noong 1889 at ang huling isyu ay noong 1895.
Si Rizal at ang kaalamang bayan. Ayon kay Camagay, “ang sistematikong pag-aaral ng kulturang Filipino ni Rizal ay nagmula noong siya ay nasa Europa at kung saan naging susi ang papel ni Ferdinand Blumentritt.”
Si Blumentritt ay isang Aleman at tanyag na Filipinologist. Naging malapit na kaibigan siya ni Rizal na naging daan upang makadaupang palad ng bayani ang iba pang mga tanyag na mananaliksik at siyentista noong panahong iyon at kalaunan ay maging miyembro ng Anthropological Society ng Berlin at Geographical Society ng Berlin.
Nagbabad din si Rizal sa British Museum noong 1888 upang kopyahin ng kamay ang obra ni Antonio Morga, ang “Sucesos de las Islas de Filipinas” (Events in the Philippine Islands) na nalimbag noong 1609.
“Sa British Museum din nagsaliksik si Rizal hinggil sa Pilipinas upang mamigay ng mga puna at pagwawasto sa obra ni Morga. niya
Ipinaliwanag ni Rizal na walang kinikilingan o hindi “biased” ang mga obserbasyon ni Morga ukol sa Pilipinas at sa mga naninirahan dito, di tulad ng mga relihiyoso na nag-ulat ukol sa Pilipinas.
Ang ambag ng “La Solidaridad.” Ayon kay Camagay, si Rizal ang naghimok kay Mariano Ponce na gamitin ang “Sol” upang ipahayag ang kulturang Tagalog at “bitbitin ng ‘Sol’ ang mga bantog na Filipino tulad nina Pelaez, Padre Burgos at Graciano Lopez Jaena. Mahalaga ang maipakita ang talino ng ating mga kababayan.”
Ang “Sol” ang naging daan upang mailimbag ang ilan sa mga artikulo ni Rizal, ang “Sobre La Nueva Ortografia de la Lengua Tagalog” (The New Ortography of the Tagalog Language). Sa “Sol” din lumabas ang “Alamat ni Mariang Sinukuan” na inilathala naman ni Jose Alejandrino.
Bukod kay Rizal, nasabi ni Camagay ang naging kontribusyon ng iba pang mga ilustrado na sumulat para sa “Sol” at nag-ambag sa pagbubukas ng kamalayang bayan tulad ni Pedro Paterno.
Ayon kay Camagay, bagama’t itinuturing na “masyadong fantastic” si Paterno, may kapupulutang kaalaman sa kanya. Si Paterno ang nagsabi na madaling natanggap ng mga Filipino ang Katolisismo dahil ito ay may mga katumbas na elemento sa katutubong kultura ng mga Filipino. Ani Paterno, ang Bathalang Maykapal ng mga katutubo ay ang Dios ng mga Kastila, ang Kaluwalhatian naman ay ang Paraiso, at ang Kasamaan ay Impyerno.
“At sabi nya (Paterno) ang relihiyon ni Bathala ay nabubuo ng dalawang bagay. Una, mahalin si Bathala ng buong lubos na sinasagisag ng salitang ‘lohaya’ at ang mahalin ang kapwa na sinasagisag ng salitang ‘sandugo,’” aniya.
Sa mga isinulat ni Paterno nalaman ang pagkakaiba ng bigat ng mga salitang tumutukoy sa pag-ibig: giliw o liyag (pag-ibig na may pagtatangi o love with fondness or affection), irog (matinding pag-ibig o intense love) at sinta (mas matinding pag-ibig very intense love). Binigyang kahulugan din ni Paterno ang salitang kaibigan at ang iba’t ibang bigat nito: katoto (kaibigan na sumasang-ayon), kabati (kaibigan na nagkabati o nakipag-ayos matapos ang away), kasundo (kaibigan na sumasang-ayon o kaisa sa damdamin at isip), kausap (kaibigan sa mabuti o masamang pag-uusap), katiwala (kaibigan na napagsasabihan ng mga lihim o sekreto), ka-a-go’o o sila-uya (lalaki o babae na kasama sa pagtataksil) at kasi (taong nakikipag-kaibigan sa taong nakikipag-kaibigan sa kanila).
Sinabi ni Camagay na maituturing na mga unang mag-aaral ng Philippine Studies ang mga ilustradong Filipino. Ang mga ito ay naibahagi ni Camagay bilang isa sa mga tagapagsalita sa Sampaksaan sa K’wentong Bayan noong Peb. 23 sa UP NISMED.