(OCT. 17)—Matagal bago binigyang pansin ang Mental Health (MH) sa Pilipinas, ayon sa porum na First Things First: Unpacking the Mental Health Law na ginanap sa Malcolm Hall Theater noong Oktubre 9.
Sinabi ni Dr. Violeta Bautista, isang clinical psychologist at direktor ng UP Psychosocial Service o PsycServ, na ang Pilipinas ang pinakahuli sa Timog Silangang Asya na nagkaroon ng Mental Health Law.
Ayon kay Bautista, hindi binibigyang-pansin ng mga Pilipino ang MH dahil sa iba’t ibang stigma na nakadikit sa pangalan nito, halimbawa, ang isang taong may bipolar syndrome ay tinatawag na topakin at ang isang taong may clinical depression naman ay sinasabing malungkot o nag-iinarte lamang.
Isa pang rason ay ang paniniwala ng mga tao na ang mental illness ay simpleng kalungkutan lamang at nagagamot ng mga simpleng bagay tulad ng pagpa-party, paglalasing, o iba pang gawain na maituturing na panandaliang saya, ani Bautista.
Kung kaya’t ‘di umano ay natatakot tuloy ang karamihan sa mga Filipino na umamin sa kanilang kondisyong pangkaisipan at magpakonsulta sa mga psychologist.
Sa pagpirma ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Republic Act 11036 o Mental Health Act of the Philippines nito lang Hunyo, inaasahang mawawala na ang stigmang nakadikit sa MH. Iyun ay dahil magkakaroon na ng sapat na kaalaman ang mga Pilipino ukol dito sapagkat magiging parte na ng mga eskwelahan ang mental health education.
Tinalakay din ni Bautista ang ilan pa sa mga probisyon ng RA 11036, nariyan ang pagkakaroon ng abot-kayang mental health care ‘di lang para sa mga taong may mental illness kundi para na rin sa lahat ng mga Pilipino. Magbibigay din ng libreng konsultasyon para sa mga indibidwal na may pinagdaraanan sa buhay nang sa gayon ay maagapan ang kanilang pinoproblema at hindi na mauwi pa sa isang mental health issue.
Naging mahaba-haba ang paglalakbay ng bill bago maging act. Una itong iminungkahi ni dating senador Orlando Mercado noong 1989 at naging bill noong 2017 at sa wakas nga ay naisabatas na ngayong taon.
Kasama ni Dr. Bautista na nagsalita sa porum ang mag-inang Maricel Laxa, isang artista at motivational speaker ,at Hannah Pangilinan, isang social media influencer; Dr. Divine Love Salvador, kapwa clinical psychologist ni Bautista sa UP Psycserv; Lea Georgia Iligan, may bipolar syndrome; at Dr Monina Garduno-Cruz, hepe ng St.Luke’s Medical Center Department of Psychiatry.
Ang porum ay parte ng Mental Health Month ng UP Diliman na may temang Beyond Emojis na tatakbo mula Oktubre 9 hanggang 25.