“Patuloy tayong dinaraya ng ningning ng kanluraning liwanag. At nakaugalian na nating tanggapin ang liwanag na ito,” pahayag ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario sa isang birtuwal na panayam noong Agosto 26.
Ang panayam na “Ang Filipino at ang Karunungang Filipino,” bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021, ay hatid ng Dibisyon ng Humanidades (Humanities Division) ng Pambansang Sanggunian sa Pananaliksik ng Pilipinas (National Research Council of the Philippines/NRCP). Ito ay naganap sa Zoom at sabay na natunghayan sa NRCP Research Pod Facebook page.
Sinimulan ni Almario ang panayam sa pagbabahagi ng tulang “Ang Ningning at ang Liwanag” ni Emilio Jacinto.
Kaniyang ipinahayag ang babala ni Jacinto na, “Hindi lahat ng liwanag ay katotohanan. May mga liwanag na magdaraya na tinawag niyang ningning. Upang mapagwari ang katotohanan, kailangan hanapin ang tunay na liwanag.”
Samantala, ipinaliwanag ni Almario na, “Kapag sinipat ang kasaysayan ng nakalathalang panitikan ng Filipinas mula noong 1593 (nang malimbag ang Doctrina Christiana) hanggang 1838 (nang lumabas ang obra maestra ni Balagtas), para itong panitikang walang katuturan.” Dagdag niya, “Siniil ang panitikang Filipino, dahil ipiniit sa mga paksang pansimbahan at makasimbahan at kung ilarawan ay mistulang panitikang bayan na paksang Kristiyanismo at Europeo ang nilalaman.”
Nagbabala rin siya na dapat mag-ingat tayo sa mapanlinlang na ningning ng wikang banyaga. Nagamit din ng mga Amerikano ang wika bilang paraan ng kolonisasyon at sila ay nagtagumpay.
Ang professor emeritus sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng UP Diliman (UPD), na nagsilbi ring tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ay nagbigay ng mga gabay sa pagtuklas at paglikha ng karunungang Filipino.
“Una, ang karunungang Filipino ay mula sa mga Filipino. Pangalawa, ang karunungang Filipino ay batay sa kasaysayan, karanasan, at pangangailangan ng mga Filipino. Panghuli, ang karunungang Filipino ay para sa mga Filipino,” aniya.
Nagbigay-tugon sa panayam sina Prop. Purificacion G. Delima, PhD, dáting komisyoner sa Ilokano ng Komisyon sa Wikang Filipino at dáting dekano sa UP Baguio, at Prop. Louie Jon A. Sánchez, PhD, katuwang na propesor ng Ingles sa Ateneo de Manila University (ADMU) at katuwang na tagapangulo ng Dibisyon ng Humanidades, NRCP.
Bahagi ng panayam ang programang “Saliksik-Panitik,” isang pagtatanghal ng mga akdang pampanitikan at pagbabahagi tungkol sa papel ng saliksik sa malikhaing pag-akda.
Ang mga nagtanghal ay sina Prop. Jose Wendell P. Capili, PhD; Prop. Sir Anril P. Tiatco, PhD; at Prop. Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr., PhD., mula sa UPD, kasama sina Prop. Michael M. Coroza, PhD (ADMU), Ralph Lorenz G. Fonte, MD (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo/LIRA), Prop. John C. Barrios, PhD (UP Visayas), at Jerry B. Gracio (ABS-CBN).
Sa kaniyang panimulang pagbati, binigyang-diin ng tagapangulo ng Dibisyon ng Humanidades, Prop. Hope S. Yu, PhD, ang kahalagahan ng panayam.
“Ang isa sa mga tuon nito, bukod sa wika at pananaliksik, ay ang malikhaing gawa bilang saliksik. Ito nawa ay maging pista ng mga puso at isipan. Hindi lang ng isip at pandama kundi pati ng dila para isulong ang makabansang tungkulin ng isang wikang pambansa,” ayon kay Yu, na mula sa University of San Carlos sa Cebu.
Sa kaniyang pambungad na pananalita, inilahad ni Prop. Gregorio E. H. del Pilar, PhD, pangulo ng NRCP at ng UPD Departamento ng Sikolohiya, na isa sa mga paksang “aking pinagtuunan ng pansin bago ako magdoktorado ay ang rebista ng mga pag-aaral na pinaghambing ang bisa ng Ingles kontra sa mga wikang Filipino bilang mga wikang panturo sa ating mga paaralan.”
“Ang edukasyon ay isa lamang sa mga larangan kung saan ang epekto ng wika ay pinag-aaralan at pinagdidiskusyunan, kasama ang mga larangan ng mass media, ekonomiya, pamahalaan at batas, literatura, at sining,” aniya.
Gumanap na tagapagpadaloy ng birtuwal na panayam si Prop. Ma Crisanta N. Flores, PhD, ng UPD DFPP.
Matutunghayan ang birtuwal na panayam sa https://www.facebook.com/nrcpresearchpod/videos/805784630094447/.