UPD idaraos ang Ika-114 na Pangkalahatang Pagtatapos
Idaraos ng UP Diliman (UPD) ang Ika-114 na Pangkalahatang Pagtatapos na may temang Lunas sa darating na Linggo, Hulyo 6, 7 n.u., sa Ampiteatro ng Unibersidad.
Ang pangkalahatang pagtatapos ay mapapanood din nang live sa UPD website (https://upd.edu.ph/lunas-ika-114-na-pangkalahatang-pagtatapos-ng-up-diliman/) at YouTube channel (https://youtube.com/live/ILNJ2uFZo8I?feature=share).
Ang temang Lunas ngayong taon ay sumasalamin sa naging kapangyarihan at kontribusyon ng kaalamang nilinang sa mga institusyong pang-akademiko ng Unibersidad, na malayang tinanggap at lumaganap sa lipunan.
Ang temang ito ay humihikayat din sa mga magsisipagtapos na isaloob ang tunay na kahulugan ng ‘unibersidad’ at palawakin ang mundo ng kaalaman. Ipinapaalala rin na “gumamit ng iba’t ibang uri ng pamamaraan ng pagkatuto na siyang magbibigay ng armas upang labanan ang mga makalumang pananaw at bulok na sistema at makapaglunsad ng makabuluhang pagbabago na mapapakinabangan ng lahat.”
Ngayong taon, ang panauhing tagapagsalita ay ang premyadong broadcast journalist na si Maria Jessica A. Soho.
Si Soho ay host ng Kapuso Mo, Jessica Soho, isa sa mga programa ng GMA Network na may pinakamataas na rating. Siya ang kauna-unahang Pilipino na ginawaran ng George Foster Peabody Award noong 1999, at muling nagkamit ng isa pang Peabody Award noong 2014.
Noong 2018, ginawaran ng UPD Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon (dating Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla) si Soho ng Gawad Plaridel, ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng Unibersidad para sa mga namumukod-tanging alagad ng midya.
Samantala, si Mark Andy Pedere ang naatasang magbigay ng mensahe bilang kinatawan ng mga magsisipagtapos. Siya ay magtatapos ng kursong Batsilyer sa Arte (Philippine Studies) mula sa UPD Kolehiyo ng Arte at Literatura, na may weighted average grade (WAG) na 1.066.
Ang summa cum laude ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng Unibersidad sa mga magsisipagtapos na may WAG na 1.20 o higit pa.
Para sa karagdagang impormasyon at mga pabatid, bisitahin lamang ang opisyal na website (www.upd.edu.ph) at social media pages (Facebook, X, and Instagram) ng UPD.