Campus

Karahasan at pag-ayon sa usaping relasyon

(MARSO 30)—Isang hapong pag-uusap ukol sa relasyon, karahasan at consent. Ito ang aktibidad na nakapaloob sa webinar na “Me and My Jowa?” ng Diliman Gender Office (DGO) na idinaos noong Marso 25, 2:30 n.h., gamit ang Zoom Conference.

Ayon kay DGO Officer-in-Charge Kristel May Gomez Magdaraog, RSW, layunin ng “Me and My Jowa?” na talakayin ang mga nabanggit na paksa sa wikang mas madaling maiintindihan ng mga kabataan at estudyante.

“Upang maisagawa ito ginamit natin ang format na talk show at nag focus tayo sa mga tanong sa ating tingin ay relevant sa kabataan at estudyante,” ani Magdaraog.

Isinaad naman ni Gio Potes ng DGO, ang tagapagdaloy ng programa, na ang webinar ay idinaos “upang mapag-usapan at magbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa usaping relasyon dahil sa dumaraming ganap sa mga kababaihan, kabataan at iba’t ibang gender issues at violation of person.”

Ilan sa mga tinalakay sa webinar ay ang konteksto at kahulugan ng consent, ang estado ng pakikipagrelasyon sa kasalukuyan, at iba’t ibang anyo o trends ng relasyon o pakikipagrelasyon.

Naibahagi ni Prop. Teresa Paula de Luna, PhD, ang Coordinator ng Office of Anti-Sexual Harassment (OASH), na marami nang mga bagong gawi sa relasyon o hindi relasyon na nagaganap.

Napag-alaman niya na sa usaping relationship (relasyon), “marami-rami na rin na walang label,” at aniya, “dito lumilitaw ang confusion kung paano nga ba ang guiding principles natin” dahil ang terminong consent ay “nakaangkla sa prescriptive guidance na kung ano ang dapat at kung ano ang hindi dapat.”

Naibahagi rin niya ang tungkol sa “five seconds walang malisya,” na laganap ngayon.

Ayon kay De Luna ang “five seconds walang malisya” ay hindi isang relasyon o relationship ngunit isa itong “performance ng pagkagusto.”

Kanyang ipinaliwanag: “Minsan hindi mo gusto pero may grupo na magi-enganyo sa iyo to do that kapag hindi mo gawin ay KJ (kill joy) ka, iyon ang pwede mong maisip. Itong five seconds walang malisya kahit na naandoon nakapaloob ang paghingi ng consent na, ‘Uy. five seconds walang malisya!’ the act itself is removing a certain act of reason and deliberation for you. So ito wala ka ng reason and deliberation sa sarili mo whether may consent ka ba o hindi.”

Dagdag pa ni De Luna, nagkakaroon ng mga pangyayari na nauuwi sa opresyon dahil sa mga dumarami at lumalawak na espasyo ng pagpapahayag ng sarili (self-expression).

“Bakit nagkakaroon ng mga pangyayari that result to oppression? Hindi tama ang oppression. Hindi naman natin gusto pagbawalan ang lahat ng tao. Nangyayari sa sitwasyon ngayon sa ating lipunan ay ang (pagkakaroon) ng iba’t ibang espasyo. Lumalawak at dumarami ang mga espasyo of expressing ourselves, but in the process of expressing ourselves, perhaps we maybe oppressing others. And one expression we can look into is in the context of relationship,” saad ni De Luna.

Sa tanong na “Paano ba maiintindihan ang consent sa konteksto ng pakikipagrelasyon?” Sa paliwanag ni De Luna sa at ang perspektibo ng OASH sa usapin ng consent sa relasyon, ang consent ay isang agreement o pagsang-ayon ng magkabilang kampo o party sa kanilang gagawin.

Dagdag na paliwanag ni De Luna, “Ang issue ng consent ay ang bawat tao o ang bawat participant in that consent ay meron s’yang kamalayan na maaari syang magkaroon ng reason and deliberation. So iyong desisyon kung mag-i-engage ka doon sa gawain na iyon na hinihingian ng consent ay base ito sa reason and deliberation, walang coercion o walang force na ginagamit.”

Idinagdag din niya na ang consent ay maaaring episodic.

“Halimbawa ay sa sexual intercourse pero wala namang ebidensya ng rape. Napakahirap noon. Ang konteksto ng consent (ay) tinitingnan din sa konteksto ng relationship. (Pwedeng sabihin) ‘We do this all the time. Wala naman kami pinipirmahang kontrata everytime we did that, pero bakit ngayon sinasampahan n’ya ako ng kaso?’ Episodic din sya. Hindi ibig sabihin na nag-consent ka before in a sexual intercourse with someone in a relationship or walang relationship or walang label na ‘relationship,’ hindi ibig sabihin na may consent ka sa mga susunod na pagkakataon,” paliwanag ni De Luna.

Sabi pa niya, “Nagkakaroon ng problema kung mayroong mga mixed signals. Maaaring ang isa ay nagpakita ng aksyon na hindi verbal at ang tingin ng kabila ay it’s a positive parang yes s’ya pero ang tingin ng kabila ay hindi.”

Iginiit naman ni Amber Quiban, Director for Advocacy and Campaigns ng Philippine Anti Discrimination Alliance of Youth Leaders na ang consent ay dapat “informed” at “from point to point,” na bago gawin ang isang bagay, kailangan na maliwanag ang kung ano ang pwede at hindi pwedeng gawin.

“Ang consent kailangan informed consent siya kailangan malinaw ang pag-uusap ninyo dito, klaro at nag-aagree ‘yung verbal at nonverbal cues na pinaparating natin. The reason why maraming bata ang nati-take advantage regarding their consent is because hindi sila ganoon ka informed doon sa mga bagay na ino-oohan nila.” ani Quiban.

Kanyang inihalimbawa ang consent na point to point sa usaping sex, “For example, pwede kayong mag-sex except kung fertile ang babae. Pero on the days na fertile s’ya at nag-insist ka, wala na ang consent doon. Pumapayag makipag-sex sa iyo on certain conditions.”

Dagdag halimbawa niya ang paggamit ng condom. “Pwede lang kayong mag sex kapag may condom. The moment na tinanggal mo ang condom, hindi na kayo pwedeng mag-sex,” aniya.

Ayon naman kay Ma. Patricia “Tish” Vito Cruz de Vera, DGO Emergency Crisis Counselor, ang diksyonaryong depinisyon ng consent ay “permission for something to happen or agreement to do something. Meron dapat mutual na pagsang-ayon na nagaganap.”

“Sa isang pag-iibigan, binibigyan ba natin ng pagsang-ayon na tayo ay abusuhin, pisikal, emosyonal, sikolohikal o economic? Sa ngalan ng pag-ibig? Sa aking palagay, hindi. Kapag tayo ay nakaranas sa loob ng pag-iibigan o sa loob ng relasyon ng ganoong klase ng violation, violation iyon sa consent natin sa pinagkaisahang boundaries,” ani De Vera.

Tinalakay rin sa webinar ang mga estado ng pakikipagrelasyon sa kasalukuyan.

“Ang daming recent trends on relationships na sinusubukan natin na i-normalize in an attempt to shatter the traditional beliefs on relationships. Andyan iyong dati kapag babae ang nag-first move sinisimangutan siya. Now there are women doing the first move, kasi wala naman masama kung babae iyong unang mag-move di ba? Napaka empowering niya bilang babae [na] ina-assert mo ang sarili mo na gusto mo ang ganitong klaseng relasyon. Meron ding rise ng polyamorous relationships so hindi na lang s’ya monogamous, hindi na lang s’ya between two individuals but rather pwede na ngayon ang tatlo so meron na ngayon na tinatawag na trouples, at open relationship setups na mas nano-normalize nowadays,” ani Quiban.

Ilan lamang ang mga ito sa nabanggit at tinalakay sa webinar na nagtampok din kina Jo Enrica “Jean” Enriquez, Executive Director ng Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific at Catherine Jane Basallote, Chairperson ng Gabriela Youth UP Diliman, bilang mga tagapagsalita kasama nina De Luna, De Vera at Quiban.

Ang “Me and My Jowa?” ay isa sa apat na tampok na aktibidad para sa Marso at bahagi ng temang Defend UP “na manindigan sa lahat ng anyo ng karahasan sa kababaihan, pamantasan at bayan.”

  • Share:
Tags: