Students

Ituloy ang tradisyon ng Kulê

“Ngayong taon, igigiit ng Kulê ang paninindigan nitong ipagpatuloy ang radikal na tradisyon ng pamamahayag sapagkat ito ang dahilan kung bakit tayo naririto,” ayon kay Rona Pizarro, ang bagong punong patnugot ng Philippine Collegian (Kulê) para sa Akademikong Taon (AT) 2023-2024.

(Mula kaliwa) Si Vistan at ang bagong patnugutan ng Kulê. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ipinahayag ito ni Pizarro sa ginanap na seremonya ng pagtatalaga at panunumpa ng bagong patnugutan ng Kulê noong Agosto 1 sa Bulwagang Alcantara, Student Union Building.

Kasama ni Pizarro sa papasók na bagong patnugutan (editorial board) sina Gretle C. Mago (kawaksing patnugot), Sean Marcus Ingalla (tagapamahalang patnugot), Frenzel Julianne Cleofe (business manager), Daniel Sebastianne B. Daiz (patnugot ng mga balita), at Venus Samonte (layout editor). Sina Daiz, Mago, at Samonte ay kasapi ng papalabas na patnugutan para sa AT 2022-2023.

“Sa panahon ng disimpormasyon at patuloy na pag-atake, lalo na sa mga karapatan ng mga estudyante’t mamamahayag, hindi na lamang simpleng tagapagtala’t tagapag-ulat ng mga pangyayari ang pahayagan. Bagkus, aktibo itong kikilos at sasama sa mga kampanya at laban ng mamamayan,” dagdag ni Pizarro.

Pizarro. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Aniya, sisikapin din ng bagong patnugutan na ibalik sa lingguhang operasyon ng pagpapalabas ang Kulê.

Pagsisiguro ito ng ating presensya sa mga pisikal na espasyo. Pagsisiguro ito na ang dyaryong bitbit ng mga mambabasa ay lagi’t laging nagpapatambol ng mga isyung kasalukuyang dumadaluyong sa lipunan–-ito ang dyaryo ng Kulê,” aniya.

Sa nasabing seremonya, binigyang-parangal din ang papalabas na patnugutan sa pangunguna ni Daiz bilang punong patnugot. Kasama niya sina Mago (kawaksing patnugot), Venus Janelle G. Samonte (tagapamahalang patnugot), Frenzel Julienne P. Cleofe (business manager), at Polynne E. Dira (features editor).

Daiz. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Daiz ang naging layunin ng kaniyang patnugutan na pasiglahin muli ang kalagayan ng Kulê.

“When we started this editorial term 10 months ago, we embarked on a mission to restamp the Collegian’s relevance in university life. We charted that goal, bearing in mind that we must regain lost ground during the two years of physical separation brought by the COVID-19 pandemic. Kulê used to be a household name for every UP student, and we wanted that back,” ani Daiz. Ang grupo ni Daiz ang nanguna sa Kulê sa ika-100 taon nito mula nang maitatag.

“To be in the Collegian is to assume a position of national significance as it is the paper of record of student history in our country. To be its editor-in-chief is to continue the tradition of honor and excellence across changing contexts and audiences,” habilin ni Fernando dlC. Paragas, PhD sa ipinadala niyang recorded video message para sa bagong patnugutan.

Si Paragas ay dekano ng UPD Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication / CMC) at namuno sa komiteng pumili ng mga kasapi ng bagong patnugutan. Kasama niya rito sina Danilo Arao, kawaksing propesor sa CMC, at Lisa Ito-Tapang, katuwang na propesor sa Kolehiyo ng Sining Biswal.

Ang mga kasapi ng papalabas at papasók na patnugutan ng Kulê. Larawang kuha ni Sabine Gochuico (intern), UPDIO

Samantala, ipinaalala ni Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang kahalagahan ng pagiging kasapi ng Kulê at ang mga kaakibat nitong mga responsibilidad.

“Ang news, fleeting iyan. Meaning mapapalitan iyan agad ng ibang news. But then your actions and what you say would have repercussions that will not be fleeting,” pahayag ni Vistan.

Kaniya ring idinagdag na, “Truth is sometimes described as inconvenient to a certain extent. Pero sa totoo lang, that is the most convenient course of action. Hindi mo na ito babawiin. Hindi mo na ito kailangang pagtakpan. Just stick with the truth. And that’s the simplest, most, as I’ve said, convenient course of action if you are presented with choices that are difficult.”

Sa kaniyang pagwawakas, ipinaalala ni Vistan na hindi na menor de edad ang mga nasa Kulê at may mga pananagutan na sila sa lipunan.

“And I think that makes your role as Collegian writers, members of the editorial board, or student-leaders, more consequential. Because you are full-fledged, legally capacitated members of society, hindi puwedeng sabihin na estudyante lang iyan. You’re adults; what you say matters,” ani Vistan.

Dumalo rin sa seremonya sina Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Jerwin F. Agpaoa, mga dekano ng iba’t ibang kolehiyo, at mga opisyal sa ilalim ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral.

Ang patnugutan ng Kulê (AT 2023-2024). Imaheng mula sa Philippine Collegian Facebook page

  • Share: