Students

Husay ng mga mag-aaral, pinarangalan

Mahigit 7,000 mag-aaral at anim na samahang mag-aaral ng UP Diliman (UPD) ang kinilala sa Parangal sa Mag-aaral 2024 (PSM 2024).

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Parangal 2024 sa UPD, ang PSM 2024 ay inorganisa ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs / OVCSA).

“Ipinagdiriwang natin ngayon ang inyong mga tagumpay at ambag na nagpapatibay at sumasalamin sa paglagô ng ating unibersidad. Ang inyong dedikasyon, sipag, at pagiging makatao ay patuloy na nagpapayaman sa buhay ng mga miyembro ng ating komunidad at ng ating bansa,” pahayag ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kaniyang pambungad na pananalita.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO              

Ginawaran ng Ignacio B. Gimenez Award for UP Student Organizations’ Social Innovation Projects ang anim na samahang mag-aaral para sa kanilang mga proyektong layong paunlarin ang buhay ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.

Para sa kategoryang kultura at mga sining, kinilala ang UP Katilingban Sang Nakatundang Kabisayaan para sa kanilang proyektong Baba-laybay: Paghatag Tingog sa Binalaybay. Para naman sa kategoryang education and literacy, pinarangalan ang UP Society of Geodetic Engineering Majors para sa kanilang Project MAPAlayag, at ang UP Portia Sorority para sa kanilang Portia Library 2023.

Kinilala naman sa kategoryang health, sports, and wellness ang UP Phi Delta Alpha Sorority para sa kanilang proyektong ALPAS. Pinarangalan sa kategoryang peace building and social development ang UP Junior Music Educators’ Guild para sa proyektong Saliw Bulilit: Isang Koleksiyon ng Mga Makabagong Awiting Pambata at ang UP Katilingban sa mga Anak Mindanao para sa proyektong Panday Kalinaw 2023: A Mindanao Situationer.

Kasama nina Vistan at Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Jerwin F. Agpaoa na nag-abot ng sertipiko at salaping gantimpala si John Catindig, kinatawan ni Ignacio B. Gimenez.

Habang nagtatanghal ang UP Streetdance Club, kinilala ang mga samahang pangmag-aaral na nagkamit ng gantimpala sa labas ng Unibersidad.

Kinilala sa PSM 2024 ang 7,218 university scholars (US) para sa ikalawang semestre ng Akademikong Taon (AT) 2022-2023 hanggang unang semestre ng AT 2023-2024. Ang US ay isang mag-aaral na may general weighted average na hindi bababa sa 1.25 (graduwado) o hindi bababa sa 1.45 (di-graduwado).

Nagtala ng pinakamaraming US ang Kolehiyo ng Inhenyeriya (1,249), sinundan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (1,003), at Kolehiyo ng Agham (456).

Nagbigay ng mensahe si Maria Elizabeth Rubio, Bachelor of Secondary Education, bilang kinatawan ng mga US.

Rubio. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Nagtanghal si Amiel Sol, alumnus ng UPD at isang indie folk singer-songwriter, habang ipinapakita sa screen ang pangalan ng mga US.

Binigyang-pugay din ang 214 na mag-aaral na nagwagi sa iba’t ibang patimpalak sa loob at labas ng bansa.

Kasabay ng pagbibigay-pugay ay ang pagtatanghal ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Musika na sina Kier Manimtim (clarinet) at Marlee Mendoza (classical guitar).

Nagbigay ng kani-kanilang mensahe bilang mga kinatawan ng mga nanalo sa mga akademikong patimpalak at mga sports competition sina Carl Bryan Valdez (BS interior design) at Quendy Fernandez (BS electrical engineering).

Valdez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Fernandez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Kinilala ang 28 mag-aaral na nagsilbing boluntaryong tutor sa Diliman Learning Resource Center, kasama ang mahigit 50 mag-aaral na naging bahagi ng international exchange student program ng UPD.

Nagbigay ng mensahe si Benedick Feliciano (BS chemical engineering) bilang kinatawan ng mga boluntaryong tutor, at si Jerome Justin Salazar (BA Philippine studies), bilang kinatawan ng mga exchange student.

Feliciano. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa saliw ng banda ng mga mag-aaral ng UPD na Hotdog Chili Peppers ay ipinakita ang pangalan ng mga boluntaryong tutor at isang video compilation ng exchange students na ginawa ng Office of International Linkages-Diliman.

Binigyang-parangal ang 26 na alumni ng UPD na naging bahagi ng top 10 ng kani-kanilang mga licensure examination.

Nagbigay ng kaniyang mensahe bilang kinatawan ng mga topnotcher si Patricia Marie Imperial, nagtapos ng BS social work at ang nagkamit ng unang puwesto sa Social Worker Licensure Examination noong Setyembre 2023.

Imperial. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa saliw ng kantang handog ni JM Yosures, nagtapos ng BS industrial engineering, ipinakita ang mga nanguna sa kani-kanilang mga licensure examination at ang mga iskolar sa ilalim ng mga programa ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining.

Kasamang kinilala sa PSM 2024 ang 179 na mga artista at tagapagtanghal ng bayan. Nasa ilalim ng UPD Visual Arts and Cultural Studies Scholarship Program (VACSSP) ang 148 mag-aaral, 22 ang nasa UPD Performing Arts Scholarship Program, at siyam ang nagawaran ng UPD Creative/Critical Thesis Grant in the Arts, Culture, and Humanities (CCTGACH).

Mga grupong ginawaran ng Honorific Award for Student Performing Arts Group kasama sina Vistan (ikapito mula sa kaliwa) at Direktor Monica Fides Amada W. Santos ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (ikawalo mula sa kaliwa). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Iginawad ang UPD Honorific Award for Student Performing Arts Group (Cycle 3 2023-2026) sa UP Concert Chorus, UP Kontemporaryong Gamelan Pilipino, UP Repertory Company, UP Singing Ambassadors, at UP Tugtugang Musika Asyatika.

Ang kumatawan sa mga artista ng bayan ay si Tannah Noelle S. Dela Cruz (BA fine arts).

Dela Cruz. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa pagtatapos ng palatuntunan ay ibinahagi ni Agpaoa ang mga naging pagbabago sa PSM sa pagdaan ng panahon.

“Lumalago rin ang pagbibigay-pugay natin sa ating mga estudyanteng pinararangalan. Dati ay nakatatanggap lamang sila ng mga dummy certificate. At habang pumupunta sa entablado at kine-claim ang kani-kanilang mga sertipiko mula sa kani-kanilang mga college secretary. Simula noong 2018, minarapat naming magbigay ng tokens of appreciation sa kanila. Ilan sa mga ito ay ang USB cards, pins, notebooks, at tumblers,” ani Agpaoa.

Agpaoa. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang mga tagapagpadaloy ng PSM 2024 ay sina Marvin Ray D. Olaes, kawaksing dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura at Aeia Pamela V. Rubi, mag-aaral sa UPD Departamento ng mga Wikang Europeo.

Ang PSM 2024 ay ginanap noong Hunyo 18 sa Teatro ng Unibersidad. Ito ay ipinalabas din nang live sa mga Facebook page ng UPD at OVCSA.

  • Share: