Campus

Gawing magkatuwang ang dunong at pagbabago

Isang hamon ang iniwan na mensahe ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo para sa mga bumubuo ng UP Diliman (UPD) sa katatapos lamang na Gawad Tsanselor 2021 na ginanap noong Hunyo 25, 6 n.g. sa UP Lagoon.

Ang Gawad Tsanselor ang tampok na bahagi ng Linggo ng Parangal, ang taunang isang linggong pagkilala ng kagalingan ng mga indibidwal, organisasyon at programa ng UPD.

Ani Nemenzo, “Ang tungkulin natin bilang mga akademiko at iskolar ng UP ay hindi nagtatapos ng pag-aalay ng talino para sa ating pamantasan.  Hindi sapat ang pagpapakadalubhasa.  Ang hamon sa ating lahat ay gawing magkatuwang ang dunong at pagbabago.”

“Mahalaga ang pagsusulong ng kaalaman, pero aanhin mo ang kaalaman kung hindi naman ito makapag ambag sa lipunan?  Aanhin mo ang karunungan kung matatamasa lang ito ng iilan dahil sa laganap na kahirapan?  Kung nais nating bigyang buhay at kabuluhan ang Gawad Tsanselor na ito, lagi nating isama sa ating mithiin ang nakararami nating kababayan dahil ang kapalaran ng ating pamantasan ay kaugnay ng kinabukasan ng ating bayan,” dagdag pa ni Tsanselor.

Ani ng Tsanselor ang Unibersidad ay isang moog na pinanday ng panahon na nakasalalay ang tibay sa mga haligi nito: ang mga guro, mananaliksik, mag-aaral, kawani at mga organisasyong bahagi ng komunidad ng UPD.

“Kayo ang nagpapatatag sa moog ng ating pamantasan. Kaya naman marapat lang na kayo ay bigyan ng isang linggong parangal.  Sa mga nakalipas na araw, napatunayan natin na mayaman ang UPD sa mga huwaran ng katapatan, husay at katatagan,” aniya.  “Sa gitna ng pandemya, natuto tayong magpakatatag bilang isang komunidad. Naghanap ng mga solusyon natuto ng mga bagong paraan ng pagtuturo nakipag-ugnayan at hinarap ang bawat pagsubok.  Ipinaglayo man tayo ng pandemya, nagawa pa rin nating magmalasakit sa isa’t isa.”

Sa taong ito, kinilala ng Gawad Tsanselor ang 14 na indibidwal, isang programang pang-ekstensiyon at isang organisasyon.  Ang mga indibidwal na pinarangalan ay binubuo ng limang miyembro ng fakulti, tatlong REPS, dalawang administratibong kawani at apat na mag-aaral.  Kinilala sila sa kanilang husay at pagiging matatag sa kabila ng kinakaharap na krisis at mga hamon ng panahon.

Para sa Natatanging Lingkod Komunidad, pinarangalan sina Prop. Lorelei R. Vinluan, PhD, ng Kolehiyo ng Edukasyon (CEd), at UPD COVID-19 RESPONSE VOLUNTEERS ng All UP Academic Employees Union at All UP Workers Alliance.

Ang Gawad Tsanselor Natatanging Lingkod Komunidad ay pagkilala ng UPD sa mga indibidwal, pangkat o organisasyon sa komunidad ng unibersidad na nagpamalas ng mataas na uri ng paglilingkod, na nagdulot ng pang-matagalang pagbabago sa pamayanan ng UPD sa pamamagitan ng malikhain at natatanging pamamaraan.

Nakamit naman ng Community Partnership Between the University of the Philippines and Small-Scale Mining Communities Community-LED Integrated Non-Mercury Non-Cyanide Gold Extraction Method (CLINN-GEM) Technology for People’s Empowerment and Participation ng Kolehiyo ng Inhenyeriya (COE) at Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (CSWCD) ang karangalang Natatanging Programang Pang-Ekstensiyon.

Ang Natatanging Programang Pang-Ekstensiyon ay ipinagkakaloob sa programang nagpamalas ng mahalagang ambag sa matagumpay na pagsasakatuparan ng adhikain at misyon ukol sa serbisyo publikong itinataguyod ng UPD.

Pinarangalan bilang Natatanging Mag-aaral sina Jaira Mathena Baetiong Angeles (COE), Ricardo Juanito Balledos (Kolehiyo ng Musika), Eustaquio Adoptante Barbin III (Kolehiyo ng Arte at Literatura/CAL) at Anna Lourdes Rigos Cruz (CEd).

Kinilala ang mga mag-aaral sa kanilang paglikha ng bagong kaalaman na ambag sa pamantasan at sa hinaharap ng bansa sa kabuuan.

Ang Natatanging Kawani ay nakamit nina Jaime H. Marquina ng UPD Police at Laurence Edward T. Macatangay ng Kolehiyo ng Agham (CS).

Ang Natatanging Kawani ay ipinagkakaloob sa mga kawani na huwaran ng kabutihan, kababaan ng loob at paggawa ng walang bahid ng katiwalian.  Sila ay nagpamalas ng paglilingkod na lampas sa inaasahan, at kinakitaan ng husay, malasakit at katapatan, at sabik sa mga bagong kaalaman magpapaunlad sa kanilang kasanayan.

Ang mga REPS na hinirang bilang Natatanging REPS ay sina Janus Isaac Nolasco (Sentro sa Araling Asyano), Joanna Rose Laddaran (Linangan ng Maliliit na Industriya) at Sharon Maria S. Esposo-Betan (Aklatan ng Unibersidad).  Ito ang ikatlong pagkakataon na hinirang si Esposo-Betan bilang Natatanging REPS.

Ang Natatanging REPS ay iginagawad sa mga REPS na nag-ambag sa pagyabong at paglabay ng unibersidad.  Sila ang sabik na tumutuklas at lumilikha ng mga bagong kaalaman upang mapaunlad ang kanilang pinagkakadalubhasaan.  Ito ang nagiging paraan sa makabago at nakapagpapabagong pananaliksik at simula, na nagsisilbing ambag tungo sa pagpapaunlad ng pamantasan at ng sambayanan.

Iginawad naman kay Prop. Jem R. Javier ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP) ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino.

Ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino ay isang pagkilala sa manananaliksik na mahusay at buong inam na ginagamit ang pambansang wika upang ibahagi sa higit na nakararami sa bansa ang mga kaalaman mula sa espelisasyon at disiplinang kinabibilangan. Ang parangal ay nagbibigay – daan upang payabungin din ang larangan habang masidhing itinataguyod ang paggamit ng Filipino bilang wika ng akademikong diskurso at bilang kasangkapan din sa pananaliksik.

Tatlong guro na nagpamalas ng angking kahusayan at kapita-pitagang dedikasyon ang hinirang bilang Natatanging Guro ng Gawad Tsanselor 2021: Prop. Jose Maria L. Escaner IV, PhD, (CS), Prop. John Andrew G. Evangelista (CSSP) at Prop. Sir Anril P. Tiatco, PhD (CAL).

Ang Natatanging Guro ay ipinagkakaloob sa gurong nagpamalas ng angking kahusayan at dedikasyon sa iba’t ibang aspeto ng paglilingkod sa unibersidad at sa bayan.  Sila ay pamantayan ng kasipagan sa pagtuturo at pagbabahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral at nakababatang guro, at inspirasyon upang higit pang mapagbuti ang disiplina at espelisasyon.  Bukod dito, itinuturing silang huwaran ng kanilang mga estudyante upang matagumpay na matapos ang lakbaying sinimulan sa unibersidad.  Dagdag dito ang kagalingan nila sa pananaliksik at ang buong husay nilang paglilingkod sa loob at labas ng unibersidad sa pamamagitan ng pagsisilbi bilang administrador at pakikisangkot sa serbisyong publiko.

Sa kanyang pangwakas na pananalita, pinasalamatan ni Prop. Ma. Theresa T. Payongayong, PhD, ang Bise Tsanselor sa mga Gawaing Akademiko, ang lahat ng mga naging kabahagi ng Linggo ng Parangal, na ika nga niya ay isang hindi madaling gawain lalo na sa panahong may iniinda ang bayan.

“Hindi po biro ang magsagawa ng apat na programa sa loob ng isang linggo at lalo na sa panahong may iniinda ang bayan.  Subalit, naging matimbang ang pagkilala sa mga mag-aaral, kawani, guro at organisasyong nagsilbing moog ng pamantasan upang patuloy na makapag lingkod,” ani ng Bise Tsanselor.

Kanya ring binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng Unibersidad at ng mga tao at pangkat na bumubuo rito sa mga adhikaing nasimulan na.

“Sabi nga sa paliwanag ng Komite, ‘Bilang isang akademikong institusyon at komunidad ang UPD ay maihahalintulad sa isang moog na paulit-ulit mang sinubok ng panahon ay nananatiling matatag na nakatindig.  Ang 493 hektaryang kampus ang naging linangan ng dangal at husay, lunsaran ng mga ideya at adbokasiya at mayamang balon ng mga pananaliksik at likhang sining. Hanggang sa kasalukuyan, habang sinusubok ng pandemya ang buong daigdig, hindi nagpapatinag ang UPD.  Kaakibat ito sa pagtuklas ng lunas, bolunterismo at pagkalat ng tamang impormasyon at pagiging mapanuri at mapagmatyag sa naghahangad na makinabang.’  Sa hamong ito nananatiling matatag na haligi at makabayang sandigan ang UPD sa tulong ng ating mga kinilalang mag-aaral, kawani, guro at organisasyon sa Linggo ng Parangal,” ani Payongayong.

Kanya ring pinasalamatan ang mga grupo at mga tao sa likod ng bawat produksyon.

“Hindi rin matatawaran ang husay at dedikasyon ng mga taong nasa likod ng mga programang nasaksihan natin sa buong linggong ito.  Para sa akin kasama sila sa nararapat na kilalanin at parangalan,” aniya.

Inaalala rin sa palatuntunan ng Gawad Tsanselor ang mga guro at mga kawani na namayapa na, na ayon kay Prop. Raquel B. Florendo, PhD, Bise Tsanselor para sa Pagpaplano at Pagpapaunlad, ang “kanilang kahusayan, pagpupursige at pagtataguyod ng makabuluhang pamumuhay bilang bahagi ng ating komunidad sa UPD ay hindi kailanman mawawaglit sa ating mga gunita.”

Kasama rin sa palatuntunan sina Prop. Adeline A. Pacia, MTM, Bise Tsanselor para sa Administrasyon, Prop. Gonzalo A. Campoamor, PhD, Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Prop. Louise Jashil R. Sonido, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral, at Prop. Aleli B. Bawagan, PhD, Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad.

Nagbigay din ng mga natatanging bilang sina Poppert Bernadas, Jenny and Jeff Guitar Duo, Missy Maramara, RJ Balledos, Victor Maguad at Antonio R. Maigue.  Samantala, si Marynor Madamesila naman ang siyang nanguna sa pag-awit ng Lupang Hinirang at UP Naming Mahal.

 

View photo gallery

 

 

 

  • Share:
Tags: