Isang eksibisyong nagbabalik-tanaw sa 75 taong pamamalagi ng UP sa Diliman at sa mga pagbabago ng Unibersidad sa UP Diliman (UPD) ang pormal na pinasinayaan kamakailan.
Ginugunita rin ng eksibisyong UGNAYAN: Mga Kuwento ng Talában sa Pamayanang UP Diliman (Ugnayan) ang paglipat ng UP Oblation mula sa kampus ng Ermita patungong Diliman.
“Matutunghayan natin sa eksibit na ito ang mga pinagdaanan ng ating unibersidad para marating natin ang kasalukuyan nitong anyo. Hindi maipagkakaila ang ating mga naging tagumpay, ngunit dapat ding maiukit sa alaala ang mga pinagdaanang sagupaan, pasakit, at pagpupunyagi, na sana ay maglatag ng daan tungo sa patuloy na paglago ng ating pamantasan,” saad ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kaniyang mensahe.
Ayon naman kay Bulwagan ng Dangal (BnD) Curator Mark Louie L. Lugue, ang Ugnayan ay pagsusuri ng kasaysayan at pamumuhay ng pamayanan ng UPD na nakatuon sa mga ugnayan o relasyon ng mga indibidwal at mga grupo sa loob at labas nito. Si Lugue rin ang curator ng Ugnayan.
Tatlong lugar ang itinalagang lokasyon ng eksibisyon—lobby ng Bulwagang Palma, UPD Academic Oval, at lobby ng Bulwagang Benitez. Ayon kay Lugue, matatanaw sa tatlong lokasyon ang mga puno ng acacia na halos kasing tanda ng panunuluyan ng pamayanan ng UPD.
“Makikita sa mga punong ito ang pagsasanga-sanga, na maaaring simbolismo ng ating pagkakaiba-iba bilang tao. Ngunit sa ating punto de bista, habang tinitingnan ang mga punong ito, makikita na tila nagkakahabi-habi ang mga sanga nito,” saad ni Lugue.
Ang Ugnayan ay proyekto ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining at ng BnD.
Ang proyekto na inilunsad noong Marso 12 sa lobby ng Bulwagang Palma, ay matutunghayan hanggang Marso 22. Ito ay bahagi ng UPD Arts and Culture Festival 2024 na may temang Pamamalagi at Pamamahagi.