Academe

Bagumbayan: lugar ng pinagbigkis na mga hangarin

Sa pagbubukas ng kumperensiyang “Bagumbayan: Stories of Place and Identity,” (BAGUMBAYAN) inilahad ni Prop. Maria Bernadette L. Abrera, PhD, dekana ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (College of Social Sciences and Philosophy/CSSP), na ang Bagumbayan ay simbolo ng pinagbigkis na mga hangarin at layunin ng bayan na mabigyan identidad o pagkakakilanlan ang mga Pilipino.

Ayon sa dekana at propesor ng kasaysayan, ang kumperensiyang gumugunita sa kamatayan ng tatlong paring sekular na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (GomBurZa) noong Pebrero 17, 1872, ay nakatuon sa Bagumbayan, ang espasyong nakilala bilang lugar ng kamatayan ng tatlong pari.

Abrera. Screenshot ng kumperensiya

Ang kamatayan ng GomBurZa “ang naging mitsa sa pagsibol ng kamalayan ng taong-bayan hinggil sa pinagsamang karanasan at binigkis na layunin ng bayan. Iyon ang karanasan ng kawalan ng kapantayan at katarungan. Kung kaya, ang hangarin [ng taong-bayan] ay walang iba kundi ang kapantayan at katarungan ng lahat ng tao,” ayon kay Abrera.

Bukod dito, ninais din nilang “makilala ang sariling halaga, mabigyan ng nararapat, at maitanghal ang kakayahan at sariling talino. Kinalaunan, mauunawaan nila na ang gayong kalagayan ay makakamit lamang sa loob ng kalayaan, at Bagumbayan ang lugar kung saan nabigkis ang ganoong mga karanasan at hangarin,” aniya. 

Dagdag kaalaman din ang inilahad ni Abrera kung saan nagmula o isinilang ang mga pari. Si Gomez ay ipinanganak sa Sta. Cruz, Maynila; si Burgos sa Vigan, Ilocos Sur; at si Zamora sa Pandacan, Maynila. Ang tatlo ay pinagbigkis ng lugar ng kanilang kamatayan, ang Bagumbayan.

Kinalaunan, ang lugar ay muling nakilala bilang lugar kung saan binaril si Jose Rizal.

Maaalala ngayon ang espasyo bilang lugar ng mga bayani at ng pambansang hangarin.

“This conference takes off from that thrust that an event or a person is vested with the distinction and consequence by the popular mind so that it becomes the identity of the place. That geographical space which is physical and material then becomes a cultural, symbolic, and intangible territory that occupies the memory and the imagination because of the event and its meaning,” saad ni Abrera.

Mga tagapagsalita sa unang panel. Screenshot ng kumperensiya

Dagdag niya, “The stories render those memories alive and pass on a legacy of identity so that even as one can be uprooted from a place, that intangible space remains with them and continues to be nurtured. It is these stories that humanize the physical space, so that when they become personal to us, they become live and living spaces. So, our national territory, our physical space, is a vast and rich collection of our stories of events that occurred at a particular time and place. Through our remembering, we give our nation its identity and it makes our nation alive to us.”

Sa pagtatapos, hiniling ni Abrera ang pagpapatuloy sa pagdinig at pakikiisa sa mga kuwentong nagpapatibay sa kasaysayan ng bayan at pagkakakilanlan o identidad ng mga Pilipino.

Samantala, ayon naman kay Prop. Noreen H. Sapalo ng UP Departamento ng Antropolohiya at program facilitator ng BAGUMBAYAN, ang alaala ng kamatayan ng GomBurZa ang ginamit ng kumperensiya bilang lunsaran at simula ng pagdodokumento ng mayayamang kuwentong-bayan at naratibo lalo na sa mga lugar at espasyo na naging mahalaga at patuloy na pinapahalagahan ng iba’t ibang komunidad sa bansa.

“Nilalayon din po ng UP CSSP Folklore Studies Program (FSP) na maging plataporma ang kumperensiyang ito para sa pagpapayabong at pagpapalakas ng kolaborasyon sa pagitan ng mga iskolar na interesado sa folklore o kaalamang bayan,” aniya.

Ang BAGUMBAYAN ay dalawang-araw na kumperensiyang binuksan noong Marso 9, 9:30 n.u. at sabayang nasaksihan sa Zoom at mga Facebook page ng FSP at Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts/OICA). Ito ay inorganisa ng FSP sa suporta ng Opisina ng Tsanselor sa pamamagitan ng OICA.

Mga tagapagsalita sa ikalawang panel. Screenshot ng kumperensiya

Tampok sa unang araw ng kumperensiya ang pangunahing panayam na “Retracing Sites of Encounter of the Igorots and Early Travellers in Northern Luzon: Reactivating Agency of Material Culture, Memory, and Igorot Identity” ni Prop. Analyn Salvador-Amores, PhD ng UP Baguio noong umaga. Dalawang panel ng mga panayam naman ang naganap kinahapunan.

Ang mga panayam sa unang panel ay ang “Geonarrating Subaltern Stories-So-Far” nina Prop. Joseph Palis, PhD ng UP Departamento ng Heograpiya (Department of Geography/Geog) at Mike Hawkins (University of North Carolina Chapel Hill), “Dagat ang Salamin” ni Prop. Allan Alberto Derain, PhD (Ateneo de Manila University), at “Marinduque Silencescapes” ni Emmanuel Jayson Bolata (UP Departamento ng Kasaysayan).

Samantala, sa ikalawang panel naman ay ang “Geonarratives of Human Rights Defenders (HRDs) in Necros/Negros Island, Philippines” ni Prop. Mylene de Guzman (Geog), “Land and Property for Whom? Discussing the Ibaloy and the Blaan Notions of Ownership and Occupancy in the Philippines Uplands” ni Antoine Laugrand (Université Catholique de Louvain), “Storying Emotional Geographies among Dispossessed Ibaloi and Kankanaey Miners” ni Prop. Lou Angeli Ocampo, PhD (Geog), at “From Lianga to the National Consciousness: Indigeneity and Being Lumad” ni Prop. Arnold Alamon (Mindanao State University-Iligan).

Ang ikalawang araw ng kumperensiya ay naganap noong Marso 10. Ang kumperensiya ay bahagi ng Arts and Culture Festival 2022 na may temang “kaMALAYAn: Pamana ng GomBurZa @ 150.”

Poster ng kumperensiya. Mula sa BAGUMBAYAN Facebook page

12 research on BAGUMBAYAN Day 2