Campus

AUPWU-Diliman 11th assembly idinaos, CECLV dumalo

Nagtipon ang mga kinatawan ng yunit para sa All UP Workers Union-Diliman (AUPWU-Diliman) para sa ika-11 nitong assembly na may temang Ibayong Pagmumulat at Solidong Pagkakaisa para sa Kawani at Sambayanan sa Bulwagang Tandang Sora sa UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan noong Abril 25.

Cabrera. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ayon kay Clodualdo “Buboy” Cabrera, pangulo ng AUPWU-Diliman, pinag-usapan sa assembly ang mga naganap sa unyon at UPD sa loob ng tatlong taon, at mga isyu na idinulog ng mga kawani. Naganap din ang paglalatag ng programa ng unyon sa susunod na tatlong taon. Kaaalinsabay nito, iniharap ng unyon ang mga tumakbong kandidato ng AUPWU-Diliman sa eleksiyon na ginanap ngayong Abril 26.

“Sana ang lahat ng kasapi ng AUPWU ay patuloy na magkaisa para ipaglaban ang ating mga benepisyo sa Unibersidad at ang ating karapatan bilang mga kawani,” saad ni Cabrera.

Dumalo rin sa pagtitipon si UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na pinuri ang AUPWU-Diliman sa pagsuporta nito sa mga kawani ng UPD.

“Nakikita ko ang inyong pagpupursigi para sa kapakanan ng ating mga kawani. Sa aking experience sa aking unang taon bilang tsanselor, nakita ko na very active ang unyon sa pagdadala ng iba’t ibang isyu, problema, at hinaing ng ating mga kasama dito sa UPD. Bukas ang administrasyon sa ganiyang mga bagay,” Ani Vistan.

Hinimok niya ang AUPWU-Diliman na ipagpatuloy ang mga gawain nito at direktang ipagbigay-alam sa kaniya ang anumang isyu na kinakaharap ng mga kawani.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Gusto ko sa mga natitira pang taon ng aking pagiging tsanselor ay ituloy ninyo iyan… Dapat talaga ay idulog ninyo nang diretso sa akin ang mga problema ng ating mga kawani,” aniya.

Idinagdag din ni Vistan na hangad niya ang pananatili ng unyon bilang tulay ng administrasyon at ng mga kawani.

“Hiling kong manatiling tulay para sa mas matatag na ugnayan ng pamunuan ng UP System at UPD, at mga kawani. Sa pamamagitan ng unyon ay mas makabubuo tayo ng mga solusyong tutugon sa mga pangangailangan ng mga kasama natin sa trabaho. Naniniwala akong magiging daan ang unyon sa mas marami pang malayang talakayang naglalayong malaman ang kalagayan ng mga kawani at mga pagpupulong kung saan mapakikinggan ang kanilang mungkahi,” pahayag ni Vistan.

Mga dumalo sa ika-11 assembly ng AUPWU-Diliman. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO