Tatlong guro ng UP Diliman (UPD) ang binigyang pagkilala ng iba’t ibang organisasyon nitong Abril.
Ang mga pinarangalan ay sina Dekano Jimmuel C. Naval ng Kolehiyo ng Arte at Literatura at Apolonio B. Chua, PhD, professor emeritus sa UPD Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas; at Nicanor G. Tiongson, PhD, professor emeritus sa UP Film Institute (UPFI).
Pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Naval ng KWF Gawad Dangal ng Panitikan.
Samantala, ipinagkaloob naman ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas kila Naval (Katha sa Filipino) at Chua (Kritisismo sa Filipino).
Iginawad naman kay Tiongson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang FDCP Lifetime Achievement Award.
Mula sa website ng KWF, “Ang Gawad Dangal ng Panitikan ay ang mataas na pagkilala sa naiambag sa panitikang Pilipino o lifetime achievement award. Binibigyang-pagpupugay nito ang natatanging manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan.”
Ayon sa Facebook page ng UMPIL, “Ipinagkakaloob ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa mga manunulat para sa kanilang katangi-tanging obra sa anumang wika sa Filipinas at ambag sa pagpapaunlad ng panitikang Filipino.”
Kinilala ang mga naging ambag ni Tiongson sa larangan ng pelikulang Pilipino na nagkaroon ng malaking bahagi sa pagsulong at pag-angat nito. Naganap ang taunang Gabi ng Parangal ng KWF noong Abril 17 sa Sheraton Manila Hotel, Lungsod ng Pasay at ang FDCP Parangal ng Sining noong Abril 19 sa Seda Vertis North, Lungsod ng Quezon. Ang seremonya ng pagpaparangal ng UMPIL ay gaganapin sa Abril 27 sa Gimenez Gallery, UPD.